Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 146

Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas

146 Purihin si Yahweh!
    Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Pupurihin siya't aking aawitan;
    aking aawitan habang ako'y buháy.

Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
    kahit sa kaninong di makapagligtas;
kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
    kahit anong plano nila'y natatapos.

Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
    sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
    sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
    ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
    Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
    may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
    isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
    ang mga hinirang niya'y nililingap.
Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
    tumutulong siya sa balo't ulila,
    ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
    Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 28:3-10

Ang pinunong sa mahihirap ay sumisiil
    ay tulad ng ulang sumisira sa pananim.
Ang masama ay pinupuri ng masuwayin sa batas,
    ngunit kalaban nila ang mga taong sa tuntunin ay tumutupad.
Hindi alam ng masama kung ano ang katarungan,
    ngunit ang mga sumasamba kay Yahweh, lubos itong maiintindihan.
Mabuti na ang mahirap na namumuhay sa katuwiran,
    kaysa taong mayaman ngunit makasalanan.
Ang anak na matalino ay sumusunod sa aral,
    ngunit ang nakikipagbarkada sa masasama ay kahihiyan ng magulang.
Ang kayamanang natamo sa pamamagitan ng patubuan
    ay mauuwi sa maawain at matulungin sa nangangailangan.
Ang panalangin ng taong hindi sumusunod sa kautusan ay kasuklam-suklam.
10 Ang tumutukso sa mabuti upang magpakasama
    ay mabubulid sa sariling pakana,
    ngunit ang taong may tapat na pamumuhay ay magmamana ng maraming kabutihan.

Efeso 2:1-10

Patay Subalit Muling Binigyang-buhay

Noong(A) una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.

Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa kabutihan niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang maipagmamalaki ang sinuman. 10 Kung ano tayo ngayon ay gawa ng Diyos, at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus ay nilikha niya tayo para sa mabubuting gawa na inihanda niya noong una pa man upang gawin natin.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.