Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin ng Isang Walang Sala
Panalangin ni David.
17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
dinggin mo ako sa aking kahilingan;
dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
2 Hahatol ka para sa aking panig,
pagkat alam mo kung ano ang matuwid.
3 Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
walang kasamaan maging sa aking bibig.
4 Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
5 Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
hindi ako lumihis doon kahit kailan.
6 Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
7 Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.
8 Ako'y bantayan mo, ang paborito mong anak,
at palagi mong ingatan sa lilim ng iyong pakpak;
9 mula sa kuko ng masasama ako'y iyong iligtas.
Napapaligiran ako ng malulupit na kaaway,
Ang Pag-aasawang Muli ng Isang Biyuda
5 “Kung(A) may dalawang magkapatid na naninirahan sa parehong bahay at mamatay na walang anak ang isang lalaking may asawa, ang nabiyuda niya ay hindi maaaring mag-asawa sa iba; dapat siyang pakasalan ng kapatid ng namatay at ito ang tutupad sa tungkulin ng kapatid na namatay. 6 Ang kanilang unang anak na lalaki ay isusunod sa pangalan ng namatay upang hindi mawala sa Israel ang pangalan nito. 7 Kung(B) (C) ayaw ng kapatid ng namatay na pakasalan ang balo, dudulog ito sa matatandang namumuno sa bayan. Sasabihin ng nabiyuda, ‘Ayaw ng lalaking ito na panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid. Ayaw niyang gampanan ang kanyang tungkulin para sa kanyang kapatid.’ 8 Kung magkagayon, ang kapatid ng yumao ay ipapatawag ng matatandang pinuno at pagsasabihan. Kapag ayaw pa rin niya, 9 lalapitan siya ng biyuda, hahablutin ang sandalyas nito saka duduraan sa mukha, at sasabihing, ‘Ganyan ang bagay sa taong tumatangging panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid.’ 10 At ang sambahayan ng lalaking ito'y makikilala sa buong Israel sa tawag na, Ang Sambahayan ng Lalaking Hinubaran ng Sandalyas.
22 Hanggang sa mga sandaling iyon, ang mga tao'y nakikinig kay Pablo. Ngunit pagkarinig sa huli niyang sinabi, sila'y nagsigawan, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay!”
23 Patuloy sila sa pagsigaw, sa pagsaboy ng alikabok sa hangin at sa paghahagis ng kanilang mga balabal. 24 Kaya't iniutos ng pinuno ng mga sundalo na dalhin si Pablo sa himpilan at hagupitin upang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga Judio laban sa kanya. 25 Ngunit nang siya'y magapos na nila ng panaling balat, sinabi ni Pablo sa kapitang naroon, “Ipinapahintulot ba ng batas na hagupitin ang isang mamamayang Romano kahit wala pang hatol ang hukuman?”
26 Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa pinuno at sinabi, “Ano ang gagawin mong iyan? Mamamayang Romano ang taong iyon!”
27 Kaya't lumapit kay Pablo ang pinuno ng mga sundalo at siya'y tinanong, “Ikaw nga ba'y Romano?”
“Opo,” sagot niya.
28 Sinabi ng pinuno, “Malaki ang ibinayad ko para maging mamamayang Romano.”
“Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano,” sabi naman ni Pablo.
29 Kaagad lumayo ang mga magsisiyasat sa kanya. Natakot din ang pinuno ng mga sundalo sapagkat ipinagapos niya si Pablo, gayong ito pala ay isang Romano.
Si Pablo sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio
30 Nais matiyak ng pinuno kung ano nga ang paratang ng mga Judio laban kay Pablo. Kaya't kinabukasan, pinakalagan niya si Pablo, ipinatawag sa isang pulong ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at iniharap si Pablo sa kanila.
23 Tumingin si Pablo sa kanila, at sinabi, “Mga kapatid, namumuhay akong malinis ang budhi sa harap ng Diyos hanggang sa araw na ito.”
2 Pagkarinig nito'y iniutos ng pinakapunong pari na si Ananias sa mga taong nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig. 3 Sinabi(A) ni Pablo, “Hahampasin ka ng Diyos, ikaw na mapagkunwari! Nakaluklok ka riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag sa Kautusan ang ipasampal mo ako.”
4 Sinabi ng mga nakatayo roon, “Nilalapastangan mo ang pinakapunong pari ng Diyos!”
5 Sumagot(B) si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang pinakapunong pari. Sapagkat nasusulat nga, ‘Huwag kang magsalita ng masama laban sa pinuno ng iyong bayan.’”
6 Nang makita ni Pablo na may mga Saduseo at mga Pariseo sa kapulungan, sinabi niya nang malakas, “Mga kapatid, ako'y Pariseo, at anak ng mga Pariseo, at dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay kaya ako'y nililitis ngayon.”
7 Nang sabihin ito ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan. 8 Sapagkat(C) naniniwala ang mga Saduseo na hindi na muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu. Subalit ang mga Pariseo nama'y naniniwala sa lahat ng ito. 9 At lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan na kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol, “Wala kaming makitang pagkakasala sa taong ito. Anong malay natin, baka nga kinausap siya ng isang espiritu o isang anghel!”
10 Naging mainitan ang kanilang pagtatalo, at natakot ang pinuno ng mga sundalo na baka magkaluray-luray si Pablo. Pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok muli sa himpilan.
11 Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Kung paanong nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem, kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.