Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 123

Panalangin Upang Kahabagan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

123 Ang aking pangmasid doon nakatuon,
    sa luklukang trono mo, O Panginoon.
Tulad ko'y aliping ang inaasahan
    ay ang amo niya para sa patnubay,
kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala,
    hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.

Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan,
    labis na paghamak aming naranasan.
Kami'y hinahamak ng mga mayaman,
    laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang.

Job 25-26

Walang Matuwid sa Paningin ng Diyos

25 Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita:

“Makapangyarihan ang Diyos dapat siyang igalang;
    naghaharing mapayapa sa buong sangkalangitan.
Ang kanyang mga anghel ay hindi mabibilang,
lahat ay nasisikatan ng kanyang kaliwanagan.
Maaari bang maging matuwid ang tao sa paningin ng Diyos?
    Sa harapan ng Maykapal siya ba'y dalisay nang lubos?
Para sa Diyos, ang buwan ay walang ningning,
    at ang mga bituin ay marumi sa kanyang tingin.
Gaano pa ang tao na isa lamang hamak na uod,
    may halaga kaya siya sa paningin ng Diyos?”

Inihayag ni Job ang Kapangyarihan ng Diyos

26 Tumugon naman si Job,
“Malaking tulong ka sa akin na isang mahina!
    Sa palagay mo'y sumasaklolo ka sa akin na taong kawawa?
Ang walang nalalaman ay iyo bang tinuruan,
    at ang tao bang hangal ay binigyan ng karunungan?
Sino kayang makikinig sa sinasabi mo?
    At sino bang espiritu ang nag-udyok na sabihin ito?”
Ang sagot ni Bildad,
“Sa takot ay nanginginig maging ang kalaliman,
    ganoon din itong dagat at ang doo'y naninirahan.
Ang daigdig ng mga patay, lantad sa mata ng Diyos.
    Sa paningin niya'y walang maikukubling lubos.
Ang kalawakan sa hilaga ay kanyang inilagay,
    ibinitin niya ang daigdig sa gitna ng kawalan.
Ang tubig ay iniipon sa balumbon ng mga ulap,
    at pinipigil niya ito kahit na anong bigat.
Ang buwang kabilugan, sa ulap ay kanyang tinatakpan.
10 Pinaghiwalay niya ang liwanag sa kadiliman,
    ng bilog na guhit sa ibabaw ng karagatan.
11 Mga haligi nitong langit ay nanginginig sa takot,
    nauuga, nayayanig kapag sinaway ng Diyos.
12 Sa kanyang kapangyarihan, pinatahimik niya ang dagat;
    sa kanyang karunungan, pinuksa niya ang dambuhalang si Rahab.
13 Sa pamamagitan ng hininga niya, ang langit ay umaaliwalas,
    pinuksa ng kamay niya ang dambuhalang tumatakas.
14 Maliit na bahagi lang ito ng kanyang kapangyarihan,
    na hindi pa rin natin lubos na maunawaan.
Sino kaya ang tatarok sa tunay niyang kadakilaan?”

Juan 5:19-29

Ang Kapangyarihan ng Anak

19 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, 20 sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y mamangha. 21 Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyan sila ng buhay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. 22 Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol 23 upang maparangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa Anak.

24 “Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi nakatawid na siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Pakatandaan ninyo na darating ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan. 27 Binigyan niya ang Anak ng kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig 29 at sila'y(A) babangon. Lahat ng gumawa ng kabutihan ay babangon patungo sa buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay babangon patungo sa kaparusahan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.