Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 123

Panalangin Upang Kahabagan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

123 Ang aking pangmasid doon nakatuon,
    sa luklukang trono mo, O Panginoon.
Tulad ko'y aliping ang inaasahan
    ay ang amo niya para sa patnubay,
kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala,
    hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.

Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan,
    labis na paghamak aming naranasan.
Kami'y hinahamak ng mga mayaman,
    laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang.

Job 21:1

Pinatunayan ni Job na Masagana ang Buhay ng Masama

21 Ang sagot ni Job,

Job 21:17-34

17 “Ilawan ba ng masama'y pinatay nang minsan?
    Sila ba ay dumanas ng matinding kahirapan,
at ang parusa ng Diyos, sa kanila ba'y ipinataw?
18     Itinulad ba sa dayaming nililipad nitong hangin
    o ipang walang laman, tinatangay sa papawirin?

19 “Sinasabi ninyong ang anak ay pinaparusahan dahil sa sala ng kanyang magulang.
Parusahan sana ng Diyos ang mismong may kasalanan!
20 Sa gayo'y mararanasan nila ang kahirapang sasapitin;
    sa parusa ng Makapangyarihang Diyos, sila ang pagdanasin.
21 Kapag ang isang tao'y binawian ng buhay,
    ano pang pakialam niya sa pamilyang naiwan?
22 Sinong makakapagturo ng dapat gawin ng Diyos,
    na siyang humahatol sa buong sansinukob?

23 “May taong namamatay sa gitna ng kasaganaan,
    panatag ang katayuan, maginhawa ang kabuhayan.
24 Katawan niya ay malusog,
    at malalakas ang tuhod.
25 Mayroon namang namamatay sa kahirapan,
    ni hindi nakalasap kahit kaunting kaligayahan.
26 Ngunit pareho silang sa alabok nahihimlay,
    at kapwa inuuod ang kanilang katawan.

27 “Alam ko kung ano ang binabalak ninyong gawin
    at ang masamang iniisip ninyo laban sa akin.
28 Tiyak na itatanong ninyo kung nasaan ang tahanan
    ng taong namuhay sa kasamaan.

29 “Hindi ba ninyo naitatanong sa mga manlalakbay,
    mga ulat nila'y hindi ba ninyo pinaniniwalaan?
30 Sa panahon ng kahirapan at kasawiang-palad,
    di ba't ang masama ay laging naliligtas?
31 Sa kanyang kasamaa'y walang nagpapamukha,
    walang naniningil sa masama niyang gawa.
32 Kapag siya ay namatay at inihatid na sa hukay,
    maraming nagbabantay sa kanyang libingan.
33     Napakaraming sa kanya'y maghahatid sa libing,
    pati lupang hihigan niya, sa kanya ay malambing.
34 Ngunit pang-aaliw ninyo'y walang kabuluhan,
    pagkat lahat ng sagot ninyo'y pawang kasinungalingan!”

2 Juan

Mula sa Matandang pinuno ng iglesya—

Para sa hinirang na Ginang at sa kanyang mga anak, na tunay kong minamahal. Hindi lamang ako kundi ang lahat ng nakakaalam ng katotohanan ay nagmamahal sa inyo, sapagkat ang katotohanan ay nasa atin ngayon at magpakailanman.

Sa pamamagitan ng katotohanan at pag-ibig, ipagkakaloob sa atin ng Diyos Ama at ni Jesu-Cristo na Anak niya, ang pagpapala, habag, at kapayapaan.

Ang Katotohanan at ang Pag-ibig

Labis akong nagalak nang makita ko ang ilan sa iyong mga anak na namumuhay ayon sa katotohanan, alinsunod sa utos ng Ama sa atin. At(A) ngayon, Ginang, hinihiling ko sa iyo na magmahalan tayong lahat. Hindi ito bagong utos kundi isang dating utos na sa simula pa'y nasa atin na. At ganito ang pag-ibig na binabanggit ko: mamuhay tayo nang ayon sa mga utos ng Diyos. Ito ang utos na ibinigay sa inyo noon pang una: mamuhay kayo nang may pag-ibig.

Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga mandaraya! Ayaw nilang kilalanin na si Jesu-Cristo'y dumating bilang tao. Ang ganoong tao ay mandaraya at kaaway ni Cristo.[a] Mag-ingat nga kayo upang huwag mawalang saysay ang aming pinagpaguran,[b] sa halip ay lubusan ninyong makamtan ang gantimpala.

Ang hindi nananatili sa turo ni Cristo kundi nagdaragdag dito, ay wala sa kanya ang Diyos. Sinumang nananatili sa turo ni Cristo ay nasa kanya ang Ama at ang Anak. 10 Sinumang dumating sa inyo na ibang turo ang dala ay huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, ni huwag ninyong batiin, 11 sapagkat ang bumabati sa kanya ay nagiging kaisa niya sa masamang gawain.

Panghuling Pananalita

12 Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, ngunit ayaw ko nang gumamit ng papel at tinta. Sa halip, ako'y umaasang makapunta diyan at makausap kayo nang personal upang malubos ang ating kagalakan.

13 Kinukumusta ka ng mga anak ng iyong kapatid na babae na hinirang.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.