Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 21-25

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

21 Ang hari ay nagagalak, O Panginoon, sa iyong kalakasan,
    at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan!
Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob,
    at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah)
Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala,
    pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya.
Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay,
    haba ng mga araw magpakailanman.
Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian,
    ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan.
Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman;
    iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa Panginoon,
    at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag.
Matatagpuan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway;
    ang mga napopoot sa iyo'y masusumpungan ng iyong kanang kamay.
Gagawin mo silang gaya ng mainit na pugon
    kapag ikaw ay lumitaw.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kanyang kagalitan;
    at sa apoy sila'y malulusaw.
10 Pupuksain mo ang kanilang bunga mula sa mundo,
    at ang kanilang binhi ay mula sa mga anak ng mga tao.
11 Kapag laban sa iyo sila'y magbalak ng kasamaan,
    kapag sila'y nagpakana ng masama, hindi sila magtatagumpay.
12 Sapagkat iyong patatalikurin sila,
    iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana.

13 Mataas ka, O Panginoon, sa iyong kalakasan!
    Aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Usa ng Pagbubukang-liwayway. Awit ni David.

22 Diyos(A) ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
    Bakit napakalayo mo sa pagtulong sa akin, sa mga salita ng aking karaingan?
O Diyos ko, sumisigaw ako kapag araw, ngunit hindi ka sumasagot man lamang,
    at kapag gabi, hindi ako makatagpo ng kapahingahan.

Gayunman ikaw ay banal,
    nakaluklok sa mga papuri ng Israel.
Sa iyo ang aming mga magulang ay nagtiwala,
    sila'y nagtiwala, at iyong iniligtas sila.
Sa iyo sila'y dumaing at naligtas;
    sila'y nagtiwala sa iyo, at hindi nabigo.

Ngunit ako'y uod at hindi tao,
    kinukutya ng mga tao, at hinahamak ng bayan.
Silang(B) lahat na nakakita sa akin ay tinatawanan ako;
    nginungusuan nila ako, iiling-iling ang kanilang mga ulo,
“Ipinagkatiwala(C) niya ang kanyang usapin sa Panginoon; hayaang kanyang iligtas siya,
    hayaang kanyang sagipin siya, sapagkat kanyang kinaluluguran siya!”

Ngunit ikaw ang kumuha sa akin mula sa bahay-bata;
    iningatan mo ako nang ako'y nasa dibdib ng aking ina.
10 Sa iyo ako'y inilagak mula sa aking pagluwal,
    at mula nang ako'y ipagbuntis ng aking ina ang Diyos ko'y ikaw.
11 Sa akin ay huwag kang lumayo,
    sapagkat malapit ang gulo,
    at walang sinumang sasaklolo.

12 Pinaliligiran ako ng maraming toro,
    ng malalakas na toro ng Basan ay pinalilibutan ako.
13 Sa akin ang kanilang bibig ay binuksan nila nang maluwang,
    gaya ng sumasakmal at leong umuungal.

14 Ako'y ibinubuhos na parang tubig,
    at lahat ng aking mga buto ay nakakalas sa pagkakabit;
ang aking puso ay parang pagkit,
    ito ay natutunaw sa loob ng aking dibdib.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang basag na banga,
    at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala;
    sa alabok ng kamatayan ako'y iyong inihihiga.

16 Oo, ang mga aso ay nakapaligid sa akin;
    pinaligiran ako ng isang pangkat ng mga gumagawa ng masama;
binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Lahat ng aking mga buto ay aking mabibilang,
sa akin sila'y nakatingin at ako'y tinititigan.
18 Kanilang(D) pinaghatian ang aking mga kasuotan,
    at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.

19 Ngunit ikaw, O Panginoon, huwag kang lumayo!
    O ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan ako!
20 Mula sa tabak, kaluluwa ko'y iligtas mo,
    ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng aso!
21 Mula sa bibig ng leon ako'y iyong iligtas,
    sagutin mo ako mula sa mga sungay ng torong mailap!

22 Sa(E) aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan,
    pupurihin kita sa gitna ng kapulungan:
23 Kayong natatakot sa Panginoon, magpuri kayo sa kanya!
    Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya,
    at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel.
24 Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man
    ang kadalamhatian ng nagdadalamhati;
at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya;
kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya.

25 Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan;
    tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang.
26 Ang dukha ay kakain at masisiyahan,
    yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa Panginoon!
    Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.

27 Maaalala ng lahat ng mga dulo ng lupa,
    at sa Panginoon ay manunumbalik sila;
at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa
    ay sa harapan mo magsisamba.
28 Sapagkat sa Panginoon ang kaharian,
    at siya ang namumuno sa mga bansa.
29 Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba;
    sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok,
    at siya na hindi mapapanatiling buháy ang kanyang kaluluwa.
30 Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi,
    ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi.
31 Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang,
    na dito ay siya ang may kagagawan.

Awit ni David.

