Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 32:1-7

Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran

Katha ni David; isang Maskil.[a]

32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
    at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
    sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.

Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
    ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
    wala nang natirang lakas sa katawan,
    parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]

Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
    mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
    at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]

Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
    sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
    at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
Ikaw ang aking lugar na kublihan;
    inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
    pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]

Job 22:21-23:17

21 “Sumang-ayon ka sa Diyos, makipagkasundo ka sa kanya,
    ang buhay mo'y gaganda at magiging maginhawa.
22 Makinig ka sa kanyang itinuturo,
    mga sinasabi niya'y itanim mo sa iyong puso.
23 Manumbalik ka sa Makapangyarihan, ikaw ay magpakumbaba,
    at alisin mo sa iyong tahanan lahat ng gawaing masama.
24 Ang lahat mong kayamanan ay itapon mo sa alabok,
    at ang mamahaling ginto ay ihagis mo na sa ilog.
25 Ang Diyos na Makapangyarihan ang ituring mong yaman,
    na siyang ginto't pilak na iyong papahalagahan.
26 Sa Makapangyarihang Diyos ka palaging magtiwala,
    at ang Maykapal ang pagkukunan mo ng tuwa.
27 Papakinggan niya ang iyong panalangin,
    kaya't ang mga panata mo ay iyong tuparin.
28 Lagi kang magtatagumpay sa iyong mga balak,
    at ang landas mo ay magliliwanag.
29 Ang mga palalo'y ibinabagsak nga ng Diyos,
    ngunit inililigtas ang mapagpakumbabang-loob.
30 Ililigtas ka niya kung wala kang kasalanan,
    at kung ang ginagawa mo ay nasa katuwiran.”

Nais ni Job na Iharap sa Diyos ang Kanyang Kalagayan

23 Ito naman ang sagot ni Job:
“Hanggang ngayon ay masama pa itong aking loob,
    bagama't ako'y nananangis, pinaparusahan pa rin ng Diyos.
Kung alam ko lamang kung saan siya matatagpuan,
    pupuntahan ko siya sa kanyang kinaroroonan.
Ihaharap ko sa kanya ang aking kalagayan
    at ilalahad kong lahat ang aking katuwiran.
Gusto kong malaman ang isasagot niya sa akin;
    nais kong maunawaan ang kanyang sasabihin.
Gagamitin kaya sa akin ang lahat niyang kapangyarihan?
    Hindi! Sa halip, hinaing ko'y kanyang papakinggan.
Sapagkat ako'y taong matuwid na haharap sa kanya,
    kanyang ipahahayag na ako'y walang sala.

“Sa dakong silangan, hindi ko siya natagpuan;
    hindi ko rin siya nakita sa gawing kanluran.
Di ko rin siya nakita sa dakong hilaga,
    at sa bandang timog, ni bakas ay wala.
10 Ngunit alam ng Diyos ang aking bawat hakbang;
    kapag sinubok niya, lalabas ang kadalisayan.
11 Pagkat landas niya'y aking nilakaran,
    hindi ako lumihis sa ibang daanan.
12 Ako'y hindi lumalabag sa kanyang kautusan,
    at ang kanyang mga salita ay aking iniingatan.

13 “Hindi siya nagbabago at di kayang salungatin,
    walang makakapigil sa nais niyang gawin.
14 Isasakatuparan niya ang plano niya sa akin,
    ang marami niyang balak ay kanyang gagawin.
15     Kaya ako'y natatakot na sa kanya'y humarap;
    isipin ko lamang ito, ako ay nasisindak.
16 Pinanghihina ng Diyos ang aking kalooban,
    tinatakot ako ng Makapangyarihan.
17 Sapagkat kadiliman ang nasa aking palibot,
    dilim nitong taglay sa mukha ko ay bumalot.

2 Pedro 1:1-11

Mula kay Simon Pedro, isang lingkod[a] at apostol ni Jesu-Cristo—

Para sa inyong lahat na tulad nami'y tumanggap ng napakahalagang pananampalatayang mula sa ating makatarungang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus.

Tagubilin sa mga Tinawag at Pinili ng Diyos

Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang[b] kaluwalhatian at kadakilaan. Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas kayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos.

Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan ng kabuluhan at kapakinabangan. Ngunit kung wala sa inyo ang mga ito, kayo ay parang bulag at hindi nakakakita, at nakalimot na nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan.

10 Kaya nga, mga kapatid, lalo kayong maging masigasig upang matiyak ninyo na kayo ay tinawag at pinili ng Diyos. Kung gagawin ninyo ito, hindi kayo matitisod. 11 Sa ganitong paraan, kayo'y malugod na papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.