Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin sa Gabi
Awit ni David.
141 Sa iyo, O Yahweh, ako'y dumadalangin
sa aking pagtawag, ako sana'y dinggin.
2 Ang(A) aking dalangin sana'y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso;
itong pagtaas ng mga kamay ko.
3 O Yahweh, bibig ko ay iyong bantayan,
ang mga labi ko'y lagyan mo ng bantay.
4 Huwag mong babayaang ako ay matukso,
sa gawang masama ay magumon ako;
ako ay ilayo, iiwas sa gulo,
sa handaan nila'y nang di makasalo.
5 Pagkat may pag-ibig, ang mabuting tao puwedeng magparusa't pagwikaan ako,
ngunit ang masama ay hindi ko ibig na ang aking ulo'y buhusan niya ng langis;
pagkat ang dalangin at lagi kong hibik, ay laban sa gawa niyang malulupit.
6 Kung sila'y bumagsak tuloy na hatulan,
maniniwala na ang mga nilalang na ang salita ko ay katotohanan.
7 Tulad ng panggatong na pira-piraso,
sa pinaglibinga'y kakalat ang buto.
8 Di ako hihinto sa aking pananalig,
ang pag-iingat mo'y aking ninanais,
huwag mong itutulot, buhay ko'y mapatid.
9 Sa mga patibong ng masamang tao,
ilayo mong lubos, ingatan mo ako.
10 Iyong pabayaang sila ang mahulog,
samantalang ako'y ligtas mong kinupkop.
Ibinalik sa Dati ang Israel
21 Sinabi ni Yahweh, “Ipapakita ko sa lahat ng bansa ang aking kaluwalhatian sa pamamagitan ng paggamit ko sa aking kapangyarihan sa pagsasagawa ng aking pasya. 22 Mula sa araw na iyon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. 23 At malalaman ng lahat ng bansa na ang Israel ay nabihag dahil na rin sa kanilang kasamaan; dahil sa pagtataksil nila sa akin, sila ay aking pinabayaan at ibinigay sa kanilang mga kaaway upang patayin. 24 Pinabayaan ko sila sapagkat iyon lang ang marapat sa kanilang kasamaan.”
25 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ngayon, ibabalik ko ang dating kalagayan ni Jacob. Muli kong ipadarama sa sambayanang Israel ang aking pag-ibig sa kanila upang mabigyan kong karangalan ang aking pangalan. 26 Ang kahihiyang sinapit nila at ang kanilang kataksilan sa akin ay malilimutan na rin nila kapag sila'y payapa nang naninirahan sa sarili nilang lupain at wala nang liligalig sa kanila. 27 At kapag natipon ko na sila mula sa lupain ng kanilang mga kaaway, sa pamamagitan ng pagkalinga ko sa kanila'y ipapakita ko sa lahat ng bansa na ako ay banal. 28 Sa gayon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh na kanilang Diyos sapagkat itinapon ko sila sa lahat ng panig ng daigdig at pagkatapos ay muling tinipon sa sarili nilang lupain. Titipunin ko silang lahat at walang matitira isa man sa ibang bansa. 29 Ibubuhos ko sa Israel ang aking Espiritu at hindi ko na sila tatalikuran. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
Ang Pangitain tungkol sa Templo
40 Noong ika-10 araw ng bagong taon at ika-25 taon ng aming pagkabihag, labing-apat na taon pagkatapos masakop ang lunsod ng Jerusalem, nilukuban ako ng kapangyarihan ni Yahweh. 2 Sa(A) isang pangitain, dinala niya ako sa tuktok ng isang napakataas na bundok sa Israel. Sa tapat ko, may nakita akong tila isang lunsod. 3 Inilapit(B) niya ako roon at may nakita akong isang tao sa may pagpasok ng lunsod. Siya'y tila tanso, may hawak na pising lino, at panukat. 4 Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, talasan mo ang iyong mata at tainga. Tandaan mong mabuti ang lahat ng ipapakita ko sa iyo sapagkat ito ang dahilan ng pagkadala sa iyo rito. Pagkatapos, sabihin mo naman ito sa mga Israelita.”
23 Mayroon(A) namang magsasabi, “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong. 24 Huwag ang sariling kapakanan ang unahin ninyo, kundi ang sa iba.
25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag nang magtanong pa upang hindi mabagabag ang inyong budhi. 26 Sapagkat(B) sinasabi ng kasulatan, “Ang buong daigdig at lahat ng naroroon, ang Panginoon ang may-ari niyon!”
27 Kung anyayahan kayo ng isang hindi sumasampalataya at nais ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo at huwag na kayong magtanong pa kung iyon ay ikagugulo ng inyong budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Ito'y inialay sa mga diyus-diyosan,” huwag ninyong kainin iyon alang-alang sa nagsabi sa inyo, upang di mabagabag ang budhi. 29 Ang aking tinutukoy ay ang budhi ng inyong kapwa, at hindi ang budhi ninyo.
Bakit hahadlangan ng budhi ng iba ang aking kalayaan? 30 Bakit ako susumbatan dahil sa pagkain ko ng mga bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Diyos? 31 Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman, ng mga Judio, ng mga Hentil, o ng mga kaanib sa iglesya ng Diyos, 33 sa halip, tularan ninyo ang ginagawa ko. Sinisikap kong mabigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko. Hindi ko inuuna ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila.
11 Tularan(C) ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.