Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagtitiwala sa Pag-iingat ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.
62 Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa;
ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.
2 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
3 Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin?
Tulad ng isang pader siya'y ibagsak, gaya ng bakod siya'y mawawasak.
4 Nais lamang ninyong siya ay siraan, sa inyong adhikang ibaba ang dangal;
ang magsinungaling, inyong kasiyahan.
Pangungusap ninyo, kunwa'y pagpapala,
subalit sa puso'y inyong sinusumpa. (Selah)[a]
5 Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
6 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
7 Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang.
Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
matibay na muog na aking kanlungan.
8 Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)[b]
9 Ang taong nilalang ay katulad lamang
ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
katumbas na bigat ay hininga lamang.
10 Huwag kang magtiwala sa gawang marahas,
ni sa panghaharang, umasang uunlad;
kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan
ang lahat ng ito'y di dapat asahan.
11 Hindi na miminsang aking napakinggan
na taglay ng Diyos ang kapangyarihan,
12 at(A) di magbabago kanyang pagmamahal.
Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo.
Hinatulan ni Yahweh ang Israel
9 Sinabi(A) ni Yahweh, “Ang Israel ay patuloy sa pagkakasala;
mula pa noong sila'y nasa Gibea.
Dahil dito'y aabutan siya ng digmaan sa Gibea.
10 Sasalakayin[a] ko ang bayan,
at magsasanib ang mga bansa laban sa inyo.
Kayo'y pinarusahan ko dahil sa patung-patong na kasalanan.
11 “Ang Efraim ay parang dumalagang baka
na sanay at mahilig sa gawang paggiik,
ngunit ngayo'y isisingkaw ko na siya;
ang Juda ang dapat humila ng araro;
at ang Israel naman ang hihila ng suyod.
12 Maghasik(B) kayo ng katuwiran,
at mag-aani kayo ng tapat na pag-ibig.
Bungkalin ninyong muli ang napabayaang lupa,
sapagkat panahon na upang hanapin natin si Yahweh.
Lalapit siya sa inyo at pauulanan kayo ng pagpapala.
13 Ngunit naghasik kayo ng kalikuan,
at kawalang-katarungan ang inyong inani,
kumain din kayo ng bunga ng kasinungalingan.
“Dahil sa pagtitiwala ninyo sa inyong mga kapangyarihan,
at sa lakas ng marami ninyong mandirigma,
14 masasangkot sa digmaan ang inyong bayan,
at mawawasak lahat ng inyong mga kuta,
gaya ng ginawa ni Salman sa Beth-arbel nang salakayin niya ito
at patayin ang mga ina at mga bata.
15 Ganito ang gagawin sa sambahayan ng Israel,
sapagkat malaki ang inyong kasalanan.
Sa pagsapit ng bukang-liwayway,
ang hari ng Israel ay ganap na mamamatay.”
Babala sa mga Mapang-aping Mayayaman
5 Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. 2 Bulok(A) na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. 3 Kinakalawang(B) na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. 4 Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod. Umabot na sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! 5 Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin. 6 Hinatulan(C) ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.