23 Ang Panginoon ay aking pastol; hindi ako magkukulang;
    pinahihiga(F) niya ako sa luntiang pastulan,
inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan.
    Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa.
Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran
    alang-alang sa kanyang pangalan.

Bagaman ako'y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan,
    wala akong katatakutang kasamaan;
sapagkat ikaw ay kasama ko,
    ang iyong pamalo at ang iyong tungkod,
    inaaliw ako ng mga ito.

Ipinaghahanda mo ako ng hapag
    sa harapan ng aking mga kaaway;
iyong binuhusan ng langis ang aking ulo,
    umaapaw ang aking saro.
Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin
    sa lahat ng mga araw ng aking buhay;
at ako'y maninirahan sa bahay ng Panginoon
    magpakailanman.[a]

Awit ni David.

24 Ang(G) lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng narito;
    ang sanlibutan, at silang naninirahan dito;
sapagkat itinatag niya ito sa ibabaw ng mga dagat,
    at itinayo sa ibabaw ng mga ilog.

Sinong aakyat sa bundok ng Panginoon?
    At sinong tatayo sa kanyang dakong banal?
Siyang(H) may malilinis na kamay at may pusong dalisay,
    na hindi nagtataas ng kanyang kaluluwa sa hindi totoo,
    at hindi sumusumpa na may panlilinlang.
Mula sa Panginoon, pagpapala'y kanyang kakamtan,
    at pagwawalang-sala mula sa Diyos ng kanyang kaligtasan.
Gayon ang salinlahi ng mga nagsisihanap sa kanya,
    na nagsisihanap ng mukha ng Diyos ni Jacob. (Selah)

Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
    at kayo'y mátaas, kayong matatandang pintuan!
    upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
Sino ang Hari ng kaluwalhatian?
    Ang Panginoon, malakas at makapangyarihan,
    ang Panginoon, makapangyarihan sa pakikipaglaban.
Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
    at itaas kayo, kayong matatandang pintuan!
    upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian?
    Ang Panginoon ng mga hukbo,
    siya ang Hari ng kaluwalhatian! (Selah)

Awit ni David.

25 Sa iyo, Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.
O Diyos ko, sa iyo ako nagtitiwala,
    huwag nawa akong mapahiya;
    ang aking mga kaaway, sa akin ay huwag nawang magkatuwa.
Oo, huwag nawang mapahiya ang lahat ng sa iyo'y naghihintay,
    mapahiya nawa ang mga gumagawa ng kataksilan nang walang dahilan.

Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Panginoon;
    ituro mo sa akin ang iyong mga landas.
Akayin mo ako sa iyong katotohanan, ako'y iyong turuan,
    sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
    sa iyo'y naghihintay ako nang buong araw.

Alalahanin mo, O Panginoon, ang iyong kahabagan, at ang iyong tapat na pag-ibig,
    sapagkat ang mga iyon ay mula pa nang unang kapanahunan.
Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsuway;
    ayon sa iyong wagas na pag-ibig ay alalahanin mo ako,
    O Panginoon, alang-alang sa iyong kabutihan!

Ang Panginoon ay mabuti at makatarungan,
    kaya't tinuturuan niya ang mga makasalanan tungkol sa daan.
Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba tungkol sa katuwiran,
    at itinuturo sa mapagpakumbaba ang kanyang daan.
10 Lahat ng landas ng Panginoon ay wagas na pag-ibig at katapatan,
    para sa mga nag-iingat ng kanyang mga patotoo at kanyang tipan.

11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon,
    ipagpatawad mo ang aking kasalanan, sapagkat ito ay malaking tunay.
12 Sino ang taong natatakot sa Panginoon?
    Siya ang tuturuan niya sa daan na dapat niyang piliin.

13 Siya mismo ay mananahan sa kasaganaan,
    at aangkinin ng kanyang mga anak ang lupain.
14 Ang pakikipagkaibigan ng Panginoon ay para sa mga natatakot sa kanya,
    at ang kanyang tipan ay ipinaaalam niya sa kanila.
15 Palaging nasa Panginoon ang aking mga mata,
    sapagkat mula sa lambat ay hihilahin niya ang aking mga paa.

16 Manumbalik ka sa akin, at ako'y kahabagan,
    sapagkat ako'y nalulungkot at nahihirapan.
17 Kabagabagan ng aking puso ay iyong pawiin,
    at sa aking kapanglawan ako ay hanguin.
18 Isaalang-alang mo ang aking kapighatian at kaguluhan,
    at patawarin mo ang lahat kong mga kasalanan.

19 Isaalang-alang mo kung gaano karami ang aking mga kaaway,
    at kung anong marahas na poot, ako'y kanilang kinamumuhian.
20 O bantayan mo ang aking buhay, at iligtas mo ako;
    huwag nawa akong ipahiya, sapagkat nanganganlong ako sa iyo.
21 Nawa'y maingatan ako ng katapatan at katuwiran,
    sapagkat sa iyo ako'y naghihintay.

22 Tubusin mo ang Israel, O Diyos,
    mula sa lahat ng kanyang kabalisahan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001