Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 50

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]

“Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
    ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
    ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
    ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
    maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
    maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
    at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.

12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
    yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
    At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
    ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
    kayo'y aking ililigtas,
    ako'y inyong pupurihin.”

16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
    “Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
    Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
    at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
    at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.

19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
    sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
    at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
    kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
    upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.

22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
    kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
    walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
    ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
    akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”

Nehemias 13:1-3

Paghiwalay sa mga Dayuhan

13 Nang(A) araw na binasa sa harap ng mga tao ang Kautusan ni Moises, natuklasan nila roon na mahigpit na ipinagbabawal sa mga Israelita ang makihalubilo sa mga Ammonita o Moabita. Ipinagbawal(B) ito, sapagkat hindi sila binigyan ng pagkain at inumin ng mga Ammonita at Moabita nang dumaan ang mga Israelita sa lupain ng mga ito noong lumabas sila sa Egipto. Sa halip, inupahan pa ng mga ito si Balaam upang sumpain ang Israel, subalit ang sumpang iyon ay ginawa ng Diyos natin na isang pagpapala. Nang ito'y marinig ng mga tao, pinaalis nila ang mga dayuhan.

Nehemias 13:23-31

23 Nalaman(A) ko rin noon na maraming mga Judio ang nag-asawa ng mga babaing taga-Asdod, Ammon at Moab. 24 Dahil dito, kalahati ng kanilang mga anak ang nagsasalita ng wikang Asdod at iba pang mga wikang banyaga, ngunit hindi sila nakakapagsalita ng wika ng Juda. 25 Pinagalitan ko ang mga kalalakihan, isinumpa sila, pinalo at sinabunutan. Pagkatapos, pinapanumpa ko sila sa pangalan ng Diyos na sila at ang kanilang mga anak ay hindi na mag-aasawa ng mga dayuhan. 26 “Hindi(B) ba iyan ang sanhi ng pagkakasala ni Solomon?” sinabi ko sa kanila. “Walang sinumang hari saanmang bansa na tulad niya. Mahal siya ng Diyos at ginawang hari sa buong Israel. Subalit nagkasala siya dahil sa mga babaing banyaga. 27 Susundin ba namin ang inyong masamang halimbawa at susuway sa Diyos dahil sa pag-aasawa ng mga dayuhan?”

28 Isa(C) sa mga anak ni Joiada (na anak ng pinakapunong pari na si Eliasib) ay nag-asawa ng isang babae mula sa angkan ni Sanbalat na Horonita; kaya't pinalayas ko siya sa Jerusalem. 29 Alalahanin po ninyo, O aking Diyos, ang paglapastangan nila sa tungkulin ng pagiging pari at sa kasunduang ginawa ninyo sa mga pari at sa mga Levita.

30 Nilinis ko ang sambayanan sa lahat ng pakikitungo nila sa mga dayuhan. Gumawa ako ng mga tuntunin para sa mga pari at mga Levita upang malaman nila ang kanilang mga tungkulin. 31 Isinaayos ko rin ang pagdadala sa takdang oras ng mga kahoy na gagamiting panggatong sa pagsunog ng mga handog, gayundin ang pagdadala ng mga tao sa mga unang ani ng butil at bungangkahoy.

Alalahanin ninyo, O aking Diyos, ang lahat ng ito at ako po'y pagpalain ninyo.

1 Corinto 5:9-13

Sinabi ko sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid. 10 Hindi ang mga di-mananampalatayang nakikiapid, sakim, magnanakaw, o sumasamba sa diyus-diyosan ang tinutukoy ko, sapagkat kinakailangan ninyong umalis sa mundong ito para sila'y maiwasan. 11 Ang tinutukoy ko na huwag ninyong papakisamahan ay ang nagsasabing sila'y Cristiano ngunit nakikiapid, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, nanlalait, naglalasing, at nagnanakaw. Ni huwag kayong makikisalo sa ganyang uri ng tao.

12-13 Wala akong karapatang humatol sa mga hindi Cristiano; ang Diyos ang hahatol sa kanila. Ngunit hindi ba't dapat ninyong hatulan ang mga nasa loob ng iglesya? Sabi nga sa kasulatan, “Itiwalag ninyo ang masamang tao.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.