Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 37:1-9

Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti

Katha ni David.

37 Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
    huwag mong kainggitan liko nilang gawa.
Katulad ng damo, sila'y malalanta,
    tulad ng halaman, matutuyo sila.
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,
    at mananahan kang ligtas sa lupain.
Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,
    at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.

Ang iyong sarili'y sa kanya italaga,
    tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
Ang kabutihan mo ay magliliwanag,
    katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya;
    huwag mong kainggitan ang gumiginhawa,
    sa likong paraan, umunlad man sila.

Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana;
    walang kabutihang makakamtan ka.
Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan,
    ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.

2 Mga Hari 18:1-8

Ang Paghahari ni Ezequias sa Juda(A)

18 Nang ikatlong taon ng paghahari sa Israel ni Oseas na anak ni Ela, naging hari naman ng Juda si Ezequias na anak ni Ahaz. Siya'y dalawampu't limang taóng gulang noon at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Abi na anak ni Zacarias. Naging kalugud-lugod siya kay Yahweh sapagkat sumunod siya sa mabuting halimbawa ng ninuno niyang si David. Ipinagiba(B) niya ang mga dambana sa mga sagradong burol at ipinasira ang mga sinasambang haligi, pati ang rebulto ni Ashera. Dinurog din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises na kung tawagin ay Nehustan sapagkat hanggang sa panahong iyon ay pinagsusunugan pa nila ito ng insenso. Nagtiwala si Ezequias kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Wala siyang katulad sa mga naging hari ng Juda, nauna man o sumunod sa kanya. Nanatili siyang tapat kay Yahweh at naging masunurin sa kautusang ibinigay ni Yahweh kay Moises kaya't pinatnubayan siya ni Yahweh at nagtagumpay siya sa kanyang mga gawain. Naghimagsik siya sa hari ng Asiria at tumangging pasakop dito. Natalo niya ang mga Filisteo hanggang sa Gaza at sinakop ang lahat ng bayan sa paligid nito, mula sa pinakamaliit na nayon hanggang sa pinakamalaking lunsod.

2 Mga Hari 18:28-36

28 Tumayo ang opisyal at sumigaw sa wikang Hebreo, “Ipinapasabi sa inyo ng makapangyarihang hari ng Asiria, 29 na huwag ninyong paniwalaan si Ezequias! Hindi niya kayo maipagtatanggol laban sa aming hari. 30 Huwag kayong maniniwala sa kanya kahit sabihin sa inyo na ililigtas kayo ni Yahweh, at ang lunsod na ito ay hindi masasakop ng hari ng Asiria. 31 Huwag ninyong papakinggan si Ezequias. Ipinapasabi pa ng hari ng Asiria na sumuko na kayo at makipagkasundo sa kanya. At makakain ninyo ang bunga ng inyong mga ubasan at mga punong igos. Iinom din kayo ng tubig sa inyong mga balon, 32 hanggang sa mailipat ko kayo sa isang lupaing tulad ng inyong lupain na sagana sa butil at alak, sa tinapay at bungangkahoy sa mga olibo, langis at pulot. Ang piliin ninyo'y buhay at hindi kamatayan. Huwag ninyong paniwalaan si Ezequias kahit sabihin niyang ililigtas kayo ni Yahweh. 33 Mayroon na bang diyos ng alinmang bansa ang nakapagligtas sa kanila mula sa kapangyarihan ng hari ng Asiria? 34 Ang Samaria ba'y nailigtas ng mga diyos ng Hamat, ng Arpad, ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva nang lusubin ito ng aming hari? 35 Kung ang bayan nila'y hindi nailigtas ng mga diyos na iyon laban sa aming hari, paano ngang maililigtas ni Yahweh ang Jerusalem?”

36 Hindi sumagot kahit isang salita ang mga tao sapagkat iyon ang bilin ni Haring Ezequias.

Pahayag 2:8-11

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Esmirna

“Isulat(A) mo sa anghel ng iglesya sa Esmirna:

“Ito ang sinasabi sa iyo ng simula at wakas, ang namatay at muling nabuhay. Alam ko ang mga kapighatian na dinaranas mo. Alam kong mahirap ka, ngunit ang totoo'y mayaman ka. Nalalaman ko rin ang mga paninirang-puri sa iyo ng mga nagpapanggap na mga Judio; ngunit ang totoo, sila'y mga kampon ni Satanas. 10 Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magdurusa kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay.

11 “Ang(B) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!

“Ang magtatagumpay ay hindi masasaktan ng pangalawang kamatayan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.