Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
113 Purihin si Yahweh!
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
2 Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
magmula ngayo't magpakailanman,
3 buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
4 Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
5 Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
na sa kalangitan doon nakaluklok?
6 Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
7 Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
kanyang itinataas, kanyang nililingap.
8 Sa mga prinsipe ay isinasama,
sa mga prinsipe nitong bayan niya.
9 Ang babaing baog pinagpapala niya,
binibigyang anak para lumigaya.
Purihin si Yahweh!
Ang Pugon ni Yahweh
17 Sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, mababa na ang tingin ko sa Israel. Siya'y tulad ng latak ng pinagtunawan ng pilak, tanso, lata, bakal, at tingga, matapos dalisayin sa pugon ang pilak. 19 Kaya nga, sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Kayo ay nahaluan, kaya titipunin ko kayo sa Jerusalem. 20 Kung paanong ang pilak, tanso, bakal, tingga, at lata ay inilalagay sa tunawan upang dalisayin, gayon ang gagawin ko sa inyo. Tutunawin ko kayo sa init ng nag-aalab kong poot. 21 Titipunin ko kayo para ibuhos sa inyo ang aking matinding poot, hanggang sa kayo'y matunaw. 22 Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa pugon, gayon ang gagawin ko sa inyo sa Jerusalem. Kapag naibuhos ko na sa inyo ang matindi kong poot, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Ang Kasamaan ng mga Pinuno ng Israel
23 Muling nagsalita sa akin si Yahweh, 24 “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na ang lupain ay marumi dahil sa kanilang kasalanan kaya paparusahan ko ito dahil sa pagkapoot ko. 25 Ang mga pinuno niya ay parang leong umuungal habang nilalapa ang kanyang biktima. Pumapatay sila ng maraming tao, nananamsam ng mga kayamanan, at maraming babae ang nabalo dahil sa kanila. 26 Ang(A) mga utos ko'y nilabag ng kanilang mga pari. Winawalang-halaga nila ang mga bagay na itinalaga para sa akin. Pinagsama-sama na nila ang sagrado at ang karaniwang mga bagay. Hindi na rin nila itinuro kung alin ang malinis at kung alin ang marumi. Winalang-halaga nila ang Araw ng Pamamahinga. Dahil dito, hindi na rin nila ako iginagalang. 27 Ang mga pinuno nila'y parang hayok na asong-gubat kung lumapa ng kanilang biktima. Sila'y walang awang pumapatay upang yumaman. 28 Pinagtatakpan pa ng mga propeta ang ganitong kasamaan, tulad ng maruming pader na pinipinturahan ng kalburo. Mga huwad ang kanilang pangitain at pawang kasinungalingan ang kanilang ipinapahayag. Sinasabi nilang, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko ipinapasabi. 29 Ang mayayaman ay nandadaya at nagnanakaw. Inaapi nila ang mahihirap, at walang tigil ang panghuhuthot sa mga taga-ibang bayan. 30 Humanap ako ng isang taong makakapaglagay ng pader upang ipagsanggalang ang lunsod sa araw na ibuhos ko ang aking poot, ngunit wala akong makita. 31 Kaya, ibubuhos ko na sa kanila ang nag-aalab kong poot at sila'y aking lilipulin. Sisingilin ko na sila sa masasama nilang gawain.”
Ang Pag-ibig ng Diyos
31 Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay? 33 Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? 34 Sino ang hahatol upang sila'y parusahan? Si Cristo Jesus ba na namatay, ngunit higit sa lahat ay muling binuhay, at ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin? 35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? 36 Ayon(A) sa nasusulat,
“Dahil sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
turing nila sa amin ay mga tupang kakatayin lamang.”
37 Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, 39 ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.