Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 50

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]

“Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
    ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
    ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
    ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
    maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
    maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
    at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.

12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
    yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
    At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
    ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
    kayo'y aking ililigtas,
    ako'y inyong pupurihin.”

16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
    “Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
    Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
    at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
    at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.

19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
    sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
    at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
    kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
    upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.

22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
    kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
    walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
    ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
    akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”

Amos 5:12-24

12 Alam ko kung gaano karami ang inyong ginawang kasamaan,
    at kung gaano kabigat ang inyong mga kasalanan.
Kayo'y humihingi ng suhol sa mga taong matuwid,
    at ipinagkakait ninyo sa mga mahihirap ang katarungan.
13 Naghahari ang kasamaan sa panahong ito;
    kaya't kung ika'y matalino, mananahimik ka na lang.

14 Gawin mo ang matuwid, hindi ang masama,
    upang ikaw ay mabuhay.
Sa gayon, sasaiyo si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    tulad ng sinasabi mo.
15 Kamuhian mo ang masama, ibigin ang mabuti.
    Pairalin mo sa mga hukuman ang katarungan,
baka sakaling kahabagan ni Yahweh
    ang matitirang buháy sa lahi ni Jose.

16 Kaya't sinasabi ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang Panginoon,
“Maririnig sa mga lansangan ang mga pagtangis;
    at ang mga paghihinagpis sa mga liwasan.
Pati ang mga magsasaka ay makikidalamhati,
    kasama ng mga bayarang taga-iyak.
17 May mga pagtangis sa bawat ubasan,
    sapagkat darating na ako sa inyong kalagitnaan.”

18 Kahabag-habag kayo na naghihintay sa pagdating ng araw ni Yahweh!
    Bakit ninyo hinihintay ang araw na iyon?
Iyon ay magiging araw ng kadiliman, hindi ng kaliwanagan.
19 Para kayong umiwas sa leon ngunit oso ang nasagupa!
O kaya'y gaya ng isang taong umuwi sa bahay,
    ngunit pagsandal sa dingding ay tinuklaw ng ahas!
20 Magiging pusikit na kadiliman at hindi kaliwanagan ang araw ni Yahweh;
    araw na napakalungkot at napakadilim!
21 “Namumuhi(A) ako sa inyong mga handaan,
    hindi ako nalulugod sa inyong mga banal na pagtitipon.
22 Hindi ko matatanggap ang inyong mga handog na sinusunog,
    handog na mga pagkaing butil at mga hayop na pinataba.
Kahit na ang mga iyon ay handog pangkapayapaan,
    hindi ko pa rin papansinin.
23 Tigilan na ninyo ang maiingay na awitan;
    ayoko nang marinig ang inyong mga alpa.
24 Sa halip ay padaluyin ninyo ang katarungan, gaya ng isang ilog;
    gayundin ang katuwiran tulad ng isang di natutuyong batis.

Lucas 19:11-27

Ang Talinghaga ng Salaping Ginto(A)

11 Habang(B) ang mga tao ay nakikinig, nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita at isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga. Si Jesus ay malapit na noon sa Jerusalem at inakala ng mga tao na darating na agad ang kaharian ng Diyos. 12 Kaya't sinabi niya, “May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang siya'y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. 13 Subalit bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi.[a] Sinabi niya sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik.’ 14 Ngunit galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya't nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.’ 15 Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari.

“Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, ‘Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu.’ 17 ‘Magaling,’ sagot niya. ‘Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, ‘Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.’ 19 At sinabi niya sa alipin, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. 21 Natatakot po ako sa inyo dahil kayo'y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.’ 22 Sinagot siya ng hari, ‘Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako'y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lamang idineposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.’ 24 At sinabi niya sa mga naroon, ‘Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ 25 ‘Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung gintong salapi,’ sabi nila. 26 ‘Sinasabi(C) ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.