Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
113 Purihin si Yahweh!
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
2 Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
magmula ngayo't magpakailanman,
3 buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
4 Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
5 Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
na sa kalangitan doon nakaluklok?
6 Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
7 Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
kanyang itinataas, kanyang nililingap.
8 Sa mga prinsipe ay isinasama,
sa mga prinsipe nitong bayan niya.
9 Ang babaing baog pinagpapala niya,
binibigyang anak para lumigaya.
Purihin si Yahweh!
Ang mga Tuntunin tungkol sa Katarungan
23 “Huwag(A) kayong gagawa ng anumang pahayag na walang katotohanan. Huwag kayong magsisinungaling para lamang tulungan ang isang taong may kasalanan. 2 Huwag kayong makikiisa sa karamihan, sa paggawa ng masama o sa paghadlang sa katarungan. 3 Ngunit(B) huwag rin ninyong kikilingan ang mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan.
4 “Kung(C) makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, hulihin ninyo ito at dalhin sa may-ari. 5 Kapag nakita ninyong nakabuwal ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng dala, tulungan ninyo ang may-ari upang ibangon ang hayop.
6 “Huwag(D) ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mahihirap. 7 Huwag kayong magbibintang nang walang katotohanan. Huwag ninyong hahatulan ng kamatayan ang isang taong walang kasalanan; paparusahan ko ang sinumang gagawa ng ganoon. 8 Huwag kayong tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala.
9 “Huwag(E) ninyong aapihin ang mga dayuhan; naranasan na ninyo ang maging dayuhan sapagkat kayo man ay naging dayuhan din sa Egipto.
3 Kung gayon, paano nakakalamang ang Judio sa hindi Judio? Ano ang kabuluhan ng pagiging tuli? 2 Napakarami! Una sa lahat, ang mga Judio ang pinagkatiwalaan ng mga pahayag ng Diyos. 3 Ano nga kung hindi naging tapat ang ilan sa kanila? Ang ibig kayang sabihin niyon ay hindi na rin tapat ang Diyos? 4 Hinding-hindi!(A) Ang Diyos ay tapat at totoo kahit na sinungaling pa ang lahat ng tao. Ayon nga sa nasusulat,
“Kapag ikaw ay nagsalita, mapapatunayan kang matuwid
at kung ikaw ay hahatulan, ikaw ay mananaig.”
5 Ngunit kung ang kasamaan natin ay nagpapakilala ng katarungan ng Diyos, masasabi ba nating hindi siya makatarungan dahil tayo'y pinaparusahan niya? (Ganyan ang pangangatuwiran ng tao.) 6 Hinding-hindi! Kung hindi makatarungan ang Diyos, paano niya hahatulan ang sanlibutan?
7 Kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay lalong lumilitaw ang kaluwalhatian ng Diyos, sapagkat lalong nakikilala na siya'y tapat, bakit pa niya ako paparusahan bilang isang makasalanan? 8 Kung gayon, bakit nga hindi natin sabihin, “Gumawa tayo ng masama kung mabuti naman ang magiging bunga nito”? Ganyan daw ang itinuturo namin, sabi ng mga naninira sa amin. Sila'y paparusahan ng Diyos, at iyan ang nararapat.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.