Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti
Katha ni David.
37 Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
huwag mong kainggitan liko nilang gawa.
2 Katulad ng damo, sila'y malalanta,
tulad ng halaman, matutuyo sila.
3 Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
4 Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.
5 Ang iyong sarili'y sa kanya italaga,
tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
6 Ang kabutihan mo ay magliliwanag,
katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
7 Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya;
huwag mong kainggitan ang gumiginhawa,
sa likong paraan, umunlad man sila.
8 Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana;
walang kabutihang makakamtan ka.
9 Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan,
ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.
Unang Babala kay Ahaz
7 Nang(A) ang hari ng Juda ay si Ahaz, anak ni Jotam na anak ni Uzias, ang Jerusalem ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria, at ng hari ng Israel na si Peka, anak ni Remalias, ngunit hindi sila nagtagumpay. 2 Nang mabalitaan ng sambahayan ni David na nagkasundo na ang Siria at ang Efraim, ang hari at ang buong bayan ay nanginig sa takot na parang mga puno sa kakahuyan na hinahampas ng hangin.
3 Sinabi ni Yahweh kay Isaias: “Isama mo ang iyong anak na si Sear-Yasub[a] at salubungin ninyo si Ahaz. Matatagpuan ninyo siya sa may dulo ng padaluyan ng tubig mula sa tipunan ng tubig sa itaas, sa daang patungo sa dakong Bilaran ng Tela. 4 Ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Humanda ka! Huwag matakot at mabagabag. Huwag kang masisiraan ng loob dahil sa nag-aalab na poot ni Rezin ng Siria at ni Peka na anak ni Remalias; ang dalawang iyon ay parang dalawang putol ng kahoy na umuusok ngunit walang apoy.’ 5 Nagbalak ng masama laban sa iyo ang Siria, ang Israel at ang anak ni Remalias, at kanilang sinabi:
6 ‘Lusubin natin ang Juda,
at sakupin ang Jerusalem.
Gagawin nating hari doon ang anak ni Tabeel.’
7 Ngunit sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi ito mangyayari.
8 Sapagkat ang Siria'y mas mahina kaysa Damasco na punong-lunsod niya,
at ang Damasco'y mas mahina kaysa kay Haring Rezin.
Ang Israel naman ay mawawasak sa loob ng animnapu't limang taon,
at hindi na ito ibibilang na isang bayan.
9 Malakas pa kaysa Israel ang lunsod ng Samaria na punong-lunsod nito,
at ang Samaria ay mas mahina kaysa kay Haring Peka.
Ikaw ay mabubuwal kapag hindi naging matatag ang iyong pananalig sa Diyos.”
Pinagaling ang Dalawang Bulag(A)
29 Pag-alis nila sa Jerico, si Jesus ay sinundan ng napakaraming tao. 30 Doon ay may dalawang bulag na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David,[a] mahabag po kayo sa amin!”
31 Pinagsabihan sila ng mga tao at pinatahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!”
32 Tumigil si Jesus, tinawag sila at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?”
33 Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita!”
34 Nahabag si Jesus sa kanila at hinipo ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita,[b] at sila'y sumunod sa kanya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.