Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin sa Gabi
Awit ni David.
141 Sa iyo, O Yahweh, ako'y dumadalangin
sa aking pagtawag, ako sana'y dinggin.
2 Ang(A) aking dalangin sana'y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso;
itong pagtaas ng mga kamay ko.
3 O Yahweh, bibig ko ay iyong bantayan,
ang mga labi ko'y lagyan mo ng bantay.
4 Huwag mong babayaang ako ay matukso,
sa gawang masama ay magumon ako;
ako ay ilayo, iiwas sa gulo,
sa handaan nila'y nang di makasalo.
5 Pagkat may pag-ibig, ang mabuting tao puwedeng magparusa't pagwikaan ako,
ngunit ang masama ay hindi ko ibig na ang aking ulo'y buhusan niya ng langis;
pagkat ang dalangin at lagi kong hibik, ay laban sa gawa niyang malulupit.
6 Kung sila'y bumagsak tuloy na hatulan,
maniniwala na ang mga nilalang na ang salita ko ay katotohanan.
7 Tulad ng panggatong na pira-piraso,
sa pinaglibinga'y kakalat ang buto.
8 Di ako hihinto sa aking pananalig,
ang pag-iingat mo'y aking ninanais,
huwag mong itutulot, buhay ko'y mapatid.
9 Sa mga patibong ng masamang tao,
ilayo mong lubos, ingatan mo ako.
10 Iyong pabayaang sila ang mahulog,
samantalang ako'y ligtas mong kinupkop.
Muling Titipunin ang mga Natirang Israelita
14 Sinabi sa akin ni Yahweh, 15 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kapatid mo at mga dinalang-bihag tulad mo, ang buong sambahayan ni Israel, ay pinagsabihan ng mga nakatira ngayon sa Jerusalem ng, ‘Lumayo kayo kay Yahweh, ang lupaing ito'y ibinigay na sa amin.’ 16 Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Pinangalat ko sila sa iba't ibang dako kaya maaari nila akong sambahing pansamantala saanman sila napatapon.’ 17 Sabihin mo na muli ko silang titipunin mula sa mga bansang kinatapunan nila at ibibigay kong muli sa kanila ang lupain. 18 At pagbalik nila roon, aalisin nila ang mga kasuklam-suklam na mga bagay roon. 19 Bibigyan(A) ko sila ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin nilang puso ay papalitan ko ng pusong masunurin 20 upang lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin at sumunod sa aking mga utos. Sa gayon, magiging bayan ko sila at ako ang kanilang magiging Diyos. 21 Ngunit pagbabayarin ko ang mga gumawa ng karumal-dumal at kasuklam-suklam na bagay.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.
Inalis ng Panginoong Yahweh ang Kanyang Kaluwalhatian sa Jerusalem
22 Pumaitaas(B) ang mga kerubin, kasama ang mga gulong, at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila. 23 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa lunsod at nagpunta sa ibabaw ng bundok sa gawing silangan. 24 Inilipad ako ng Espiritu[a] at sa pamamagitan ng pangitain ay dinala ako sa Babilonia, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Doon natapos ang pangitain. 25 At sinabi ko sa mga dinalang-bihag ang lahat ng ipinakita sa akin ni Yahweh sa pamamagitan ng pangitain.
25 Dahil(A) dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. 26 Kung(B) magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. 30 At huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. 32 Sa(C) halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Mamuhay Ayon sa Liwanag
5 Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. 2 Mamuhay(D) kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.