Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 57

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang si David ay tumakas kay Saul sa kuweba.

57 Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;
    sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas,
pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,
    ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.

Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan,
    ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,
    ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi;
    ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig, ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah)[b]

Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay,
    mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman;
parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay,
    matulis ang mga dila na animo'y mga sundang.

Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
    dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!

Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa;
hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila,
    ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah)[c]

Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag,
    purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya!
    Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;
    tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan;
    Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan.
10 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
    nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
11 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
    dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!

1 Samuel 25:36-42

36 At umuwi na si Abigail. Pagdating ng bahay, nakita niya ang handaan ni Nabal, walang iniwan sa papista ng isang hari. Naratnan niyang lasing na lasing ito kaya't wala siyang sinabing anuman nang gabing iyon. 37 Kinabukasan, nang wala na ang pagkalasing nito, isinalaysay niya ang buong pangyayari. Nang marinig ni Nabal ang lahat, inatake siya sa puso at nanigas ang buong katawan. 38 Pagkaraan pa ng sampung araw, pinarusahan ni Yahweh si Nabal at ito'y namatay.

39 Nang mabalitaan ni David ang nangyari kay Nabal, sinabi niya, “Purihin si Yahweh. Ipinaghiganti niya ako sa paghamak na ginawa sa akin ni Nabal at inilayo niya ako sa pagkakasala. Pinagbayad ni Yahweh si Nabal sa kanyang kasamaan.”

Si David ay nagpasugo kay Abigail at ipinasabing nais niya itong maging asawa. 40 Nang dumating sa Carmel ang mga inutusan ni David, sinabi nila, “Ipinapasabi po ni David na nais niya kayong mapangasawa.”

41 Yumukod si Abigail, ang mukha'y halos sayad sa lupa, at sinabi, “Narito ang inyong lingkod, handa po akong maghugas ng paa ng inyong mga tauhan.” 42 Nagmamadali siyang tumayo, sumakay sa asno at sumama sa mga tauhan ni David, kasama ang lima sa kanyang mga katulong. At siya'y naging asawa ni David.

Lucas 22:39-46

Nanalangin si Jesus(A)

39 Lumabas si Jesus, at gaya ng kanyang kinagawian, nagpunta siya sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. 40 Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.”

41 Iniwan niya sila at pumunta sa di-kalayuan, at doo'y lumuhod at nanalangin. 42 Sabi niya, “Ama, kung loloobin mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. 44 Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.][a]

45 Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. 46 “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.