Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 98

Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo

98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
    pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
    walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
    sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
    tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!

Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
    si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
    at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
    magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.

Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
    umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
    umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.

Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
    taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.

2 Samuel 21:1-14

Pinatay ang mga Apo ni Saul

21 Sa panahon ng paghahari ni David, tatlong sunud-sunod na taon na nagkaroon ng taggutom, kaya't sumangguni siya kay Yahweh. Ito ang kanyang tugon, “Maraming buhay ang inutang ni Saul at ng kanyang sambahayan, sapagkat ipinapatay niya ang mga Gibeonita.” Ang(A) mga Gibeonita ay hindi buhat sa lahi ng Israel. Sila ang mga natira sa lahi ng mga Amoreo na pinangakuang hindi lilipulin ng mga Israelita. Ngunit sila'y sinikap lipulin ni Saul dahil sa pagmamalasakit niya para sa mga taga-Israel at Juda. Ipinatawag ni David ang mga Gibeonita at tinanong, “Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo upang mapagbayaran ang kasalanan sa inyo ng aming bayan, at nang sa gayon ay mapawi ang inyong galit at basbasan ang sambayanan ni Yahweh?”

Sumagot sila, “Ang sama ng loob namin kay Saul at sa kanyang sambahayan ay hindi kayang tumbasan ng ginto at pilak. Ngunit ayaw rin naming pumatay ng sinuman sa Israel.”

“Kung gayon, ano ang dapat kong gawin para sa inyo?” tanong ni David.

Sumagot sila, “Hinangad po ng Saul na iyon na ubusin ang lahi namin sa Israel. Kaya, ibigay ninyo sa amin ang pito sa mga lalaking mula sa kanyang angkan at bibitayin namin sila sa Gibeon sa harapan ni Yahweh.”

“Sige, ibibigay ko sila sa inyo,” sagot ni David.

Ngunit(B) dahil sa sumpaang ginawa nina David at Jonatan, iniligtas niya si Mefiboset, ang apo ni Saul kay Jonatan. Ang(C) ibinigay ng hari ay sina Armoni at isang Mefiboset din ang pangalan, mga anak ni Saul kay Rizpa na anak ni Aya, at ang limang anak ni Adriel kay Merab.[a] Si Merab ay anak ni Saul at si Adriel nama'y anak ni Barzilai na taga-Meholat. Ibinigay ni David sa mga Gibeonita ang pitong ito, at sila'y sama-samang binigti sa bundok sa harapan ni Yahweh. Nangyari ito nang nagsisimulang anihin ang sebada.

10 Sa buong panahon ng anihan hanggang dumating ang tag-ulan, si Rizpa na anak ni Aya ay hindi na umalis sa kinaroroonan ng mga bangkay. Gumawa siya ng isang silungang sako sa ibabaw ng isang malaking bato at binantayan ang mga bangkay upang hindi makain ng mga ibon at maiilap na hayop.

11 Nang mabalitaan ito ni David, 12 ipinakuha(D) niya ang bangkay ni Saul at ni Jonatan sa mga pinuno ng Jabes-gilead. Ninakaw ng mga ito ang bangkay nina Saul at Jonatan sa Bethsan na ibinitin doon ng mga Filisteo noong araw na sila'y mapatay sa Gilboa. 13 Ipinakuha nga niya ang mga bangkay nina Saul at Jonatan at isinama sa mga bangkay ng pitong binigti sa bundok. 14 Pagkatapos, dinala nila ito sa libingan ng kanyang amang si Kish, sa lupain ni Benjamin sa Zela. Ang lahat ng iniutos ng hari ay natupad, at mula noon, dininig ni Yahweh ang kanilang dalangin para sa bansa.

2 Tesalonica 1:3-12

Ang Paghuhukom

Mga kapatid, tama lamang na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, sapagkat patuloy na lumalago ang inyong pananampalataya kay Cristo at lalong nagiging maalab ang inyong pagmamahalan sa isa't isa. Kaya nga, ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya, sa gitna ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo.

Ang lahat ng ito'y nagpapatunay na makatarungan ang paghatol ng Diyos, upang gawin niya kayong karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis. Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin niyang kasama namin kapag ang Panginoong Jesus ay inihayag na mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel, na may naglalagablab na apoy. Parurusahan ang lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Panginoong Jesus. Magdurusa(A) sila ng walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa Araw ng kanyang pagparito upang tumanggap ng papuri mula sa kanyang mga hinirang at ng parangal ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo roon sapagkat sinampalatayanan ninyo ang patotoong ipinahayag namin sa inyo. 11 Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya. 12 Sa gayon, mapaparangalan ninyo ang pangalan ng ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.