Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas
146 Purihin si Yahweh!
Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
2 Pupurihin siya't aking aawitan;
aking aawitan habang ako'y buháy.
3 Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
kahit sa kaninong di makapagligtas;
4 kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
kahit anong plano nila'y natatapos.
5 Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
6 sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
7 Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Pinalaya niya ang mga nabihag;
8 isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya'y nililingap.
9 Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo't ulila,
ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!
Purihin si Yahweh!
11 Ang palagay ng mayaman ay marunong siya,
ngunit ang mahirap na may unawa ay mabuti pa sa kanya.
12 Kapag matuwid ang nasa kapangyarihan, ang lahat ay nagdiriwang,
ngunit kung ang pumalit ay masama, lahat ay nasa taguan.
13 Ang nagkukubli ng kanyang sala ay hindi mapapabuti,
ngunit kahahabagan ng Diyos ang nagbabalik-loob at nagsisisi.
14 Mapalad ang taong sumusunod sa ating Diyos,
ngunit ang matigas ang ulo ay mapapahamak.
15 Ang masamang hari ay tila leong mabagsik
at nakakatakot na parang osong mabangis.
16 Ang haring walang pang-unawa ay tiyak na malupit;
ang pamamahala ng tapat na hari ay lalawig.
17 Ang pumatay sa kapwa ay humuhukay ng sariling libingan,
at ang taong ito'y di dapat tulungan.
18 Ang taong tapat ay ligtas sa kapahamakan,
ngunit ang masama ay biglang mabubuwal.
19 Sagana sa pagkain ang magsasakang masipag,
ngunit naghihirap ang taong tamad.
20 Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala,
ngunit paparusahan ang yumaman sa pandaraya.
21 Ang paghatol nang may kinikilingan ay hindi mainam,
ngunit dahil sa suhol may hukom na gumagawa ng ganitong kasamaan.
22 Ang kuripot ay nagmamadaling yumaman
ni hindi iniisip na kahirapan ay daratal.
23 Ang tapat sa pagsaway sa bandang huli'y pasasalamatan
kaysa sa taong panay ang pagpuri kahit hindi nararapat.
24 Ang anak na ninakawan ang kanyang magulang at sasabihing ito'y hindi kasalanan,
ay masahol pa sa karaniwang magnanakaw.
25 Ang taong gahaman ay lumilikha ng kaguluhan,
ngunit ang nagtitiwala kay Yahweh, uunlad ang kabuhayan.
26 Ang nagtitiwala sa sariling kakayahan ay mangmang,
ngunit ang sumusunod sa magandang payo ay malayo sa kapahamakan.
27 Ang tumutulong sa mahirap ay di magkukulang,
ngunit susumpain ang nagbubulag-bulagan.
28 Kapag masama ang pinuno, ang lahat ay nagkukubli,
ngunit kapag sila ay wala na, ang mabubuti'y dumadami.
43 At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos.
Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(A)
Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan itong sasabihin ko: ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila ito naunawaan sapagkat inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Natakot naman silang magtanong sa kanya kung ano ang ibig niyang sabihin.
Ang Pinakadakila(B)
46 At(C) nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos(D) ay sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang pinakaaba sa inyong lahat ay siyang pinakadakila.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.