Revised Common Lectionary (Complementary)
IKATLONG AKLAT
Ang Katarungan ng Diyos
Awit ni Asaf.
73 Kay buti ng Diyos sa taong matuwid,
sa lahat ng taong ang puso'y malinis.
2 Ngunit ang sarili'y halos bumagsak,
sa paghakbang ko'y muntik nang madulas!
3 Sa taong mayabang, ako'y naiinggit nga,
at sa biglang yaman ng mga masama.
4 Ni hindi nagdanas ng anumang hirap,
sila'y masisigla't katawa'y malakas.
5 Di tulad ng ibang naghirap nang labis,
di nila dinanas ang buhay na gipit.
6 Ang pagmamalaki ay kinukuwintas,
at ang dinaramit nila'y pandarahas.
7 Ang tibok ng puso'y pawang kasamaan,
at masasama rin ang nasa isipan;
8 mga ibang tao'y pinagtatawanan, ang yayabang nila,
ang layon sa buhay ay ang pang-aapi sa kapwa nilalang.
9 Diyos mang nasa langit ay tinutungayaw,
labis kung mag-utos sa mga nilalang;
10 kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos,
anumang sabihi'y paniwalang lubos.
11 Ang sabi, “Ang Diyos walang nalalaman,
walang malay yaong Kataas-taasan.”
12 Ang mga masama'y ito ang kagaya,
di na kinukulang ay naghahanap pa.
13 Samantalang ako, malinis ang palad,
hindi nagkasala't lubos na nag-ingat, at aking natamo'y kabiguang lahat.
14 Diyos, pinagtiis mo ako ng hirap,
sa tuwing umaga'y parusa ang gawad.
15 Kung ang mga ito'y aking sasabihin,
sa mga lingkod mo, ako'y magtataksil;
16 kaya't sinikap kong ito'y saliksikin,
mahirap-hirap mang ito'y unawain.
17 Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas,
na ang masasama ay mapapahamak;
18 dinala mo sila sa dakong madulas,
upang malubos na, kanilang pagbagsak;
19 walang abug-abog sila ay nawasak,
kakila-kilabot yaong naging wakas!
20 Parang panaginip nang ako'y magising,
pati anyo nila'y nalimutan na rin.
21 Nang ang aking isip hindi mapalagay,
at ang damdamin ko'y labis na nasaktan,
22 di ko maunawa, para akong tanga,
sa iyong harapa'y hayop ang kagaya.
23 Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako,
sa aking paglakad ay inaakay mo.
24 Ang mga payo mo'y umakay sa akin,
marangal na ako'y iyong tatanggapin.
25 Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang,
at maging sa lupa'y, aking kailangan?
26 Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man,
ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.
27 Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay,
at ang nagtataksil wawasaking tunay.
28 Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako!
Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag,
ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.
Si Jonas sa Nineve
3 Muling sinabi ni Yahweh kay Jonas, 2 “Pumunta ka sa Lunsod ng Nineve at ipahayag mo ang mga ipinapasabi ko sa iyo.” 3 Nagpunta nga si Jonas sa Nineve. Malaki ang lunsod na ito; aabutin ng tatlong araw kung ito ay lalakarin. 4 Siya'y(A) pumasok sa lunsod. Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, “Gugunawin ang Nineve pagkaraan ng apatnapung araw!” 5 Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno silang lahat at nagdamit ng panluksa bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.
6 Nang mabalitaan ito ng hari ng Nineve, bumabâ siya sa kanyang trono, naghubad ng balabal, nagdamit ng panluksa at naupo sa abo. 7 At ipinasabi niya sa mga taga-Nineve, “Ito'y utos ng hari at ng kanyang mga pinuno. Walang dapat kumain ng anuman. Wala ring iinom, maging tao o hayop. 8 Lahat ng tao at hayop ay magdamit ng panluksa. Taimtim na manalangin sa Diyos ang bawat isa. Pagsisihan ng lahat ang nagawa nilang kasalanan at iwan ang masamang pamumuhay. 9 Baka sa paraang ito'y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasya at hindi na niya ituloy ang balak na pagpatay sa atin.”
10 Nakita ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasamaan kaya hindi na niya pinarusahan ang mga ito tulad ng kanyang naunang sinabi.
8 Mga(A) minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang. 9 Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, nagbibigay siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan.
10 Ngunit(B) ang Araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala.[a] 11 At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang dumating agad ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Subalit ayon sa pangako ng Diyos, naghihintay(C) tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.