Old/New Testament
Si Ezechias sa kaniyang pagkabahala ay ipinasundo si Isaias.
37 (A)At nangyari, nang marinig ng haring Ezechias ay hinapak niya ang kaniyang mga suot, at nagbalot ng kayong magaspang, at pumasok sa bahay ng Panginoon.
2 At kaniyang sinugo si Eliacim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang mga matanda sa mga saserdote, na may balot na kayong magaspang, kay Isaias na propeta na anak ni Amoz
3 At sinabi nila sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ezechias, (B)Ang araw na ito ay kaarawan ng kabagabagan, at ng pagsaway, at ng paghamak: sapagka't (C)ang mga anak ay dumating sa kapanganakan, at walang kalakasang ipanganak.
4 Marahil ay pakikinggan ng Panginoon mong Dios ang mga salita ni Rabsaces, na siyang sinugo ng kaniyang panginoon na hari sa Asiria upang tungayawin ang buháy na Dios, at sansalain ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Dios: kaya't ilakas mo ang iyong dalangin dahil sa (D)nalabi na naiwan.
5 Sa gayo'y ang mga lingkod ng haring Ezechias ay naparoon kay Isaias.
6 At sinabi ni Isaias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ipinanungayaw sa akin ng mga lingkod ng hari sa Asiria.
7 Narito, ako'y maglalagay ng espiritu sa kaniya, at (E)siya'y makakarinig ng kaingay, at babalik sa kaniyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kaniyang sariling lupain.
Ang sulat ni Sennacherib kay Ezechias.
8 Sa gayo'y bumalik si Rabsaces, at nasumpungan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagka't nabalitaan niya na kaniyang nilisan ang Lachis.
9 (F)At kaniyang narinig na sinabi tungkol kay (G)Tirhakah na hari sa Etiopia, Siya'y lumabas upang makipaglaban sa iyo. At nang kaniyang marinig, siya'y nagsugo ng mga sugo kay Ezechias, na sinasabi,
10 Ganito ang inyong sasalitain kay Ezechias na hari sa Juda, na sasabihin, Huwag kang padaya sa iyong Dios na iyong tinitiwalaan, na sabihin, Ang Jerusalem ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria.
11 Narito nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, na yao'y sinira ng lubos: at maliligtas ka baga?
12 Iniligtas baga sila ng mga dios ng mga bansa, na siyang nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, ng Haran; at ng Rezeph, at ng mga anak ni Eden, na nangasa Thelasar?
13 Saan nandoon ang hari sa (H)Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari ng bayan ng Sepharvaim, ng Henah, at ng Hivah?
Ang panalangin ni Ezechias.
14 At tinanggap ni Ezechias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa: at umahon si Ezechias sa bahay ng Panginoon, at binuklat sa harap ng Panginoon.
15 At si Ezechias ay dumalangin sa Panginoon, na kaniyang sinabi,
16 Oh Panginoon ng mga hukbo, na Dios ng Israel, na (I)nakaupo sa mga kerubin, ikaw ang Dios, ikaw lamang, sa lahat ng kaharian sa lupa; ikaw ang gumawa ng langit at lupa.
17 (J)Ikiling mo ang (K)iyong pakinig, Oh Panginoon, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, Oh Panginoon, at tumingin ka; at pakinggan mo ang lahat na salita ni Sennacherib, na kaniyang ipinasabi upang ipanungayaw sa buháy na Dios.
18 Sa katotohanan, Panginoon, ang lahat na bansa ay sinira ng mga hari sa Asiria at ang kanikanilang lupain.
19 At inihagis ang kanikanilang mga dios sa apoy: sapagka't sila'y hindi mga dios, kundi mga gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato; kaya't kanilang sinira.
20 Ngayon nga, Oh Panginoon naming Dios, iligtas mo kami sa kaniyang kamay, (L)upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa, na ikaw ang Panginoon, ikaw lamang.
Ipinahatid ni Isaias ang pangaliw na sagot ng Panginoon.
21 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria.
22 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya: Hinamak ka ng (M)anak na dalaga ng Sion, at tinawanan kang mainam; iginalaw ng anak na babae ng Jerusalem ang kaniyang ulo sa iyo.
23 Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? laban nga sa Banal ng Israel.
24 Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay iyong pinulaan ang Panginoon, at nagsabi ka, Sa karamihan ng aking mga karo ay nakaahon ako sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking puputulin ang mga matayog na cedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako'y papasok sa pinakataluktok na kataasan, ng gubat ng kaniyang mabuting bukid.
25 Ako'y humukay at uminom ng tubig, at aking tutuyuin ng talampakan ng aking mga paa ang lahat ng mga ilog ng Egipto.
26 Hindi mo baga nabalitaan kung paanong aking ginawa na malaon na, at aking pinanukala ng una? ngayo'y aking pinapangyari, upang iyong sirain ang mga bayang nakukutaan na magiging mga guhong bunton.
27 Kaya't ang kanilang mga mananahan ay may munting kapangyarihan, sila'y nanganglupaypay at nangatulig; sila'y parang damo sa bukid, at sariwang gugulayin, (N)parang damo sa mga bubungan, at parang bukid ng trigo bago tumaas.
