Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 57

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang si David ay tumakas kay Saul sa kuweba.

57 Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;
    sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas,
pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,
    ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.

Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan,
    ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,
    ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi;
    ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig, ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah)[b]

Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay,
    mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman;
parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay,
    matulis ang mga dila na animo'y mga sundang.

Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
    dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!

Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa;
hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila,
    ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah)[c]

Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag,
    purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya!
    Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;
    tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan;
    Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan.
10 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
    nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
11 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
    dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!

1 Samuel 25:23-35

23 Nang makita ni Abigail si David, nagmamadali siyang bumabâ sa kanyang asno at nagpatirapa sa harapan ni David. 24 Sinabi niya, “Ako na po ang inyong sisihin. Pakinggan po muna sana ninyo ang aking sasabihin. 25 Huwag po ninyong pansinin si Nabal. Wala pong kuwentang tao iyon. Tamang-tama po sa kanya ang kanyang pangalan, siya po'y luku-luko. Hindi ko po kasi nakita ang mga tauhan ninyong pinapunta sa amin. 26 Ngayon po'y niloob ni Yahweh na huwag matuloy ang inyong paghihiganti upang hindi mabahiran ng dugo ang inyong mga kamay. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo ay mapapahamak, tulad ni Nabal. 27 Narito po, tanggapin po ninyo ang nakayanan ng inyong lingkod at ipamigay ninyo sa inyong mga tauhan. 28 At patawarin po ninyo ang anumang pagkakamali ko. Sigurado kong loloobin ni Yahweh na kayo'y maging hari, pati ng inyong lahi sapagkat nakikipaglaban kayo para sa kanya, at hindi kayo gagawa ng anumang kasamaan habang kayo'y nabubuhay. 29 Kung may magtatangka man sa inyong buhay, iingatan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Ang mga kaaway naman ninyo ay ihahagis na parang bato ng tirador. 30 At kung loobin ni Yahweh na maging hari na kayo sa Israel tulad ng kanyang ipinangako, 31 wala kayong pagsisisihan. Hindi kayo uusigin ng inyong budhi sapagkat hindi kayo pumatay nang walang sapat na dahilan o kaya'y naghiganti sa inyong kaaway. At sana'y maalala ninyo ako sa sandaling marapatin na ni Yahweh na maitatag na ang inyong sambahayan.”

32 Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin si Yahweh na nagpapunta sa iyo rito. 33 Salamat sa kanya dahil sa iyong kabutihan, sapagkat sa ginawa mo'y nakaiwas ako sa pagpatay ng tao at magsagawa ng sariling paghihiganti. 34 Niloob niyang huwag ko kayong pagbuhatan ng kamay. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] kung hindi ka naparito ngayon, bukas ng umaga ay patay na sanang lahat ang lalaki sa inyong sambahayan.” 35 Tinanggap ni David ang mga dala ni Abigail. Pagkatapos, sinabi niya rito, “Umuwi ka na. Huwag ka nang mag-alala at gagawin ko ang kahilingan mo.”

Santiago 5:7-12

Pagtitiyaga at Pananalangin

Kaya nga, mga kapatid, magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang ani ng kanyang bukirin, at inaabangan ang pagdating ng tag-ulan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.

Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. 10 Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. 11 Sinasabi(A) nating pinagpala ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon.

12 Ngunit(B) higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit, o ang lupa, o ang ano pa man.” Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.