Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti
Katha ni David.
37 Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
huwag mong kainggitan liko nilang gawa.
2 Katulad ng damo, sila'y malalanta,
tulad ng halaman, matutuyo sila.
3 Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
4 Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.
5 Ang iyong sarili'y sa kanya italaga,
tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
6 Ang kabutihan mo ay magliliwanag,
katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
7 Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya;
huwag mong kainggitan ang gumiginhawa,
sa likong paraan, umunlad man sila.
8 Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana;
walang kabutihang makakamtan ka.
9 Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan,
ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.
Muling Nagbanta ang Hari ng Asiria(A)
8 Umuwi na ang opisyal ng Asiria nang mabalitaan niya na umalis na sa Laquis ang hari ng Asiria. Nang siya'y makabalik, nadatnan niya na sinasalakay nito ang Libna. 9 Dumating noon ang balita sa hari ng Asiria na sila'y lulusubin ni Haring Tirhaka ng Etiopia kaya nagsugo siya uli kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: 10 “Huwag mo nang dayain ang iyong sarili na sa pamamagitan ng pananalig mo sa iyong Diyos ay maliligtas ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria. 11 Alam mo naman kung paano natalo ng mga naunang hari ng Asiria ang ibang lupain. Hindi ka rin makakaligtas sa akin. 12 Nailigtas ba ng kanilang mga diyos ang Gozan, ang Haran, ang Rezef at ang mga taga-Eden sa Telasar na tinalo ng aking mga ninuno? 13 Nasaan ang mga hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena o Iva?”
14 Binasa ni Ezequias ang sulat na ibinigay sa kanya ng mga sugo ni Senaquerib. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo at inilatag ang sulat sa harapan ni Yahweh. 15 Nanalangin(B) si Ezequias ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos sa lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Kayo ang lumikha ng langit at lupa. 16 Pakinggan po ninyo ako, Yahweh. Narinig ninyo ang pag-alipusta ni Senaquerib sa inyo, Diyos na buháy. 17 Alam po namin, Yahweh, na marami nang bansang winasak ang mga hari ng Asiria. 18 Nagawa nilang sunugin ang mga diyos ng mga bansang iyon sapagkat hindi naman talagang Diyos ang mga iyon kundi mga kahoy at batong inanyuan ng mga tao. 19 Kaya ngayon, Yahweh, iligtas po ninyo kami kay Senaquerib para malaman ng buong daigdig na kayo lamang ang kaisa-isang Diyos.”
Ang Mensahe ni Isaias para kay Haring Ezequias(C)
20 Nagpadala ng sugo si Isaias kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na narinig niya ang panalangin mo tungkol sa hari ng Asiria.
35 Nang gabing iyon, pinasok ng anghel ni Yahweh ang kampo ng mga taga-Asiria at 185,000 kawal ang pinatay nito. Kinabukasan, nang bumangon ang mga hindi napatay, nakita nilang naghambalang ang mga bangkay. 36 Kaya nagmamadaling umuwi sa Nineve si Haring Senaquerib.
37 Minsan, nang si Senaquerib ay nananalangin sa templo ng diyos niyang si Nisroc, pinatay siya sa pamamagitan ng tabak ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer. Pagkatapos, nagtago ang mga ito sa lupain ng Ararat. At si Ezarhadon ang humalili sa kanyang amang si Haring Senaquerib.
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Pergamo
12 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Pergamo:
“Ito ang sinasabi ng may hawak ng matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. 13 Alam ko kung saan ka nakatira, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Gayunma'y nananatili kang tapat sa akin. Hindi mo tinalikuran ang iyong pananampalataya sa akin kahit noong si Antipas na tapat kong lingkod ay patayin diyan sa kalagitnaan ninyo sa lugar na tinitirhan ni Satanas. 14 Subalit(A) may ilang bagay na ayaw ko sa iyo: may ilan sa inyo na sumusunod sa katuruan ni Balaam na nagturo kay Balac upang mahikayat ang mga Israelita na magkasala. Kaya't kumain sila ng mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan at nakiapid. 15 May ilan din sa inyong sumusunod sa katuruan ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan! Kung hindi, pupunta ako diyan sa lalong madaling panahon at pupuksain ko ang mga taong iyon sa pamamagitan ng tabak na lumalabas sa aking bibig.
17 “Ang(B) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!
“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong pagkain[a]. Bibigyan ko rin siya ng batong puti na kinasusulatan ng isang bagong pangalan, na walang sinumang nakakaalam maliban sa tatanggap niyon.”
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Tiatira
18 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Tiatira:
“Ito ang sinasabi ng Anak ng Diyos na may mga matang parang apoy na nagliliyab at mga paang kumikinang na parang tansong pinakintab. 19 Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay higit kaysa noong una. 20 Ngunit(C) ito ang ayaw ko sa iyo: pinapayagan mo si Jezebel, ang babaing nagpapanggap na propeta, na turuan at linlangin ang aking mga lingkod upang makiapid at kumain ng pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng sapat na panahon upang pagsisihan at talikuran ang kanyang pakikiapid, ngunit ayaw niya. 22 Kaya nga bibigyan ko siya ng malubhang sakit, pati ang mga kasama niya sa pangangalunya. Daranas sila ng matinding kapighatian kung hindi nila pagsisisihan at tatalikuran ang kahalayang ginawa nila sa piling ng babaing iyan. 23 Papatayin(D) ko ang kanyang mga anak upang malaman ng mga iglesya na sinisiyasat ko ang puso't isip ng mga tao at gagantihan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga gawa.
24 “Ngunit para sa ibang mga taga-Tiatira, na hindi sumusunod sa katuruan ni Jezebel at hindi natuto ng tinatawag na ‘malalalim na lihim ni Satanas,’ ito ang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo bibigyan ng ibang pasanin, 25 ngunit panghawakan ninyo kung anong mayroon kayo hanggang ako'y dumating. 26 Sa(E) magtatagumpay at tutupad ng ipinapagawa ko hanggang wakas, ibibigay ko sa kanya ang pamamahala sa mga bansa. 27 Mamamahala siya sa pamamagitan ng tungkod na bakal at dudurugin niya ang mga bansa na parang mga palayok. 28 Ibinibigay ko ito kung paanong ibinigay ito sa akin ng Ama. Ibibigay ko rin sa mga magtatagumpay ang bituin sa umaga.
29 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.