Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Sheminit.[a]
12 O Yahweh, kami sana'y iligtas mo! Pagkat wala na ngayong mabuting tao,
wala nang taong tapat at totoo.
2 Nagsisinungaling silang lahat sa isa't isa,
nagkukunwari at nagdadayaan sila.
3 Patigilin mo, Yahweh, ang madaldal na dila,
at sarhan ang bibig ng hambog magsalita;
4 silang laging nagsasabi,
“Kami'y magsasalita ng nais namin;
at sa gusto nami'y walang makakapigil!”
5 “Darating na ako,” sabi ni Yahweh,
“Upang saklolohan ang mga inaapi.
Sa pinag-uusig na walang magkupkop,
hangad nilang tulong ay ipagkakaloob!”
6 Ang mga pangako ni Yahweh ay maaasahan,
ang katulad nila'y pilak na lantay;
tinunaw sa hurnong hinukay, pitong beses na pinadalisay.
7 Kami, Yahweh, ay lagi mong ingatan,
sa ganitong mga tao ay huwag pabayaan;
8 Ang masasamang tao'y nasa lahat ng lugar,
ang mga gawang liko ay ikinararangal!
10 Ang isip ng masama'y lagi sa kalikuan,
kahit na kanino'y walang pakundangan.
11 Parusahan mo ang mangungutya at matututo ang mangmang,
pagsabihan mo ang matino, lalong lalawak ang kanyang kaalaman.
12 Alam ng Diyos ang nangyayari sa loob ng bahay ng masama,
at siya'y gumagawa ng paraan upang sila'y mapariwara.
13 Ang hindi pumapansin sa daing ng mahirap,
daraing din balang araw ngunit walang lilingap.
14 Kung ang kapwa mo ay may hinanakit,
regaluhan mo nang palihim, mawawala ang galit.
15 Kapag umiiral ang katarungan, natutuwa ang matuwid,
ngunit nalulungkot ang masama at may likong pag-iisip.
16 Ang lumilihis sa daan ng kaalaman
ay hahantong sa kamatayan.
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(A)
45 Habang nakikinig ang lahat kay Jesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig lumakad nang may mahahabang kasuotan at gustung-gustong batiin sa mga pamilihan. Mahilig silang umupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at sa mga upuang pandangal sa mga handaan. 47 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda, at ginagamit ang kanilang mahahabang dasal bilang pakitang-tao. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusa sa kanila.”
Ang Handog ng Isang Biyuda(B)
21 Nang tumingin si Jesus sa paligid, nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng mga handog sa Templo. 2 Nakita rin niya ang isang dukhang biyuda na naghulog ng dalawang salaping tanso. 3 Sinabi niya, “Ang inihandog ng dukhang biyudang iyon ay higit pa sa inihandog nilang lahat. 4 Ang inilagay nila ay bahagi lamang ng kanilang kasaganaan, ngunit ang kanyang ibinigay ay ang buo niyang kabuhayan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.