Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 111

Awit ng Pagpupuri sa Kadakilaan ni Yahweh

111 Purihin si Yahweh!

Buong puso siyang pasasalamatan,
    aking pupurihin sa gitna ng bayan kasama ng mga lingkod na hinirang.
Ang mga gawa ni Yahweh, tunay napakadakila,
    mga nalulugod sa kanya, lagi itong inaalala;
lahat niyang gawa'y dakila at wagas,
    katuwiran niya'y hindi magwawakas.

Hindi maaalis sa ating gunita,
    si Yahweh ay mabuti't mahabaging lubha.
Ang sa kanya'y gumagalang pagkain ay sagana;
    pangako ni Yahweh ay di nasisira.
Ipinadama niya sa mga hinirang, ang kapangyarihan niyang tinataglay,
    nang ibigay niya lupa ng dayuhan.

Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
    at maaasahan lahat niyang batas.
Ito ay lalagi at di magwawakas,
    pagkat ang saliga'y totoo't matapat.
Kaligtasa'y dulot sa mga hinirang,
    may ipinangakong walang hanggang tipan;
    Banal at dakila ang kanyang pangalan!
10 Ang(A) pagsunod at paggalang kay Yahweh'y simula ng karunungan.
    Taong masunurin, pupurihing lubos.
Purihin ang Diyos magpakailanman!

Mga Bilang 12:1-15

Nag-usap sina Miriam at Aaron Laban kay Moises

12 Sina Miriam at Aaron ay nagsalita ng laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang pinakasalan—sapagkat siya'y nag-asawa nga ng isang babaing taga-Cus. Ang sabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nagsasalita si Yahweh? Hindi ba't sa pamamagitan din natin?” Narinig ni Yahweh ang usapan nilang ito. Si(A) Moises naman ay isang taong mapagpakumbaba higit kaninumang nabuhay sa ibabaw ng lupa.

Dahil dito, tinawag ni Yahweh sina Moises, Aaron at Miriam. Sinabi niya, “Magpunta kayong tatlo sa Toldang Tipanan.” At nagpunta nga sila. Si Yahweh ay bumabâ sa anyo ng haliging ulap at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan. Tinawag niya sina Aaron at Miriam. Paglapit nila, sinabi niya, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Kung ang sinuma'y nais kong piliing propeta, nagpapakita ako sa kanya sa pangitain at kinakausap ko siya sa panaginip. Ngunit(B) kaiba ang ginawa ko kay Moises sapagkat ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayang Israel. Kinakausap ko siya nang harap-harapan at sinasabi ko sa kanya ang lahat sa maliwanag na paraan, hindi sa pamamagitan ng talinghaga. At siya lamang ang nakakita sa aking anyo. Bakit hindi man lamang kayo natakot na magsalita laban sa kanya?” Nagalit sa kanila si Yahweh, at siya'y umalis.

10 Nang mawala na ang ulap sa ibabaw ng Toldang Tipanan, si Miriam ay nagkaroon ng maputing sakit sa balat na parang ketong. Nang makita ito ni Aaron, 11 sinabi niya kay Moises, “Kapatid ko, huwag mo sana kaming parusahan dahil sa aming kamangmangan at kasamaan. 12 Huwag mong pabayaang matulad siya sa isang buháy na patay, parang ipinanganak na nabubulok ang kalahati ng katawan.” 13 Kaya, nakiusap si Moises kay Yahweh, “O Diyos, pagalingin po sana ninyo si Miriam!”

14 Ngunit(C) ang sagot ni Yahweh, “Kung siya'y duraan ng kanyang ama, hindi ba siya magtatago ng pitong araw dahil sa kahihiyan? Hayaan ninyo siya ng pitong araw sa labas ng kampo.” 15 Kaya si Miriam ay pitong araw na nasa labas ng kampo. Hindi umalis ang bansang Israel hanggang hindi nakakapasok ng kampo si Miriam.

Lucas 5:12-16

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(A)

12 Nang si Jesus ay nasa isang bayan, nakita siya ng isang lalaking ketongin. Nagpatirapa ito at nakiusap, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”[a]

13 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Nais ko. Gumaling ka at luminis!” At noon di'y nawala ang kanyang ketong. 14 Pinagbilinan(B) siya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa pari at magpasuri sa kanya. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog ayon sa iniuutos ni Moises bilang patotoo sa mga tao na ikaw nga'y magaling na.”

15 Ngunit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya't dumaragsa ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.