Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin ng Isang Walang Sala
Panalangin ni David.
17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
dinggin mo ako sa aking kahilingan;
dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
2 Hahatol ka para sa aking panig,
pagkat alam mo kung ano ang matuwid.
3 Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
walang kasamaan maging sa aking bibig.
4 Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
5 Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
hindi ako lumihis doon kahit kailan.
6 Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
7 Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.
8 Ako'y bantayan mo, ang paborito mong anak,
at palagi mong ingatan sa lilim ng iyong pakpak;
9 mula sa kuko ng masasama ako'y iyong iligtas.
Napapaligiran ako ng malulupit na kaaway,
Si Juda at si Tamar
38 Nang panahong iyon, humiwalay si Juda sa kanyang mga kapatid at nakipanirahan kay Hira na isang Adullamita. 2 Napangasawa niya roon ang anak ni Sua, isang Cananeo. 3 Nagkaanak sila ng tatlong lalaki: Er ang ipinangalan sa panganay, 4 ang pangalawa'y Onan, 5 at Sela naman ang pangatlo. Si Juda ay nasa Kizib nang ipanganak si Sela.
6 Pinapag-asawa ni Juda ang kanyang panganay na si Er at ang napangasawa nito'y si Tamar. 7 Napakasama ng ugali ni Er, kaya't nagalit sa kanya si Yahweh at siya'y pinatay. 8 Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, “Tungkulin mong sipingan ang biyuda ng iyong kapatid upang magkaroon siya ng mga anak sa pamamagitan mo.” 9 Alam ni Onan na hindi ituturing na kanya ang magiging anak niya sa kanyang hipag. Kaya itinatapon niya sa labas ang kanyang binhi upang huwag magkaanak ang kanyang kapatid sa pamamagitan niya. 10 Ito'y kasuklam-suklam kay Yahweh kaya't pinatay rin siya. 11 Sinabi ni Juda sa manugang niyang si Tamar, “Umuwi ka na muna sa inyo at hintayin mong lumaki ang bunso kong si Sela.” Sinabi niya ito dahil sa takot na baka mangyari kay Sela ang sinapit ng kanyang mga kapatid. Kaya't umuwi muna si Tamar sa kanyang ama.
12 Pagkalipas ng panahon ay namatay ang asawa ni Juda. Matapos ang pagluluksa, nagpunta si Juda sa Timnat para tingnan ang paggugupit sa balahibo ng kanyang mga tupa. Kasama niya ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adullam. 13 Samantala, may nagsabi kay Tamar na pupunta sa Timnat ang kanyang biyenan upang gupitan ng balahibo ang mga tupa nito. 14 Pagkarinig nito, hinubad niya ang kanyang damit-panluksa. Nagtalukbong siya at naupo sa pagpasok ng Enaim, bayang nadadaanan patungo sa Timnat. Ginawa niya ito sapagkat alam niyang binata na si Sela, ngunit hindi pa sila ipinakakasal ng kanyang biyenan.
15 Nakita ni Juda si Tamar; inakala niyang ito'y isang babaing nagbebenta ng aliw sapagkat may takip ang mukha. 16 Lumapit siya at inalok ang babae na makipagtalik sa kanya. Hindi niya alam na ito ang kanyang manugang.
“Anong ibabayad mo sa akin?” tanong ng babae.
17 Sumagot si Juda, “Padadalhan kita ng isang batang kambing.”
“Payag ako,” sabi ng babae, “kung bibigyan mo ako ng isang sangla hangga't hindi ko tinatanggap ang ipadadala mo.”
18 “Anong sangla ang gusto mo?” tanong ni Juda.
Sumagot siya, “Ang iyong singsing na pantatak kasama ang kadena at ang tungkod mo.” Ibinigay niya ang hiningi ng babae at sila'y nagsiping. Nagdalang-tao si Tamar. 19 Pagkatapos, umuwi siya at inalis ang kanyang talukbong at isinuot muli ang kanyang damit-panluksa.
