Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
2 Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.
3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]
5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
9 Sana'y naging balon ng tubig itong aking ulo,
at bukal ng luha itong mata ko,
upang ako'y may iluha sa maghapon at magdamag
para sa aking mga kababayang namatay.
2 Sana'y may mapagtaguan ako doon sa disyerto,
kung saan malayo ako sa aking mga kababayan.
Sila'y mapakiapid
at pawang mga taksil.
3 Sila'y laging handang magsabi ng kasinungalingan;
kasamaan ang namamayani sa halip na katotohanan.
Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Sunud-sunod na kasamaan ang ginagawa ng aking bayan,
at ako'y hindi nila nakikilala.”
4 Mag-ingat kayo kahit sa inyong mga kaibigan,
kahit kapatid ay huwag pagkatiwalaan;
sapagkat mandaraya lahat ng kapatid, katulad ni Jacob,
at bawat isa'y naninira sa kanyang kaibigan.
5 Ang lahat ay nandaraya sa kanyang kapwa,
walang nagsasabi ng katotohanan;
dila nila'y sanay sa pagsisinungaling,
sila'y patuloy sa pagkakasala, at hindi naiisip ang magsisi.
6 Ang kanilang kasalanan ay patung-patong na,
hindi tumitigil sa pandaraya sa iba.
Kahit na si Yahweh hindi kinikilala.
7 Kaya sinabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat,
“Pahihirapan ko ang bansang ito upang sila'y subukin.
Sapagkat ano pa ang aking magagawa sa bayan kong naging masama?
8 Parang makamandag na pana ang kanilang mga dila,
lahat ng sinasabi ay pawang pandaraya.
Magandang mangusap sa kanilang kapwa,
ngunit ang totoo, balak nila ay masama.
9 Hindi ba nararapat na parusahan ko sila?
Hindi ba dapat lang na maghiganti ako sa kanila?
Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”
10 Ang sabi ni Jeremias, “Ang mga bundok ay aking tatangisan,
at iiyakan ko ang mga pastulan;
sapagkat natuyo na ang mga damo, at wala nang nagdaraang tao.
Hindi na naririnig ang unga ng mga baka;
pati mga ibon at hayop sa gubat ay nag-alisan na.”
11 Ang sabi ni Yahweh: “Ang Jerusalem ay wawasakin ko.
Kanyang mga pader, paguguhuin ko,
at wala nang maninirahan doon kundi mga asong-gubat.
Magiging disyerto, mga lunsod ng Juda,
wala nang taong doon ay titira.”
12 At nagtanong si Jeremias, “Yahweh, bakit po nasalanta ang lupain at natuyo tulad sa isang disyerto, kaya wala nang may gustong dumaan? Sinong matalino ang makakaunawa nito? Kanino ninyo ipinaliwanag ang nangyaring ito upang masabi naman niya sa iba?”
13 Sumagot si Yahweh, “Nangyari ito sapagkat tinalikuran ng aking bayan ang kautusang ibinigay ko sa kanila at hindi sila sumunod sa akin. 14 Sa halip, nagmatigas sila at sumamba sa diyus-diyosang si Baal, gaya ng itinuro ng kanilang mga magulang. 15 Kaya, akong si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ganito ang gagawin ko. Mapapait na halaman ang ipapakain ko sa kanila at tubig na may lason ang ipapainom ko sa kanila. 16 Pangangalatin ko sila sa iba't ibang bansa, mga bansang ni hindi man lamang nabalitaan ng kanilang mga magulang. At magpapadala ako ng mga hukbong sasalakay sa kanila hanggang sa lubusan silang malipol.”
Ang mga Huling Araw
3 Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. 2 Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. 3 Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti. 4 Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. 5 Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao. 6 May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga bahay ng mga babaing madaling malinlang. Ang mga babaing ito'y inuusig ng bigat ng kanilang mga pagkakasala at itinutulak sa sari-saring pagnanasa. 7 Lahat na'y gustong matutunan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y hindi nila nauunawaan ang katotohanan. 8 At(A) tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya. 9 Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.