Beginning
UNANG AKLAT
Dalawang Uri ng Pamumuhay
1 Mapalad ang taong
hindi lumalakad sa payo ng masama,
ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan,
ni umuupo man sa upuan ng mga manunuya;
2 kundi nasa kautusan ng Panginoon ang kanyang kagalakan,
at nagbubulay-bulay araw at gabi sa kanyang kautusan.
3 Siya ay(A) gaya ng isang punungkahoy
na itinanim sa tabi ng agos ng tubig,
na nagbubunga sa kanyang kapanahunan,
ang kanyang dahon nama'y hindi nalalanta,
sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya.
4 Ang masama ay hindi gayon;
kundi parang ipang itinataboy ng hangin.
5 Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa hukuman,
ni sa kapulungan ng matuwid ang makasalanan;
6 sapagkat ang lakad ng matuwid ang Panginoon ang nakakaalam,
ngunit mapapahamak ang lakad ng makasalanan.
Ang Haring Pinili ng Panginoon
2 Bakit(B) nagsasabwatan ang mga bansa,
at sa walang kabuluhan ang mga bayan ay nagpaplano?
2 Inihanda ng mga hari sa lupa ang kanilang sarili,
at ang mga pinuno ay nagsisangguni,
laban sa Panginoon at sa kanyang binuhusan ng langis, na nagsasabi,
3 “Ang kanilang panggapos ay ating lagutin,
at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin.”
4 Siya na nakaupo sa kalangitan ay tumatawa;
at ang Panginoon ay kumukutya sa kanila.
5 Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kanyang poot,
at tatakutin sila sa kanyang matinding galit, na nagsasabi,
6 “Gayunma'y inilagay ko ang aking hari sa Zion, sa aking banal na burol.”
7 Aking(C) sasabihin ang tungkol sa utos ng Panginoon:
Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking anak,
sa araw na ito kita ay ipinanganak.
8 Humingi ka sa akin at ang mga bansa ay gagawin kong mana mo,
at ang mga dulo ng lupa ay magiging iyo.
9 Sila'y(D) iyong babaliin ng pamalong bakal,
at dudurugin mo sila gaya ng banga.”
10 Kaya't ngayon, O mga hari, kayo'y magpakapantas;
O mga pinuno ng lupa, kayo'y magsihanda.
11 Kayo'y maglingkod sa Panginoon na may takot,
at magalak na may panginginig,
12 ang anak ay inyong hagkan,
baka magalit siya at kayo'y mapahamak sa daan;
sapagkat ang kanyang poot ay madaling mag-alab.
Mapapalad ang lahat na nanganganlong sa kanya.
Awit(E) ni David nang Takasan Niya si Absalom
3 Panginoon, ang mga kaaway ko ay dumarami!
Ang tumitindig laban sa akin ay marami;
2 marami ang nagsasabi tungkol sa aking kaluluwa,
walang tulong mula sa Diyos para sa kanya. (Selah)
3 Ngunit ikaw, O Panginoon ay isang kalasag sa palibot ko,
aking kaluwalhatian, at siyang tagapagtaas ng aking ulo.
4 Ako'y dumadaing nang malakas sa Panginoon,
at sinasagot niya ako mula sa kanyang banal na burol. (Selah)
5 Ako'y nahiga at natulog;
ako'y muling gumising sapagkat inaalalayan ako ng Panginoon.
6 Sa sampung libu-libong tao ako'y hindi natatakot,
na naghanda ng kanilang mga sarili laban sa akin sa palibot.
7 Bumangon ka, O Panginoon!
Iligtas mo ako, O aking Diyos!
Sapagkat iyong sinampal sa pisngi ang lahat ng aking mga kaaway,
iyong binasag ang mga ngipin ng masama.
8 Ang pagliligtas ay sa Panginoon;
sumaiyong bayan nawa ang iyong pagpapala. (Selah)
Panalangin ng Saklolo
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas. Awit ni David.
4 Sagutin mo ako kapag tumatawag ako,
O Diyos na tagapagtanggol ko!
Binigyan mo ako ng silid nang ako'y nasa kagipitan.
Maawa ka sa akin, at dalangin ko'y iyong pakinggan.
2 O tao, hanggang kailan magdaranas ng kahihiyan ang aking karangalan?
Gaano katagal mo iibigin ang mga salitang walang kabuluhan, at hahanapin ang kabulaanan? (Selah)
3 Ngunit alamin ninyo na ibinukod ng Panginoon para sa kanyang sarili ang banal;
ang Panginoon ay nakikinig kapag sa kanya ako'y nagdarasal.
4 Magalit(F) ka, subalit huwag kang magkakasala;
magbulay-bulay ka ng iyong puso sa iyong higaan, at tumahimik ka. (Selah)
5 Maghandog kayo ng matuwid na mga alay,
at ang inyong pagtitiwala sa Panginoon ilagay.