28 Nguni't talastas ko ang iyong pagupo, at ang iyong paglabas, at ang iyong pagpasok, at ang iyong galit laban sa akin.
29 Dahil sa iyong galit laban sa akin, at dahil sa iyong kapalaluan ay nanuot sa aking mga pakinig, kaya't ilalagay ko ang (O)aking taga ng bingwit sa iyong ilong, at ang aking paningkaw sa iyong mga labi, at pababalikin kita sa daan na iyong pinanggalingan.
30 At ito ang magiging tanda sa iyo: kayo'y magsisikain sa taong ito ng tumutubo sa kaniyang sarili, at sa ikalawang taon ay ng tumubo doon; at (P)sa ikatlong taon ay kayo'y mangaghasik, at magsiani, at mangagtanim ng mga ubasan, at kumain ng bunga niyaon.
31 (Q)At ang nalabi na nakatanan sa sangbahayan ni Juda ay maguugat uli sa ilalim, at magbubunga sa itaas.
32 Sapagka't sa Jerusalem ay lalabas ang (R)nalabi, at mula sa bundok ng Sion ay silang magtatanan. Isasagawa ito (S)ng sikap ng Panginoon ng mga hukbo.
33 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari sa Asiria, (T)Siya'y hindi paririto sa bayang ito o magpapahilagpos man ng pana diyan, o haharap man siya diyan na may kalasag, (U)o mahahagis ang bunton laban diyan.
34 Sa daan na kaniyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya paririto sa bayang ito, sabi ng Panginoon.
35 (V)Sapagka't aking ipagsasanggalang ang bayang ito upang iligtas, dahil sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.
Si Sennacherib ay nawalan ng loob at pinatay.
36 At ang anghel ng Panginoon ay (W)lumabas, at nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria nang isang daan at walongpu't limang libo: at nang ang mga tao ay magsibangong maaga sa kinaumagahan, narito, ang lahat ay mga katawang bangkay.
37 Sa gayo'y umalis si Sennacherib na hari sa Asiria, (X)at yumaon at umuwi, at tumahan sa Ninive,
38 At nangyari, nang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroch na kaniyang dios, na sinugatan siya ng tabak ni Adremelech at ni Sarezer na kaniyang mga anak at sila'y nagtanan sa lupain ng Ararat. At si Esarhadon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
Pagkakasakit at pasalamat ni Ezechias.
38 Nang mga araw na yaon (Y)ay may sakit na ikamamatay si Ezechias. At si Isaias na propeta na anak ni Amoz ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong sangbahayan; sapagka't ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay.
2 Nang magkagayo'y ipinihit ni Ezechias ang kaniyang mukha sa panig, at nanalangin sa Panginoon,
3 At nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo; (Z)Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak ng di kawasa.
4 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Isaias, na nagsasabi,
5 Ikaw ay yumaon, at sabihin mo kay Ezechias, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ni David na iyong magulang, Aking dininig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking idaragdag sa iyong mga kaarawan ang labing limang taon.
6 At aking ililigtas ikaw at ang bayang ito sa kamay ng hari sa Asiria: at aking ipagsasanggalang ang bayang (AA)ito.
7 At ito ang magiging pinaka tanda sa iyo na mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na ito na kaniyang sinalita,
8 (AB)Narito, aking ipauurong ang anino sa mga baytang, ng sangpung baytang, na aninong pinababa sa mga baytang ni Ahaz sa pamamagitan ng araw, Sa gayo'y umurong ang araw ng sangpung baytang sa mga baytang na binabaan.
9 Ang sulat ni Ezechias na hari sa Juda, nang siya'y magkasakit, at gumaling sa kaniyang sakit.
10 Aking sinabi, Sa katanghalian ng aking mga kaarawan ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol:
Ako'y nabawahan sa nalalabi ng aking mga taon.
11 Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon, ang Panginoon (AC)sa lupain ng buháy:
Hindi ko na makikita pa ang tao, na kasama ng mga nananahan sa sanglibutan.
12 (AD)Ang tirahan ko'y inaalis, at dinadala na (AE)gaya ng tolda ng pastor:
Aking pinupulon ang aking buhay, na gaya ng pagpupulon ng manghahabi; kaniyang ihihiwalay ako sa habihan:
Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
13 Ako'y tumigil hanggang sa kinaumagahan; katulad ng leon, gayon niya binabali ang lahat kong mga buto:
Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
14 Gaya ng langaylangayan o ng tagak, humihibik ako;
(AF)Ako'y tumangis na parang kalapati: (AG)ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala;
Oh Panginoon, ako'y napipighati, ikaw nawa'y maging tangulan sa akin.
15 Anong aking sasabihin? siya'y nagsalita sa akin, at kaniya namang ginawa:
Ako'y yayaong marahan lahat kong taon, (AH)dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.
16 Oh Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao;
At buong nasa ilalim niyan ang buhay ng aking diwa:
Kaya't pagalingin mo ako, at ako'y iyong buhayin.
