Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 146

Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas

146 Purihin si Yahweh!
    Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Pupurihin siya't aking aawitan;
    aking aawitan habang ako'y buháy.

Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
    kahit sa kaninong di makapagligtas;
kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
    kahit anong plano nila'y natatapos.

Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
    sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
    sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
    ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
    Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
    may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
    isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
    ang mga hinirang niya'y nililingap.
Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
    tumutulong siya sa balo't ulila,
    ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
    Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 22:2-16

Kay Yahweh ay pareho ang mayama't mahirap,
    pagkat siya ang may lalang sa kanilang lahat.
Kung may dumarating na panganib, ang matalino'y nag-iingat,
    ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh at ang kapakumbabaan
    ay nagbubunga ng yaman, buhay at karangalan.
Sa landas ng masama ay may tinik at mga patibong,
    at ang nagmamahal sa sarili ay umiiwas doon.
Ituro(A) sa bata ang daang dapat niyang lakaran,
    at hanggang sa paglaki'y di niya ito malilimutan.
Ang mahirap ay nasa kapangyarihan ng mayaman,
    ang nangangailangan ay alipin ng nagpapahiram.
Ang naghahasik ng kasamaan ay mag-aani ng kamalasan,
    at hindi magtatagal ang kanyang kasamaan.
Ang mahirap ay bahaginan mo ng pagkain,
    at tiyak na ikaw ay pagpapalain.
10 Palayasin mo ang mga sulsol at mawawala ang alitan,
    at matitigil ang kaguluhan pati pag-aaway.
11 Ang magiliw mangusap at may pusong dalisay,
    pati ang hari'y magiging kaibigan.
12 Binabantayan ni Yahweh ang mga nag-iingat ng kaalaman,
    ngunit di niya pinagtatagumpay ang salita ng mga mangmang.
13 Ang tamad ay ayaw lumabas ng bahay,
    ang idinadahila'y may leon sa daan.
14 Ang salita ng mapang-apid ay isang patibong
    at ang mga hindi nagtitiwala kay Yahweh ang nahuhulog doon.
15 Likas sa mga bata ang pagiging pilyo,
    ngunit sa pamamagitan ng palo, sila'y matututo.
16 Ang nagreregalo sa mayaman o umaapi sa mahirap para magpayaman
    ay mauuwi rin sa karalitaan.

2 Corinto 8:8-15

Hindi sa inuutusan ko kayo. Sinasabi ko lamang sa inyo ang pagsisikap ng iba upang masubok ang katapatan ng inyong pag-ibig. Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman ay naging dukha upang maging mayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging dukha.

10 Kaya ito ang payo ko: mas mabuting ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-iipon ng kaloob na sinimulan ninyo noon pang isang taon. Kayo ang nanguna, hindi lamang sa pagsasagawa nito kundi maging sa paghahangad. 11 Kaya't tapusin na ninyo ito! Ang sigasig ninyo noon sa paghahangad ay tumbasan ninyo ng sigasig na tapusin ang bagay na ito. Magbigay kayo ayon sa inyong makakaya. 12 Sapagkat kung may hangaring magbigay, tatanggapin ng Diyos ang inyong kaloob ayon sa inyong makakaya at hindi ayon sa hindi ninyo kaya.

13 Hindi sa ibig kong guminhawa ang iba at mabigatan naman kayo. 14 Ang ibig ko ay matulungan ninyo ang isa't isa. Masagana kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila'y sumagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ninyo. 15 Tulad(A) ng nasusulat,

“Ang kumuha ng marami ay hindi lumabis,
    at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.