Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 73

IKATLONG AKLAT

Ang Katarungan ng Diyos

Awit ni Asaf.

73 Kay buti ng Diyos sa taong matuwid,
    sa lahat ng taong ang puso'y malinis.
Ngunit ang sarili'y halos bumagsak,
    sa paghakbang ko'y muntik nang madulas!
Sa taong mayabang, ako'y naiinggit nga,
    at sa biglang yaman ng mga masama.
Ni hindi nagdanas ng anumang hirap,
    sila'y masisigla't katawa'y malakas.
Di tulad ng ibang naghirap nang labis,
    di nila dinanas ang buhay na gipit.
Ang pagmamalaki ay kinukuwintas,
    at ang dinaramit nila'y pandarahas.
Ang tibok ng puso'y pawang kasamaan,
    at masasama rin ang nasa isipan;
mga ibang tao'y pinagtatawanan, ang yayabang nila,
    ang layon sa buhay ay ang pang-aapi sa kapwa nilalang.
Diyos mang nasa langit ay tinutungayaw,
    labis kung mag-utos sa mga nilalang;
10 kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos,
    anumang sabihi'y paniwalang lubos.
11 Ang sabi, “Ang Diyos walang nalalaman,
    walang malay yaong Kataas-taasan.”
12 Ang mga masama'y ito ang kagaya,
    di na kinukulang ay naghahanap pa.
13 Samantalang ako, malinis ang palad,
    hindi nagkasala't lubos na nag-ingat, at aking natamo'y kabiguang lahat.
14 Diyos, pinagtiis mo ako ng hirap,
    sa tuwing umaga'y parusa ang gawad.

15 Kung ang mga ito'y aking sasabihin,
    sa mga lingkod mo, ako'y magtataksil;
16 kaya't sinikap kong ito'y saliksikin,
    mahirap-hirap mang ito'y unawain.
17 Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas,
    na ang masasama ay mapapahamak;
18 dinala mo sila sa dakong madulas,
    upang malubos na, kanilang pagbagsak;
19 walang abug-abog sila ay nawasak,
    kakila-kilabot yaong naging wakas!
20 Parang panaginip nang ako'y magising,
    pati anyo nila'y nalimutan na rin.

21 Nang ang aking isip hindi mapalagay,
    at ang damdamin ko'y labis na nasaktan,
22 di ko maunawa, para akong tanga,
    sa iyong harapa'y hayop ang kagaya.
23 Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako,
    sa aking paglakad ay inaakay mo.
24 Ang mga payo mo'y umakay sa akin,
    marangal na ako'y iyong tatanggapin.
25 Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang,
    at maging sa lupa'y, aking kailangan?
26 Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man,
    ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.

27 Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay,
    at ang nagtataksil wawasaking tunay.
28 Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako!
    Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag,
    ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.

Amos 7:1-6

Ang mga Balang sa Pangitain

Ito ang pangitaing ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh: Nagpakawala siya ng maraming balang pagkatapos na gapasin ang bahagi ng ani na para sa hari, at habang nagsisimulang tumubo ang pananim. Nakita kong sinimot ng mga balang ang lahat ng halaman sa lupain. At nasabi ko, “Panginoong Yahweh, patawarin mo po ang iyong bayan! Paano pa sila mabubuhay? Sila'y maliliit at mahihina!”

Nagbago ang isip ni Yahweh at sinabi niya, “Sige, hindi na mangyayari ang iyong nakita.”

Ang Apoy sa Pangitain

Ito ang sumunod na ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh: Handa na siya upang parusahan ang mga tao sa pamamagitan ng apoy. Ang tubig sa kalaliman ng lupa ay tinuyo ng apoy at ngayo'y nasusunog na ang lupain. Kaya't ako'y nakiusap, “Panginoong Yahweh, maawa po kayo sa kanila! Sila'y mahihina't maliliit, baka hindi sila makatagal!”

Nagbago ang isip ni Yahweh at ang sabi, “Hindi ko na rin ito hahayaang mangyari.”

1 Timoteo 1:18-20

18 Timoteo, anak ko, ang mga bagay na ito'y itinatagubilin ko sa iyo ayon sa mga pahayag na sinabi tungkol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban kang mabuti, 19 taglay ang matibay na pananampalataya at malinis na budhi. May mga taong hindi sumunod sa kanilang budhi, at dahil dito, ang pananampalataya nila ay natulad sa isang barkong nawasak. 20 Kabilang sa mga iyon sina Himeneo at Alejandro, na ipinaubaya ko na sa kapangyarihan ni Satanas upang turuan silang huwag lumapastangan sa Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.