Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Diyos ay Sumasaatin
Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot[a]
46 Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
at handang saklolo kung may kaguluhan.
2 Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
kahit na sa dagat ang bundok matangay;
3 kahit na magngalit yaong karagatan,
at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)[b]
4 May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
5 Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
mula sa umaga ay kanyang alaga.
6 Nangingilabot din bansa't kaharian,
sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.
7 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)[c]
8 Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
9 Maging pagbabaka ay napatitigil,
sibat at palaso'y madaling sirain;
baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
kataas-taasan sa lahat ng bansa,
sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)[d]
11 Pintuan mo ay ibukas, lupain ng Lebanon,
upang lamunin ng apoy ang iyong mga sedar.
2 Magsitaghoy kayo, mga puno ng sipres
pagkat bumagsak na ang sedar,
ang mararangal na punong iyon.
Managhoy rin kayo, mga ensina ng Bashan,
pagkat nahawan na ang madilim na kagubatan.
3 Gayon na lamang ang pagtangis ng mga pinuno,
pagkat karangalan nila'y parang biglang naglaho.
Atungal ng mga leon, iyong pakinggan,
pagkat gubat ng Jordan ay nasira na't nahawan.
Ang mga Pastol na Walang Kabuluhan
4 Sinabi sa akin ni Yahweh na aking Diyos, “Ikaw ang mag-alaga sa mga tupa kong papatayin. 5 Pinapatay lamang sila ng nag-aalaga sa kanila ngunit hindi napaparusahan ang mga ito. Ang karne ay ipinagbibili at pagkatapos ay kanilang sinasabi, ‘Purihin si Yahweh! Mayaman na tayo ngayon.’ Maging ang mga pastol ay hindi rin naawa sa kanila. 6 Hindi ko na kahahabagan ang mga tao sa lupaing ito. Pababayaan ko silang mahulog sa kamay ng kanilang kapwa. Wawasakin nila ang lahat ng bansa, isa ma'y wala akong ililigtas!”
7 Kinuha ako ng mga mamimili upang mag-alaga sa binili nilang tupang papatayin. Kumuha ako ng tungkod; ang isa'y pinangalanan kong Kabutihang Loob, at ang isa nama'y Pagkakaisa. At inalagaan ko nga ang kawan. 8 Sa loob ng isang buwan, tatlong pastol na ang pinaalis ko pagkat naubos na ang pasensiya ko sa kanila. Sila naman ay nasuklam sa akin. 9 Sinabi ko sa kawan, “Mula ngayon, di ko na kayo aalagaan, mamatay na kung sino ang mamamatay sa inyo at mapahamak na kung sino ang mapapahamak. At ang matira ay pababayaan kong mag-away-away. 10 Binali ko ang tungkod na tinawag kong Kabutihang Loob upang ipakilalang wala nang kabuluhan ang kasunduan namin ng mga mamimili. 11 Nang araw ngang yaon, sinira ko ang tipan at nalaman ng mga mamimiling nanonood sa akin noon na ang sinabi ko'y buhat kay Yahweh. 12 Sinabi(A) (B) ko sa kanila, “Kung gusto ninyong ibigay ang aking sahod, salamat; kung ayaw ninyo, sa inyo na lang.” At binigyan nila ako ng tatlumpung pirasong pilak bilang sahod.
13 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ilagay mo iyan sa kabang-yaman ng Templo.”[a] Kaya't kinuha ko ang tatlumpung pirasong pilak bilang pasahod nila sa akin, at ganoon nga ang aking ginawa. 14 Pagkatapos, binali ko rin ang tungkod na tinawag kong Pagkakaisa upang ipakitang wala nang pagkakaisa ang Juda at Israel.
15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mag-ayos kang tulad ng isang pastol na walang kabuluhan. 16 Ang bayan ay bibigyan ko ng isang pastol na walang pagpapahalaga sa mga nawawala, hindi maghahanap sa naligaw, hindi hihilot sa napilayan, ni mag-aalaga sa maysakit. Bagkus, uubusin niya ang matataba, saka itatapon ang buto nito. 17 Kawawa ang pastol na walang kabuluhan at nagpapabaya sa kawan. Isang tabak ang tatama sa kanyang kamay at kanang mata. Ang kamay niya'y mawawalan ng lakas, at mabubulag ang kanang mata.”
Isang Buháy na Pag-asa
3 Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa 4 na magmamana tayo ng kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. 5 Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakahandang ihayag sa katapusan ng panahon.
6 Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. 7 Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. 8 Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, 9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong[a] pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.