Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 24

Ang Dakilang Hari

Awit ni David.

24 Ang(A) buong daigdig at ang lahat ng naroon,
    ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.
Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
    inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.
Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
    Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?
Ang(B) taong malinis ang buhay pati ang isipan,
    hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
    at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
    ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.
Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
    silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)[a]

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
    si Yahweh, matagumpay sa labanan.

Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
    buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
    at ang dakilang hari'y papasok at daraan.

10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)[b]

Isaias 33:17-22

Ang Kinabukasang Punung-puno ng Pag-asa

17 Makikita ninyo ang kaningningan ng hari
    na mamamahala sa buong lupain.
18 Mawawala na ang kinatatakutang
    mga dayuhang tiktik at maniningil ng buwis.
19 Mawawala na rin ang mga palalong dayuhan
    na hindi maunawaan kung anong sinasabi.
20 Masdan mo ang Zion, ang pinagdarausan natin ng mga kapistahan!
    Masdan mo rin ang Jerusalem,
    mapayapang lugar, magandang panahanan.
Ito'y parang matatag na toldang ang mga tulos ay nakabaon nang malalim
    at ang mga lubid ay hindi na kakalagin.
21 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay ihahayag sa atin.
    Maninirahan tayo sa baybayin ng malalawak na ilog at batis
na hindi mapapasok ng sasakyan ng mga kaaway.
22 Sapagkat si Yahweh ang ating hukom, siya ang mamamahala,
    at siya rin ang haring magliligtas sa atin.

Pahayag 22:8-21

Akong si Juan ang nakarinig at nakakita sa lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, ako'y nagpatirapa sa paanan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga ito upang siya'y sambahin. Ngunit sinabi niya, “Huwag mong gawin iyan! Ako ma'y aliping tulad mo, at tulad din ng iyong mga kapatid na propeta at ng lahat ng sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo!”

10 At sinabi rin niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga propesiya na nasa aklat na ito, sapagkat malapit nang maganap ang mga ito. 11 Magpatuloy(A) sa pagpapakasama ang masasama, magpatuloy sa pagpapakarumi ang marurumi, ngunit ang namumuhay sa kalooban ng Diyos ay magpatuloy sa gayong pamumuhay at ang banal sa pagiging banal.”

12 At(B) sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Dala ko ang mga gantimpalang ibibigay sa bawat isa ayon sa kanyang ginawa! 13 Ako(C) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.”

14 Pinagpala(D) ang naglilinis ng kanilang kasuotan sapagkat bibigyan sila ng karapatang pumasok sa lungsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. 15 Subalit maiiwan sa labas ng lungsod ang mga asal-aso, ang mga mangkukulam, ang mga nakikiapid, ang mga mamamatay-tao, ang mga sumasamba sa diyus-diyosan, at ang mga mahilig magsinungaling at mandaya.

16 “Akong(E) si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang ang mga bagay na ito'y ipahayag sa inyo na nasa mga iglesya. Ako ang ugat at supling ni David; ako ang maningning na bituin sa umaga.”

17 Sinasabi(F) ng Espiritu at ng babaing ikakasal, “Halikayo!”

Lahat ng nakakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!”

Lumapit ang sinumang nauuhaw; kumuha ang may gusto ng tubig na nagbibigay-buhay; ito'y walang bayad.

Pagwawakas

18 Akong(G) si Juan ay nagbibigay ng babala sa sinumang makarinig sa mga propesiya na nasa aklat na ito: sa sinumang magdaragdag sa nilalaman ng aklat na ito ay idaragdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na nakasulat dito. 19 Ang sinumang mag-alis ng anuman sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, ay aalisan ng Diyos ng karapatang makibahagi sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay at sa Banal na Lungsod na binabanggit dito.

20 Sinasabi ng nagpapatotoo sa lahat ng ito, “Tiyak na nga! Darating na ako!”

Amen! Dumating ka nawa, Panginoong Jesus!

21 Nawa'y makamtan ng lahat[a] ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesus.

Amen.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.