Revised Common Lectionary (Complementary)
Nakipagbuno si Jacob sa Peniel
22 Nang gabi ring iyon, gumising si Jacob at itinawid sa Ilog Jabok ang dalawa niyang asawa, labing-isang anak at dalawang asawang-lingkod. 23 Pagkatapos(A) maitawid ang lahat niyang ari-arian, 24 naiwang(B) mag-isa si Jacob.
Doon, nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa pagbubukang-liwayway. 25 Nang maramdaman ng lalaki na hindi niya madadaig si Jacob, hinampas niya ito sa balakang at ang buto nito'y nalinsad. 26 Sinabi ng lalaki, “Bitiwan mo na ako at magbubukang-liwayway na!”
“Hindi kita bibitiwan hangga't hindi mo ako binabasbasan,” wika ni Jacob. 27 Tinanong ng lalaki kung sino siya, at sinabi niyang siya'y si Jacob.
28 Sinabi(C) sa kanya ng lalaki, “Mula ngayo'y Israel[a] na ang itatawag sa iyo, at hindi na Jacob, sapagkat nakipagbuno ka sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”
29 “Ano(D) namang pangalan ninyo?” tanong ni Jacob.
“Bakit gusto mo pang malaman?” sagot naman ng lalaki. At binasbasan niya si Jacob.
30 Sinabi ni Jacob, “Nakita ko ang mukha ng Diyos, gayunma'y buháy pa rin ako.” At tinawag niyang Peniel[b] ang lugar na iyon. 31 Sumisikat na ang araw nang umalis siya roon at papilay-pilay na lumakad.
Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
2 Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.
3 Di niya ako hahayaang mabuwal,
siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
4 Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
hindi natutulog at palaging gising!
5 Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
laging nasa piling, upang magsanggalang.
6 Di ka maaano sa init ng araw,
kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.
7 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
sa mga panganib, ika'y ililigtas.
8 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.
14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain.
4 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus na hahatol sa mga buháy at sa mga patay, alang-alang sa kanyang pagdating bilang hari, inaatasan kita: 2 ipangaral mo ang salita ng Diyos; pagsikapan mong gawin iyan napapanahon man o hindi. Himukin mo at pagsabihan ang mga tao, at palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. 3 Sapagkat darating ang panahong hindi na sila makikinig sa wastong katuruan; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Maghahanap sila ng mga tagapagturo na walang ituturo kundi ang ibig lamang nilang marinig. 4 Hindi na sila makikinig sa katotohanan, sa halip ay ibabaling ang kanilang pansin sa mga kathang-isip. 5 Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng oras, magtiis ka sa panahon ng kahirapan. Gampanan mo ang tungkulin ng isang mangangaral ng Magandang Balita at tuparin mo nang lubos ang iyong paglilingkod.
Ang Biyuda at ang Hukom
18 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. 2 Sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. 3 Sa lungsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, ‘Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.’ 4 Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, ‘Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, 5 ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.’” 6 At nagpatuloy ang Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. 7 Ngayon,(A) ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? 8 Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao, may daratnan pa kaya siyang mga taong may pananampalataya?”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.