Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
2 Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.
3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]
5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
Ang Matinding Tagtuyot
14 Ito ang pahayag ni Yahweh kay Jere mias tungkol sa tagtuyot:
2 “Nananangis ang Juda, naghihingalo ang kanyang mga lunsod,
nakahandusay sa lupa ang mga tao dahil sa matinding kalungkutan,
at napapasaklolo ang Jerusalem.
3 Inutusan ng mayayaman ang kanilang mga alipin upang kumuha ng tubig;
nagpunta naman ang mga ito sa mga balon,
ngunit wala silang nakuhang tubig doon;
kaya nagbalik sila na walang laman ang mga banga.
Dahil sa kahihiyan at kabiguan
ay tinatakpan nila ang kanilang mukha,
4 sapagkat bitak-bitak na ang lupa.
Tuyung-tuyo na ang lupain dahil hindi umuulan,
nanlupaypay ang mga magbubukid,
kaya sila'y nagtalukbong na lang ng mukha.
5 Iniwan na ng inahing usa ang kanyang anak na bagong silang,
sapagkat wala ng sariwang damo sa parang.
6 Umakyat sa mga burol ang mga asnong maiilap,
humihingal na parang mga asong-gubat;
nanlalabo ang kanilang paningin
dahil sa kawalan ng pagkain.
Ang Awit ng Pagpupuri ni Maria
46 At(A) sinabi ni Maria,
“Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,
47 at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,
48 sapagkat(B) nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong pinagpala;
49 dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Banal ang kanyang pangalan!
50 Ang kanyang kahabagan ay para sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.
51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
nilito niya ang mga may palalong isip.
52 Tinanggal(C) sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.
54 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod,
at hindi niya kinalimutang kahabagan ito.
55 Tulad(D) ng kanyang ipinangako sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa lahi nito, magpakailanman!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.