6 Marami ang nagsasabi, “Sana'y makakita kami ng ilang kabutihan!
O Panginoon, ang liwanag ng iyong mukha sa amin ay isilay!”
7 Ikaw ay naglagay ng kagalakan sa aking puso,
kaysa nang ang kanilang butil at alak ay sagana.
8 Payapa akong hihiga at gayundin ay matutulog;
sapagkat ikaw lamang, O Panginoon, ang gumagawa upang mamuhay ako sa katiwasayan.
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.
5 Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
pakinggan mo ang aking panaghoy.
2 Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
hari ko at Diyos ko;
sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
3 O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.
4 Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
5 Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
6 Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
7 Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
8 Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
dahil sa aking mga kaaway;
tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.
9 Sapagkat(G) walang katotohanan sa kanilang bibig;
ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.
11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.
6 O(H) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
2 Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
3 Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?
4 Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
5 Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?
6 Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
7 Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.
8 Lumayo(I) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
9 Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.
Sigaion ni David na kanyang inawit sa Panginoon tungkol kay Cus na Benjaminita.
7 O Panginoon kong Diyos, nanganganlong ako sa iyo,
iligtas mo ako sa lahat ng humahabol sa akin, at iligtas mo ako,
2 baka gaya ng leon ay lurayin nila ako,
na kinakaladkad akong papalayo, at walang sumaklolo.
3 O Panginoon kong Diyos, kung ginawa ko ito,
kung may pagkakamali sa mga kamay ko,
4 kung ako'y gumanti ng kasamaan sa aking kaibigan
o nilooban ang aking kaaway na walang dahilan,
5 hayaang habulin ako ng aking kaaway at abutan ako,
at tapakan niya sa lupa ang buhay ko,
at ilagay sa alabok ang kaluwalhatian ko. (Selah)
6 Ikaw ay bumangon, O Panginoon, sa iyong galit,
itaas mo ang iyong sarili laban sa poot ng aking mga kagalit,
at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagtakda ng pagsusulit.
7 Hayaang ang kapulungan ng mga tao ay pumaligid sa iyo;
at bumalik ka sa itaas sa ibabaw nito.
8 Ang Panginoon ay humahatol sa mga bayan;
hatulan mo ako, O Panginoon, ayon sa aking katuwiran,
at ayon sa taglay kong katapatan.
9 O(J) nawa'y magwakas na ang kasamaan ng masama,
ngunit itatag mo ang matuwid;
sapagkat sinusubok ng matuwid na Diyos
ang mga puso at mga pag-iisip.[a]
10 Ang Diyos ay aking kalasag,
na nagliligtas ng pusong tapat.
11 Ang Diyos ay hukom na matuwid,
at isang Diyos na araw-araw ay may galit.
12 Kung hindi magsisi ang tao, ihahasa ng Diyos ang tabak nito;
kanyang inihanda at iniumang ang kanyang palaso;
13 nakakamatay na mga sandata ang kanyang inihanda,
kanyang pinapagniningas ang kanyang mga pana.
14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan;
at siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.
15 Siya'y gumawa ng hukay at pinalalim pang kusa,
at nahulog sa butas na siya ang may gawa.
16 Bumabalik sa sarili niyang ulo ang gawa niyang masama,
at ang kanyang karahasan sa sarili niyang bumbunan ay bumababa.
17 Ibibigay ko sa Panginoon ang pasasalamat na nararapat sa kanyang katuwiran,
at ako'y aawit ng papuri sa pangalan ng Panginoon, ang Kataas-taasan.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith. Awit ni David.
8 O Panginoon, aming Panginoon,
sa buong lupa ay napakadakila ng iyong pangalan!
Sa itaas ng mga langit ay inaawit ang iyong kaluwalhatian
2 mula(K) sa bibig ng mga sanggol at mga musmos,
ikaw ay nagtatag ng tanggulan dahil sa mga kalaban mo,
upang patahimikin ang kaaway at ang maghihiganti sa iyo.
3 Kapag pinagmamasdan ko ang iyong kalangitan, ang gawa ng iyong mga daliri,
ang buwan at ang mga bituin na iyong inilagay;
4 ano(L) ang tao upang siya'y iyong alalahanin,
at ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?
5 Gayunma'y ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos,
at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.
6 Binigyan(M) mo siya ng kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay;
sa ilalim ng kanyang mga paa ay inilagay mo ang lahat ng mga bagay,
7 lahat ng tupa at baka,
gayundin ang mga hayop sa parang,
8 ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat,
anumang nagdaraan sa mga daanan ng dagat.
9 O Panginoon, aming Panginoon,
sa buong lupa ay napakadakila ang iyong pangalan!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001