Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh
(Tet)
65 Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,
kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
66 Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,
yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
67 Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,
nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
68 kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;
sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
69 Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,
ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.
70 Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,
ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.
71 Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
72 Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
Nilusob ng Egipto ang Juda(A)
12 Nang maging matatag na ang paghahari ni Rehoboam, tinalikuran niya at ng buong Israel ang Kautusan ni Yahweh. 2 Subalit nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sapagkat hindi sila naging tapat kay Yahweh, sinalakay ni Shishak, hari ng Egipto, ang Jerusalem. 3 Ang hukbo ni Shishak ay binubuo ng 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo at di mabilang na mga tauhan pati mga taga-Libya, taga-Sukuim at taga-Etiopia. 4 Nakuha niya ang mga may pader na lunsod ng Juda at nakaabot siya hanggang Jerusalem.
5 Dahil sa pananalakay ni Shishak, ang mga pinuno ng Israel ay nagtipon sa Jerusalem kasama ni Rehoboam. Dumating naman ang propetang si Semaias at sinabi sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya pinabayaan ko rin kayong mahulog sa kamay ni Shishak.’”
6 Pagkarinig niyon, nagpakumbaba ang hari at ang mga pinuno ng Israel at sinabi nila: “Makatarungan si Yahweh.”
7 Nakita ni Yahweh ang kanilang pagpapakumbaba, kaya sinabi niya kay Semaias: “Nagpakumbaba na sila, kaya hindi ko na sila lilipulin. Ililigtas ko sila sa lubos na kapahamakan at hindi ko na ibubuhos ang aking galit sa Jerusalem sa pamamagitan ni Shishak. 8 Gayunman, sila'y masasakop nito upang malaman nila kung alin ang higit na mabuti: ang maglingkod sa akin o ang maglingkod sa mga hari sa lupa.”
9 Sinalakay(B) ni Haring Shishak ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem at sinamsam ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Kinuha niya ang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon. 10 Pinapalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng kalasag na tanso. Pinaingatan niya ang nasabing mga panangga sa pinuno ng mga bantay ng palasyo. 11 Tuwing pupunta sa Templo ang hari, inilalabas nila ang mga kalasag at pagkatapos ay ipinababalik sa silid ng mga bantay. 12 Sapagkat nagpakumbaba si Rehoboam, hindi ganap na ibinuhos ng Diyos ang galit nito sa kanya. Hindi sila nalipol nang tuluyan at naging matiwasay na ang kalagayan ng Juda.
7 Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. 8 Kung sino si Jesu-Cristo noon ay siya rin ngayon at magpakailanman. 9 Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga walang pakinabang na mga utos tungkol sa pagkain.
10 Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa sambahan ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambanang ito. 11 Ang(A) dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng lungsod upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng kampo at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. 14 Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap natin ay ang lungsod na darating. 15 [Kaya't][a] lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. 16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.
17 Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y nangangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos sa gawaing ito. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo.
18 Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon. 19 Higit sa lahat, hinihiling kong ipanalangin ninyo na ako'y makabalik agad sa inyo.
Panalangin
20 Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus, na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo na nagpatibay sa walang hanggang tipan. 21 Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.