Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 12

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Sheminit.[a]

12 O Yahweh, kami sana'y iligtas mo! Pagkat wala na ngayong mabuting tao,
    wala nang taong tapat at totoo.
Nagsisinungaling silang lahat sa isa't isa,
    nagkukunwari at nagdadayaan sila.
Patigilin mo, Yahweh, ang madaldal na dila,
    at sarhan ang bibig ng hambog magsalita;
silang laging nagsasabi,
    “Kami'y magsasalita ng nais namin;
    at sa gusto nami'y walang makakapigil!”
“Darating na ako,” sabi ni Yahweh,
    “Upang saklolohan ang mga inaapi.
    Sa pinag-uusig na walang magkupkop,
hangad nilang tulong ay ipagkakaloob!”

Ang mga pangako ni Yahweh ay maaasahan,
    ang katulad nila'y pilak na lantay;
    tinunaw sa hurnong hinukay, pitong beses na pinadalisay.

Kami, Yahweh, ay lagi mong ingatan,
    sa ganitong mga tao ay huwag pabayaan;
Ang masasamang tao'y nasa lahat ng lugar,
    ang mga gawang liko ay ikinararangal!

Mga Kawikaan 14:12-31

12 May(A) daang matuwid sa tingin ng tao,
    ngunit kamatayan ang dulo nito.
13 Sa gitna ng ligaya maaaring dumating ang kalungkutan,
    ngunit ang kaligayaha'y maaaring magwakas sa panambitan.
14 Pagbabayaran ng tao ang liko niyang pamumuhay,
    ngunit ang gawa ng matuwid ay gagantimpalaan.
15 Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat niyang mapakinggan,
    ngunit sinisiyasat ng may unawa ang kanyang pupuntahan.
16 Ang taong may unawa ay lumalayo sa kasamaan,
    ngunit ang mangmang ay napapahamak dahil sa kapabayaan.
17 Ang taong mainit ang ulo ay nakagagawa ng di marapat,
    ngunit ang mahinahon ay lagi nang nag-iingat.
18 Ang taong hangal ay nag-aani ng kamangmangan,
    ngunit ang matalino'y nagkakamit ng karunungan.
19 Ang makasalanan ay gumagalang sa mabuting tao,
    at makikiusap na siya'y tulungan nito.
20 Ang taong mahirap kadalasa'y tinatalikuran,
    ngunit ang mayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang humahamak sa kapwa ay gumagawa ng masama,
    ngunit ang matulungin, ligaya ang tinatamasa.
22 Ang gumagawa ng masama ay mapapahamak,
    ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y pagkakatiwalaan at igagalang.
23 Ang bawat pagsisikap ay may pakinabang,
    ngunit ang puro salita, ang bunga ay kahirapan.
24 Ang putong ng matalino ay ang kanyang karunungan,
    ang kuwintas ng mangmang ay ang kanyang kahangalan.
25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay,
    ngunit ang salita ng sinungaling ay pawang kataksilan.
26 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh, dulot ay kapayapaan,
    may hatid na katatagan sa buong sambahayan.
27 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay bukal ng buhay,
    at ang taong mayroon nito'y malayo sa bitag ng kamatayan.
28 Ang karangalan ng hari ay nasa dami ng nasasakupan,
    ngunit walang kabuluhan ang pinunong walang tauhan.
29 Ang hinahon ay nagpapakilala ng kaunawaan,
    ngunit ang madaling pagkagalit ay tanda ng kamangmangan.
30 Ang isip na tiwasay ay nagpapahaba ng buhay,
    ngunit ang kapusukan ay nagbibigay ng kapahamakan.
31 Ang umaapi sa mahirap ay humahamak sa Maykapal,
    ngunit ang matulungi'y nagdudulot ng karangalan.

Mga Gawa 4:1-12

Sina Pedro at Juan sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio

Nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga taong bayan nang dumating ang mga paring Judio,[a] ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo. Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil itinuturo ng mga ito sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay. Kaya't dinakip nila ang dalawa, at ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki.

Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga pinuno ng mga Judio, ang mga matatandang namumuno sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Kasama nila si Anas, ang pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang iba pang mga kamag-anak ng pinakapunong pari. Pinatayo nila sa harap ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?”

Sumagot si Pedro na puspos ng Espiritu Santo, “Mga tagapanguna at mga pinuno ng bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, 10 nais kong malaman ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito ay nakatayo sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus ngunit muling binuhay ng Diyos. 11 Ang(A) Jesus na ito

‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay,
    ang siyang naging batong-panulukan.’

12 Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.