Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 32:1-7

Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran

Katha ni David; isang Maskil.[a]

32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
    at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
    sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.

Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
    ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
    wala nang natirang lakas sa katawan,
    parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]

Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
    mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
    at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]

Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
    sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
    at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
Ikaw ang aking lugar na kublihan;
    inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
    pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]

Isaias 1:1-9

Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias.

Sumbat sa Bayan ng Diyos

Makinig ang kalangitan gayundin ang kalupaan,
    sapagkat si Yahweh ay nagsasalita,
“Pinalaki ko't inalagaan ang aking mga anak,
    ngunit naghimagsik sila laban sa akin.
Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon,
    at ng asno kung saan siya pinapakain ng kanyang amo;
ngunit hindi ako nakikilala ng Israel,
    hindi ako nauunawaan ng aking bayan.”

Bansang makasalanan,
    mga taong puno ng kasamaan,
mga anak ng masasamang tao,
    mga anak ng katiwalian!
Itinakwil ninyo si Yahweh,
    nilait ang Banal na Diyos ng Israel
    at pagkatapos ay tinalikuran ninyo siya.

Bakit patuloy kayong naghihimagsik?
    Nais ba ninyong laging pinaparusahan?
Ang isip ninyo'y gulung-gulo,
    ang damdamin ninyo'y nanlulumo.
Kayo'y punô ng karamdaman mula ulo hanggang paa;
    katawan ninyo'y tadtad ng pasa, latay, at dumudugong sugat.
Ang mga ito'y nagnanaknak na at wala pang benda,
    at wala man lamang gamot na mailagay.

Sinalanta ang inyong bayan,
    tupok ang inyong mga lunsod,
sinamsam ng mga dayuhan ang inyong mga lupain,
    at winasak ang mga ito sa inyong harapan.
Ang Jerusalem lang ang natira,
    parang kubong iniwan sa gitna ng ubasan,
parang isang silungan sa gitna ng taniman ng pipino,
    parang isang lunsod na kinukubkob ng kalaban.
Kung(B) si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi,
tayo sana'y natulad sa Sodoma at Gomorra.

Juan 8:39-47

Ang Diyablo ang Inyong Ama

39 Sumagot sila, “Si Abraham ang aming ama.”

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo'y tunay na mga anak ni Abraham, gagawin sana ninyo ang kanyang ginawa. 40 Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin. Hindi ganoon ang ginawa ni Abraham. 41 Ang ginagawa ninyo'y tulad ng ginawa ng inyong ama.”

Sumagot sila, “Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang aming Ama, ang Diyos.”

42 Sinabi ni Jesus, “Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, inibig sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako nanggaling. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi isinugo niya ako. 43 Bakit di ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Hindi ba't ito'y dahil sa ayaw ninyong tanggapin ang itinuturo ko? 44 Ang(A) diyablo ang inyong ama! At ang gusto ninyong gawin ay kung ano ang gusto niya. Sa simula pa lang ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, nagsasalita siya ayon sa kanyang kalikasan sapagkat siya'y sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan. 45 Ayaw ninyong maniwala sa akin sapagkat katotohanan ang sinasabi ko sa inyo. 46 Sino sa inyo ang maaaring magpatunay na ako'y nagkasala? At kung katotohanan ang sinasabi ko, bakit ayaw ninyong maniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos, subalit ayaw ninyong makinig sa akin sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.