Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 17:1-9

Panalangin ng Isang Walang Sala

Panalangin ni David.

17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
    dinggin mo ako sa aking kahilingan;
    dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
Hahatol ka para sa aking panig,
    pagkat alam mo kung ano ang matuwid.

Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
    kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
    Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
    walang kasamaan maging sa aking bibig.
Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
    tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
    ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
    hindi ako lumihis doon kahit kailan.

Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
    kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
    at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.

Ako'y bantayan mo, ang paborito mong anak,
    at palagi mong ingatan sa lilim ng iyong pakpak;
    mula sa kuko ng masasama ako'y iyong iligtas.

Napapaligiran ako ng malulupit na kaaway,

Exodo 3:13-20

13 Sinabi(A) ni Moises, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako'y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?”

14 Sinabi(B) ng Diyos, “Ako'y si Ako Nga.[a] Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’. 15 Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. 16 Lumakad ka na at tipunin mo ang mga pinuno ng Israel. Sabihin mo sa kanilang nagpakita ako sa iyo, akong si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sabihin mong ako'y bumabâ at nakita ko ang ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. 17 Dahil dito, ilalabas ko sila sa bansang iyon na nagpapahirap sa kanila. Dadalhin ko sila sa isang mayaman at masaganang lupain; ang lupain ng mga Cananeo, ng mga Heteo, ng mga Amoreo, ng mga Perezeo, ng mga Hivita at ng mga Jebuseo.

18 “Papakinggan ka ng aking bayan. Pagkatapos, isama mo ang mga pinuno ng Israel at pumunta kayo sa Faraon. Sabihin mong si Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo, ay nagpakita sa iyo at kayo'y maglalakbay ng tatlong araw papunta sa ilang upang maghandog sa akin. 19 Alam kong hindi siya papayag hangga't hindi siya ginagamitan ng kamay na bakal. 20 Kaya't paparusahan ko ang buong Egipto sa pamamagitan ng mga kababalaghan. Pagkatapos, papayagan na niya kayong umalis.”

Lucas 20:1-8

Pag-aalinlangan sa Kapangyarihan ni Jesus(A)

20 Isang araw, habang si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo at nangangaral ng Magandang Balita, nilapitan siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan, kasama ang mga pinuno ng bayan. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa amin kung ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?”

Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko muna kayo. Sabihin ninyo sa akin kung kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”

Kaya't nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ Subalit kung sasabihin naman nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao dahil naniniwala silang propeta si Juan.” Kaya't ang sagot na lamang nila'y, “Hindi namin alam!”

Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng karapatan upang gawin ang mga ito.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.