17 Narito, sa aking ikapapayapa ay nagtamo ako ng malaking paghihirap:
Nguni't ikaw, sa pagibig mo sa aking kaluluwa ay iyong iniligtas sa hukay ng kabulukan;
Sapagka't iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan sa iyong likuran.
18 (AI)Sapagka't hindi ka maaring purihin ng Sheol, hindi ka maaring ipagdiwang ng kamatayan!
(AJ)Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makaaasa sa iyong katotohanan.
19 Ang buháy, ang buháy, siya'y pupuri sa iyo, gaya ng ginagawa ko sa araw na ito:
(AK)Ang ama sa mga anak ay magpapatalastas ng iyong katotohanan.
20 Ang Panginoon ay handa upang iligtas ako:
Kaya't aming aawitin ang aming mga awit sa mga panugtog na kawad,
Lahat ng kaarawan ng aming buhay sa bahay ng Panginoon.
21 (AL)Sinabi nga ni Isaias, Magsikuha sila ng isang binilong igos, at ilagay na pinakatapal sa bukol, at siya'y gagaling.
22 Sinabi rin ni (AM)Ezechias, Ano ang tanda na ako'y sasampa sa bahay ng Panginoon?
3 Kung kayo nga'y (A)muling binuhay na kalakip ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nangasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Dios.
2 Ilagak ninyo ang inyong pagiisip sa mga bagay na nangasa itaas, huwag sa mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa.
3 Sapagka't (B)kayo'y nangamatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Dios.
4 Pagka si Cristo na (C)ating buhay ay mahayag, (D)ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya (E)sa kaluwalhatian.
5 (F)Patayin nga ninyo ang (G)inyong mga sangkap ng katawang nangasa ibabaw ng lupa, (H)pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang nasa, at kasakiman, (I)na iya'y pagsamba sa mga diosdiosan;
6 Na dahil sa mga bagay na iyan ay dumarating (J)ang kagalitan ng Dios sa (K)mga anak ng pagsuway:
7 Na inyo ring nilakaran nang una, nang kayo'y nangabubuhay pa sa mga bagay na ito;
8 Datapuwa't ngayon ay (L)inyo namang layuan ang lahat ng mga ito: (M)galit, kapootan, paghihinala, panunungayaw, (N)mga salitang kahalay-halay na mula sa inyong bibig:
9 Huwag kayong mangagbubulaan sa isa't isa; (O)yamang hinubad na ninyo (P)ang datihang pagkatao pati ng kaniyang mga gawa,
10 At kayo'y nangagbihis ng bagong pagkatao, na nagbabago sa kaalaman ayon (Q)sa larawan niyaong lumalang sa kaniya:
11 Doo'y hindi maaaring magkaroon ng (R)Griego at ng Judio, ng (S)pagtutuli at ng di pagtutuli, ng barbaro, ng Scita, ng alipin, ng laya; kundi si (T)Cristo ang lahat, at sa lahat.
12 Mangagbihis nga kayo (U)gaya ng mga hinirang ng Dios, na mga banal at minamahal, (V)ng isang pusong mahabagin, ng (W)kagandahangloob, ng kababaan, ng kaamuan, ng pagpapahinuhod:
13 Mangagtiisan kayo sa isa't isa, at (X)mangagpatawaran kayo sa isa't isa, kung ang sinoman ay may sumbong laban sa kanino man; na kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayon din naman ang inyong gawin:
14 At sa ibabaw ng lahat ng mga bagay na ito ay (Y)mangagbihis kayo ng pagibig na siyang tali ng kasakdalan.
15 At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, (Z)na diya'y tinawag din naman kayo (AA)sa isang katawan; at kayo'y maging mapagpasalamat.
16 Manahanan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo; ayon sa buong karunungan, kayo'y mangagturuan at mangagpaalalahanan sa isa't isa (AB)sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na magsiawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Dios.
17 At anomang inyong ginagawa, (AC)sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Dios sa pamamagitan niya.
18 Mga babae, (AD)pasakop kayo sa inyo-inyong asawa, gaya ng nararapat sa Panginoon.
19 Mga lalake, (AE)ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, at huwag kayong maging mapait sa kanila.
20 Mga anak, (AF)magsitalima kayo sa inyong magulang sa lahat ng mga bagay, sapagka't ito'y totoong nakalulugod sa Panginoon.
21 Mga ama, (AG)huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, upang huwag manghina ang loob nila.
22 (AH)Mga alipin, magsitalima kayo sa lahat ng mga bagay sa mga yaong ayon sa laman ay inyong mga panginoon: hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao, kundi sa katapatan ng puso, na mangatakot sa Panginoon:
23 Anomang inyong ginagawa, (AI)ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao;
24 Yamang inyong nalalaman na sa Panginoon ay (AJ)tatanggapin ninyo ang ganting (AK)mana; sapagka't naglilingkod kayo sa Panginoong Jesucristo.
25 Sapagka't ang gumagawa ng masama ay tatanggap ng ayon sa masama na kaniyang ginawa; (AL)at walang itinatanging mga tao.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978