Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 30:15-20

15 “Binibigyan(A) (B) ko kayo ngayon ng pagpipilian: buhay o kamatayan; kasaganaan o kahirapan; 16 kapag sinunod ninyo ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon mula kay Yahweh na inyong Diyos,[a] at kung mahal ninyo siya at ginagawa ang kanyang kagustuhan, pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Bibigyan niya kayo ng mahabang buhay at gagawing isang malaking bansa. 17 Ngunit kapag tumalikod kayo at ayaw nang makinig sa kanya, sa halip ay naglingkod sa ibang mga diyos, 18 ngayon pa'y sinasabi ko sa inyong malilipol kayo. Hindi kayo magtatagal sa lupaing sasakupin ninyo sa ibayo ng Jordan. 19 Saksi ko ang langit at ang lupa na ngayo'y inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay mabuhay nang matagal. 20 Ibigin ninyo si Yahweh, sundin siya at manatiling tapat sa kanya upang kayo at ang inyong salinlahi ay mabuhay nang matagal sa lupaing ipinangako niya sa ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.”

Mga Awit 1

UNANG AKLAT

Ang Tunay na Kagalakan

Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama,
    at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa.
    Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya
    at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.
Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh.
    Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
Katulad(A) niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan,
    laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon.
Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.

Hindi gayon ang sinumang gumagawa ng masama,
    ito ay tulad ng ipa, hangin ang siyang nagtatangay.
Sa araw ng paghuhukom, parusa niya'y nakalaan
    siya'y ihihiwalay sa grupo ng mga banal.
Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay,
    ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan.

Filemon 1-21

Mula kay Pablo, isang bilanggo dahil kay Cristo Jesus, at mula kay Timoteo na ating kapatid—

Para kay Filemon, ang minamahal naming kamanggagawa, at(A) para sa iglesyang nagtitipon sa iyong bahay; kay Apia na aming[a] kapatid na babae at kay Arquipo na kapwa naming[b] kawal sa Panginoon.

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon

Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing isinasama kita sa aking pananalangin sapagkat nababalitaan ko ang pag-ibig na ipinapakita mo sa lahat ng hinirang ng Diyos, at gayundin ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. Idinadalangin kong ang pagkakabuklod natin sa isang pananampalataya ay magbunga ng mas malalim na pagkaunawa sa mga kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo. Kapatid, ang pagmamahal mo ay nagdulot sa akin ng malaking katuwaan at kaaliwan sapagkat dahil sa iyo ay sumigla ang kalooban ng mga hinirang ng Diyos.

Kahilingan para kay Onesimo

Kaya nga, bagaman bilang kapatid mo kay Cristo ay malakas ang loob kong iutos sana sa iyo ang nararapat gawin, mas minabuti kong makiusap sa iyo sa ngalan ng pag-ibig. Akong si Pablo, na sugo ni Cristo Jesus at ngayo'y nakabilanggo dahil sa kanya,[c] 10 ay(B) nakikiusap sa iyo para kay Onesimo na aking anak sa pananampalataya. Ako'y naging isang ama sa kanya habang ako'y nakabilanggo. 11 Dati, hindi mo mapakinabangan si Onesimo,[d] ngunit ngayo'y kapaki-pakinabang siya sa ating dalawa.

12 Pinababalik ko na siya sa iyo, kasama ang aking puso. 13 Nais ko sanang manatili siya sa aking piling upang siya ang maglingkod sa akin habang ako'y nakabilanggo dahil sa Magandang Balita, at sa gayon ay para na ring ikaw ang kasama ko rito. 14 Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang maging kusa ang iyong pagtulong sa akin, at hindi sapilitan.

15 Marahil, nalayo sa iyo si Onesimo nang kaunting panahon upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon, 16 hindi lamang bilang isang alipin kundi bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, at lalo siyang mapapamahal sa iyo, ngayong hindi mo lamang siya alipin, kundi isa nang kapatid sa Panginoon!

17 Kaya't kung kinikilala mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin. 18 Kung siya ma'y nagkasala o nagkautang sa iyo, sa akin mo na ito singilin. 19 Akong si Pablo ang siyang sumusulat nito: AKO ANG MAGBABAYAD SA IYO. Hindi ko na dapat banggitin pa na utang mo sa akin ang iyong sarili. 20 Ipinapakiusap ko lamang sa iyo, alang-alang sa Panginoon, ipagkaloob mo na sa akin ito. Pasayahin mo ako bilang kapatid kay Cristo.

21 Lubos akong naniniwala na gagawin mo ang hinihiling ko sa sulat na ito, at maaaring higit pa rito.

Lucas 14:25-33

Ang Pagiging Alagad(A)

25 Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, 26 “Hindi(B) maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. 27 Ang(C) hindi magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.

28 “Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? 29 Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya'y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. 30 Sasabihin nila, ‘Ang taong ito'y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.’

31 “O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung kaya niya, gamit ang sampung libo niyang kawal, na sumagupa sa kalaban na may dalawampung libong kawal? 32 At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. 33 Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.