Revised Common Lectionary (Complementary)
6 Huwag(A) kang magmamataas sa harap ng hari, ni ihanay ang sarili sa mga taong pili. 7 Pagkat mas mabuting sabihin sa iyong, “Halika rito,” kaysa hamakin ka sa harap ng marami.
Mapalad ang Mabuting Tao
112 Purihin si Yahweh!
Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
2 Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
pati mga angkan ay may pagpapala.
3 Magiging sagana sa kanyang tahanan,
pagpapala niya'y walang katapusan.
4 Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
5 Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
6 Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
7 Masamang balita'y hindi nagigitla,
matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
8 Wala siyang takot, hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
9 Nagbibigay(A) sa mga nangangailangan,
pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
lumalayas silang mabagsik ang mukha;
pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.
Paglilingkod na Nakalulugod sa Diyos
13 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo. 2 Palaging(A) maging bukás ang inyong mga tahanan para sa mga taga-ibang bayan. May ilang tao noon na nakapagpatulóy ng mga anghel, lingid sa kanilang kaalaman. 3 Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon.
4 Dapat(B) ituring na marangal ng lahat ang pag-aasawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.
5 Huwag(C) kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” 6 Kaya't(D) malakas ang loob nating masasabi,
“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin,
hindi ako matatakot.
Ano ang magagawa sa akin ng tao?”
7 Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. 8 Kung sino si Jesu-Cristo noon ay siya rin ngayon at magpakailanman.
15 [Kaya't][a] lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. 16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Manas
14 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo, at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.
Pagmamataas at Pagpapakumbaba
7 Napansin ni Jesus na pinipili ng ilang mga panauhin ang mga upuang pandangal. Kaya't sinabi niya ang talinghagang ito sa kanila. 8 “Kapag(A) inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas kilala kaysa sa iyo. 9 Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan. 10 Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, ‘Kaibigan, dito ka sa kabisera,’ mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin. 11 Sapagkat(B) ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.”
12 Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo, huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, dahil aanyayahan ka rin nila at sa gayon ay susuklian ang iyong ginawa. 13 Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag. 14 Kapag ganito ang ginawa mo, pagpapalain ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.