20 Pag-uwi ni Juda, isinugo niya ang kaibigan niyang taga-Adullam upang dalhin sa babae ang ipinangako niyang kambing, at bawiin naman ang iniwang sangla. 21 Nagtanung-tanong siya sa mga lalaking tagaroon, at ang sagot ng mga ito'y walang gayong babae roon.
22 Nagbalik kay Juda ang kanyang kaibigan at sinabi ang nangyari sa kanyang lakad. 23 Kaya't sinabi ni Juda, “Hayaan mo na sa kanya ang iniwan kong sangla, baka tayo'y pagtawanan pa ng mga tao. Dinala mo na sa kanya ang kambing, ngunit wala siya roon!”
24 Makaraan ang tatlong buwan, may nagsabi kay Juda, “Ang manugang mong si Tamar ay naglaro ng apoy at ngayo'y nagdadalang-tao.”
“Ilabas ninyo siya at sunugin!” ang utos ni Juda.
25 Habang siya'y kinakaladkad na palabas, ipinasabi niya sa kanyang biyenan, “Ang may-ari ng mga ito ang ama ng aking dinadala. Tingnan mo kung kanino ang singsing, kadena at tungkod na ito.”
26 Nakilala ni Juda ang iniwan niyang sangla, kaya't sinabi niya, “Wala siyang kasalanan, ako ang nagkulang; dapat sana'y ipinakasal ko siya kay Sela.” At hindi na niya ito muling sinipingan.
Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Harap ni Felix
10 Si Pablo ay sinenyasan ng gobernador upang magsalita, kaya't sinabi niya,
“Kagalang-galang na Gobernador, nalalaman kong kayo'y matagal nang hukom sa bansang ito, kaya't ikinagagalak kong ipagtanggol ang aking sarili sa harap ninyo. 11 Wala pang labindalawang araw mula nang ako'y dumating sa Jerusalem upang sumamba. Matitiyak ninyo iyan kung kayo'y magsisiyasat. 12 Minsan man ay hindi nila ako nakitang nakikipagtalo kaninuman sa loob ng Templo, o gumagawa ng gulo sa sinagoga, o sa alinmang lugar sa lungsod. 13 Wala silang maihaharap na katibayan sa kanilang mga paratang laban sa akin. 14 Inaamin kong ang pagsamba ko sa Diyos ng aming mga ninuno ay ayon sa Daan na sinasabi nilang maling pananampalataya. Subalit naniniwala rin ako sa lahat ng nasusulat sa Kautusan at sa mga aklat ng mga propeta. 15 Tulad nila, umaasa rin akong muling bubuhayin ng Diyos ang lahat ng tao, matuwid man o di-matuwid. 16 Kaya't pinagsisikapan kong laging maging malinis ang aking budhi sa harap ng Diyos at ng tao.
17 “Ilang(A) taon akong nawala sa Jerusalem at nagbalik ako upang maghatid ng tulong sa mga kababayan ko at maghandog sa Diyos. 18 Natapos ko nang tuparin ang paglilinis ayon sa Kautusan at nag-aalay ako ng aking handog nang datnan nila ako sa Templo. Walang maraming tao roon at wala namang gulo. 19 Ang naroon ay ilang Judiong galing sa Asia—sila sana ang naparito upang magharap ng sakdal kung sila'y may nakitang anumang dapat iparatang laban sa akin. 20 O kaya naman, magsabi ang mga taong naririto kung ano ang pagkakasalang nagawa ko nang ako'y iharap sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. 21 Gayunpaman,(B) totoong isinigaw ko ito sa harap nila, ‘Dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay, ako'y nililitis sa harapan ninyo ngayon.’”
22 Si Felix ay may sapat na kaalaman tungkol sa Daan, kaya't ipinagpaliban muna niya ang paglilitis. Sinabi niya, “Hahatulan ko ang iyong kaso pagdating ng pinunong si Lisias.” 23 Pagkatapos, iniutos niya sa kapitan na pabantayan si Pablo, subalit huwag hihigpitan kundi hayaang dalawin ng kanyang mga kaibigan upang mabigyan siya ng kanyang mga pangangailangan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.