Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
113 Purihin si Yahweh!
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
2 Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
magmula ngayo't magpakailanman,
3 buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
4 Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
5 Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
na sa kalangitan doon nakaluklok?
6 Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
7 Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
kanyang itinataas, kanyang nililingap.
8 Sa mga prinsipe ay isinasama,
sa mga prinsipe nitong bayan niya.
9 Ang babaing baog pinagpapala niya,
binibigyang anak para lumigaya.
Purihin si Yahweh!
Ang Kasamaan ng Tao
8 Kawawa kayo na laging naghahangad ng maraming bahay
at malawak na mga bukirin,
hanggang mawalan na ng lugar ang ibang mga tao,
at kayo na lamang ang naninirahan sa lupain.
9 Sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat:
Maraming tirahan ang mawawasak;
malalaki at magagandang mga tahanan, sira at wasak na ito'y iiwan.
10 Sa bawat walong ektaryang ubasan, dalawampu't dalawang litrong alak lamang ang makukuha;
sa bawat sampung kabang inihasik, limang salop lamang ang aanihin.
11 Kawawa(A) ang maaagang bumangon
na nagmamadali upang makipag-inuman;
inaabot sila ng hatinggabi
hanggang sa malasing!
12 Tugtog ng lira sa saliw ng alpa;
tunog ng tamburin at himig ng plauta;
saganang alak sa kapistahan nila;
ngunit mga ginawa ni Yahweh ay hindi nila inunawa.
13 Kaya nga ang bayan ko ay dadalhing-bihag ng hindi nila nalalaman;
mamamatay sa gutom ang kanilang mga pinuno,
at sa matinding uhaw, ang maraming tao.
14 Ang daigdig ng mga patay ay magugutom;
ibubuka nito ng maluwang
ang kanyang bibig.
Lulunukin nito ang mga maharlika ng Jerusalem,
pati na ang karaniwang tao na nagkakaingay.
15 Ang lahat ng tao'y mapapahiya,
at ang mayayabang ay pawang ibababa.
16 Ngunit si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, pupurihin siya sa hatol niyang matapat,
at sa pagpapakita ng katuwiran, makikilalang ang Diyos ay Banal.
17 Sa gayon, sa tabi ng mga guho ay manginginain
ang mga tupa at mumunting kambing.
18 Kawawa kayo, mga makasalanan na walang ginawa kundi humabi ng kasinungalingan;
hindi kayo makakawala sa inyong kasamaan.
19 Sinasabi ninyo: “Pagmadaliin natin ang Diyos
upang ating makita ang kanyang pagkilos;
maganap na sana ang plano ng Banal na Diyos ng Israel,
nang ito'y malaman natin.”
20 Kawawa kayo, mga baligtad ang isip!
Ang mabuting gawa ay minamasama,
at minamabuti naman iyong masama,
ang kaliwanaga'y ginagawang kadiliman
at ang kadilima'y itinuturing na kaliwanagan.
Sa lasang mapait ang sabi'y matamis,
sa lasang matamis ang sabi'y mapait.
21 Kawawa rin kayo, mga nag-aakalang kayo'y marurunong,
at matatalino sa inyong sariling palagay!
22 Mga bida sa inuman, kawawa kayo!
Mahuhusay lang kayo sa pagtitimpla ng alak;
23 dahil sa suhol, pinapalaya ang may kasalanan,
at sa taong matuwid ipinagkakait ang katarungan.
Ang Kaloob ng Biyuda(A)
41 Naupo si Jesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob sa Templo, at pinagmasdan ang mga naghuhulog ng salapi. Napansin niyang maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. 42 Lumapit naman ang isang biyudang dukha at naghulog ng dalawang salaping tanso. 43 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo, ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat. 44 Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng babaing iyon, bagama't siya'y dukha, ay ang buo niyang ikinabubuhay.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.