Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 121

Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
    sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
    sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.

Di niya ako hahayaang mabuwal,
    siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
    hindi natutulog at palaging gising!
Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
    laging nasa piling, upang magsanggalang.
Di ka maaano sa init ng araw,
    kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.

Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
    sa mga panganib, ika'y ililigtas.
Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
    saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.

Isaias 54:11-17

Ang Jerusalem sa Panahong Darating

11 Sinabi(A) (B) ni Yahweh,
“O Jerusalem, nagdurusang lunsod
    na walang umaliw sa kapighatian.
Muling itatayo ang mga pundasyon mo, ang gagamitin ko'y mamahaling bato.
12 Rubi ang gagamitin sa iyong mga tore,
    batong maningning ang iyong pintuan
    at sa mga pader ay mga hiyas na makinang.
13 Ako(C) mismo ang magtuturo sa iyong mga anak.
    Sila'y magiging payapa at uunlad ang buhay.
14 Patatatagin ka ng katuwiran,
    magiging ligtas ka sa mga mananakop,
    at wala kang katatakutang anuman.
15 Kung may sumalakay sa iyo,
    hindi ito mula sa akin;
ngunit mabibigo ang sinumang sa iyo ay lumaban.
16 Ako ang lumikha ng mga panday,
    na nagpapaapoy sa baga at gumagawa ng mga sandata.
Ako rin ang lumikha sa mga mandirigma,
    na gumagamit sa mga sandata upang pumatay.
17 Ngunit mula ngayon, wala nang sandatang gagamitin laban sa iyo,
    at masasagot mo ang anumang ibibintang sa iyo.
Ang mga lingkod ko'y aking ipagtatanggol,
    at sila'y bibigyan ng pagtatagumpay.”
Ito ang sinabi ni Yahweh.

Mga Gawa 17:22-34

22 Tumayo si Pablo sa harap ng kapulungan ng Areopago at nagsalita, “Mga taga-Atenas, napapansin kong kayo'y lubos na napaka-relihiyoso sa maraming bagay. 23 Sapagkat(A) sa paglalakad ko sa lungsod at pagmamasid sa inyong mga sinasamba, nakakita ako ng isang dambana na may nakasulat, ‘Sa Diyos na hindi kilala.’ Ang Diyos na inyong sinasamba kahit hindi ninyo nakikilala ang siya kong ipinapahayag sa inyo. 24 Ang(B) Diyos na gumawa ng sanlibutan at lahat ng naririto ay ang Panginoon ng langit at ng lupa, at hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi(C) rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao, sapagkat siya mismo ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Mula(D) sa isang tao'y nilikha niya ang lahat ng lahi sa buong mundo. Itinakda niya sa simula't simula pa ang kani-kanilang panahon at hangganan. 27 Ginawa(E) niya iyon upang hanapin nila ang Diyos; baka sakaling sa kanilang paghahanap, siya ay matagpuan nila. Ang totoo, hindi naman siya talagang malayo sa bawat isa sa atin; 28 sapagkat,

‘Nakasalalay sa kanya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao.’

Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata,

‘Tayo nga'y mga anak niya.’

29 Sapagkat tayo'y mga anak ng Diyos, huwag nating akalain na ang kanyang pagka-Diyos ay mailalarawan ng ginto, pilak, o bato na pawang likha ng isip at gawa ng kamay ng tao. 30 Sa mga nagdaang panahon ay pinalampas ng Diyos ang di pagkakilala sa kanya ng mga tao, ngunit ngayon ay iniuutos niya sa lahat ng tao sa bawat lugar na magsisi't talikuran ang kanilang masamang pamumuhay. 31 Sapagkat itinakda na niya ang araw ng paghuhukom sa sanlibutan, at ito'y buong katarungan niyang gagawin sa pamamagitan ng isang tao na kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang muli niyang binuhay ang taong iyon.”

32 Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, tinuya siya ng ilan. Sinabi naman ng iba, “Nais naming mapakinggan kang muli tungkol dito.” 33 At iniwan ni Pablo ang mga tao. 34 May ilang sumama sa kanya at sumampalataya sa Diyos. Kabilang dito sina Dionisio na kaanib ng kapulungan ng Areopago, isang babaing nagngangalang Damaris, at mga iba pa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.