Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 46

Ang Diyos ay Sumasaatin

Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot[a]

46 Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
    at handang saklolo kung may kaguluhan.
Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
    kahit na sa dagat ang bundok matangay;
kahit na magngalit yaong karagatan,
    at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)[b]

May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
    sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
    ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
    mula sa umaga ay kanyang alaga.
Nangingilabot din bansa't kaharian,
    sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.

Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
    ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)[c]

Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
    sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
Maging pagbabaka ay napatitigil,
    sibat at palaso'y madaling sirain;
    baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
    kataas-taasan sa lahat ng bansa,
    sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”

11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
    ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)[d]

2 Cronica 18:12-22

12 Samantala, nakita si Micaias ng sugo ng hari. Sinabi niya, “Ang ibang mga propeta'y nagkaisang magpahayag nang kasiya-siya sa hari. Makakabuting kasiya-siya rin ang ipahayag mo.”

13 Ngunit sinabi ni Micaias, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] kung ano ang sasabihin niya sa akin iyon din ang aking sasabihin.”

14 Pagdating ni Micaias, tinanong siya ng hari, “Dapat ba o hindi dapat na salakayin namin ang Ramot-gilead?”

Ang tugon niya, “Humayo kayo at magtagumpay. Tiyak na ibibigay sila ni Yahweh sa inyong mga kamay.”

15 Ngunit sinabi ng hari, “Hanggang kailan ko ba sasabihin sa iyo na sa pangalan ni Yahweh ay pawang katotohanan lamang ang iyong sasabihin sa akin?”

16 At(A) sumagot si Micaias,

“Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel,
Nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol!

Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapanguna kaya't pauwiin na silang mapayapa.’”

17 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na ang taong iyan ay walang mabuting propesiya tungkol sa akin, at puro na lang masama?”

18 “Makinig kayo sa sinasabi ni Yahweh,” sabi ni Micaias. “Nakita kong nakaupo si Yahweh sa kanyang trono at ang buong hukbo ng kalangita'y nakahanay sa magkabilang tabi niya. 19 Nagtanong si Yahweh, ‘Sino ang mag-uudyok kay Haring Ahab ng Israel na sumalakay upang mapatay siya sa Ramot-gilead?’ 20 Isa't isa'y may kanyang sinasabi, hanggang may isang espiritu na tumayo sa harapan ni Yahweh at sinabi, ‘Ako ang mag-uudyok sa kanya.’ 21 ‘Paano mo iyan gagawin?’ tanong ni Yahweh. ‘Pupunta ako at uudyukan kong magsinungaling ang lahat ng kanyang mga propeta,’ sagot niya. ‘Gawin mo iyan at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.

22 “Ipinahintulot ni Yahweh na magsinungaling sa iyo ang mga propeta mo. Subalit itinakda na niya na mapapahamak ka!”

Mga Hebreo 9:23-28

Kapatawaran ng Kasalanan sa Pamamagitan ng Kamatayan ni Cristo

23 Ang mga bagay sa sambahang iyon ay larawan lamang ng mga nasa langit, at kinakailangang linisin sa pamamagitan ng mga handog. Ngunit higit na mabubuting handog ang kinakailangan sa paglilinis ng mga bagay sa sambahang nasa langit. 24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay na sambahan. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.

25 Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo'y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili. 26 Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya'y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay. 27 Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. 28 Gayundin(A) naman, si Cristo'y minsan lamang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.