Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
61 Dinggin mo, O Diyos, ang aking dalangin;
inyo pong pakinggan, ang aking hinaing!
2 Tumatawag ako dahilan sa lumbay,
sapagkat malayo ako sa tahanan.
Iligtas mo ako, ako ay ingatan,
3 pagkat ikaw, O Diyos, ang aking kanlungan,
matibay na muog laban sa kaaway.
4 Sa inyo pong tolda, ako ay payagan na doon tumira habang nabubuhay;
sa lilim ng iyong bagwis na malakas, ingatan mo ako nang gayo'y maligtas. (Selah)[a]
5 Lahat kong pangako, O Diyos, iyong alam
at abâ mong lingkod, tunay na binigyan ng mga pamana na iyong inilaan sa nagpaparangal sa iyong pangalan.
6 Ang buhay ng hari sana'y pahabain;
bayaang ang buhay niya'y patagalin!
7 Paghahari niya sa iyong harapan, sana'y magpatuloy habang nabubuhay;
kaya naman siya ay iyong lukuban ng iyong pag-ibig na walang kapantay.
8 At kung magkagayon, kita'y aawitan,
ako'y maghahandog sa iyo araw-araw.
Ang Paghahari ni Azarias sa Juda(A)
15 Nang ikadalawampu't pitong taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, si Azarias na anak ni Amazias ay nagsimula namang maghari sa Juda. 2 Labing-anim na taóng gulang siya noon at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't dalawang taon. Ang kanyang ina ay si Jecolias na taga-Jerusalem. 3 Siya'y naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat sumunod siya sa halimbawa ng kanyang amang si Amazias. 4 Gayunman, hindi niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa pagdadala roon ng mga handog at pagsusunog ng insenso. 5 Pinarusahan siya ni Yahweh at nagkaroon siya ng sakit sa balat na parang ketong hanggang mamatay. Tumira siyang mag-isa sa isang bahay samantalang ang anak niyang si Jotam ang namamahala sa kaharian.
6 Ang iba pang ginawa ni Azarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 7 Nang(B) mamatay si Azarias,[a] inilibing siya sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawa(A)
5 Ang labindalawang ito'y isinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan, “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. 7 Humayo(B) kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit. 8 Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. 9 Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak, o tanso. 10 Sa(C) inyong paglalakbay, huwag din kayong magbaon ng pagkain, bihisan, pampalit na sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay.
11 “Saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan at kayo ay tumuloy sa bahay niya habang kayo'y nasa lugar na iyon. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ 13 Kung karapat-dapat ang mga nakatira doon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong pagpapala. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo iyon. 14 At(D) kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. 15 Tandaan(E) ninyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.