Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
2 Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.
3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]
5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
Napapasaklolo ang mga Taga-Jerusalem
17 Ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Isipin ninyo ang mga nangyayari!
Tawagin ninyo ang mga taga-iyak,
ang mga babaing sanay managhoy.”
18 Sabi naman ng mga tao,
“Pagmadaliin sila upang managhoy para sa atin,
hanggang sa bumalong ang ating mga luha
at mamugto sa pag-iyak ang ating mga mata.”
19 Dinggin mo ang panaghoy sa Zion,
“Nasalanta na tayo!
Napakalaking kahihiyan nito!
Lisanin na natin ang ating lupain;
sapagkat wasak na, mga tahanan natin.”
20 Sinabi naman ni Jeremias,
“Mga babae, pakinggan ninyo si Yahweh,
at unawain ang kanyang sinasabi.
Turuan ninyong managhoy ang inyong mga anak na babae,
gayon din ang kanilang mga kaibigan.
21 Nakapasok na ang kamatayan sa ating mga tahanan,
at sa magagarang palasyo;
pinuksa niya ang mga batang nasa lansangan,
at ang mga kabataang nasa pamilihan.
22 Nagkalat kahit saan ang mga bangkay,
tila bunton ng dumi sa kabukiran,
parang uhay na ginapas ng mga mang-aani
at saka iniwang walang nag-iipon.
Ito ang ipinapasabi sa akin ni Yahweh.”
23 Ang sabi ni Yahweh:
“Huwag ipagmayabang ng matatalino ang kanyang karunungan
o ng malakas ang lakas na kanyang taglay
ni ng mayaman ang kanyang kayamanan.
24 Kung(A) may nais magmalaki,
ang ipagmalaki niya'y ang pagkakilala't pagkaunawa sa akin,
sapagkat ang aking pag-ibig ay hindi nagbabago,
makatarungan at matuwid ang mga ginagawa ko.
Ito ang mga bagay na nais ko.
Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”
25 Sinabi pa ni Yahweh, “Darating ang panahong paparusahan ko ang lahat ng tinuli ngunit ang puso'y hindi naman nababago; 26 mga taga-Egipto, Juda, Edom, Ammon, Moab at lahat ng naninirahan sa disyerto at ang mga nagpuputol ng kanilang buhok. Sila at lahat ng mga taga-Israel ay hindi pa nagkakaroon ng panloob na pagbabago bagaman sila ay tinuli ayon sa laman.”
Mga Huling Tagubilin
10 Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan. 11 Nasaksihan(A) mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napagtiisan ko ang mga ito! At sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig, 13 samantalang ang masasama ay lalo namang magpapakasama, at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din.
14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.