Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 98

Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo

98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
    pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
    walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
    sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
    tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!

Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
    si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
    at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
    magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.

Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
    umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
    umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.

Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
    taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.

Ezekiel 10:1-19

Umalis sa Templo ang Kaluwalhatian ni Yahweh

10 Tumingin(A) ako sa ulunan ng mga kerubin at may nakita akong parang trono na waring yari sa safiro. Sinabi(B) ni Yahweh sa lalaking nakasuot ng telang lino, “Pumunta ka sa gitna ng mga gulong na umiikot sa ibaba ng kerubin. Dumakot ka ng baga at isabog mo sa buong lunsod.”

Gayon nga ang ginawa ng lalaking nabanggit. Noon, ang mga kerubin ay nasa gawing timog ng Templo. Pagpasok ng lalaki sa patyo sa loob, ito'y napuno ng makapal na ulap. Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may kerubin at lumipat sa may pagpasok ng Templo. Napuno rin ito ng ulap at ang buong patyo'y nagliwanag sa kaluwalhatian ni Yahweh. Ang pagaspas ng pakpak ng mga kerubin ay dinig hanggang sa patyo sa labas, wari'y ugong ng tinig ng Makapangyarihang Diyos.

Nang sabihin nga niya sa lalaking nakadamit ng lino na siya'y kumuha ng baga sa gitna ng mga gulong sa ibaba ng mga kerubin, pumunta ito at tumayo sa tabi ng isang gulong. Ang isa sa mga kerubin ay dumakot ng baga na nasa kanilang kalagitnaan at ibinigay sa lalaki; at ito'y umalis. Ang mga kerubin ay may mga tila kamay nga ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.

Nang(C) ako'y tumingin, nakita kong may isang gulong sa tabi ng bawat kerubin. Ang mga gulong ay kumikislap, tulad ng topaz. 10 Magkakamukha ang mga ito at parang iisa. 11 Sila'y nakababaling kahit saan, hindi na kailangang pumihit. Saanman gumawi ang nasa unahan, sumusunod ang iba nang hindi na pumipihit. 12 Ang(D) kanilang katawan, likod, kamay, pakpak, pati mga gulong ay puno ng mata. Ang mga kerubin ay tig-iisang gulong, 13 at ang tawag sa kanila ay “Mga Umiikot na Gulong.” 14 Bawat(E) kerubin ay tig-aapat ang mukha: kerubin, tao, leon, at agila.

15 Ang mga kerubin ay tumayo. Ito rin ang mga nilalang na buháy na nakita ko sa may Ilog Kebar. 16 Paglakad ng mga ito, lumalakad din ang mga gulong; pagtaas ng mga ito, tumataas din ang mga gulong. 17 Pagtigil nila, tumitigil din ang mga gulong. Pagtaas noong isa, sunod ang ikalawa pagkat iisa ang nagpapagalaw sa mga nilalang na buháy at sa mga gulong.

18 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may pagpasok ng Templo at nagpunta sa may ulunan ng kerubin. 19 Lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong, at tumigil sa may pintuan ng Templo sa gawing silangan. Nasa ulunan pa rin nila ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel.

Lucas 17:20-37

Ang Pagdating ng Kaharian ng Diyos(A)

20 Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan ng pagdating ng kaharian ng Diyos, 21 at wala ring magsasabing ‘Narito na!’ o ‘Naroon!’ Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”

22 At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 May magsasabi sa inyo, ‘Naroon!’ o, ‘Narito!’ Huwag kayong pupunta at huwag kayong maniniwala sa kanila. 24 Sapagkat [pagsapit ng takdang araw,][a] ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan. 25 Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng salinlahing ito. 26 Ang(B) pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe. 27 Ang(C)(D) mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. 28 Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. 29 Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. 30 Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.

31 “Sa(E) araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumabâ pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa. 32 Alalahanin(F) ninyo ang asawa ni Lot. 33 Ang(G) sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35 May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. [36 May dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.]”[b]

37 “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad.

Sumagot siya, “Kung nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.