Beginning
35 At si Elihu ay sumagot at sinabi,
2 “Iniisip mo bang ito'y makatuwiran?
Sinasabi mo bang, ‘Sa harapan ng Diyos ito'y aking karapatan,’
3 na iyong tinatanong, ‘Ano bang iyong kalamangan?
Paanong mas mabuti ako kung ako'y nakagawa ng kasalanan?’
4 Sasagutin kita
at ang iyong mga kaibigang kasama mo.
5 Tumingala ka sa langit at tingnan mo;
at masdan mo ang mga ulap, na mas mataas kaysa iyo.
6 Kung(A) ikaw ay nagkasala, anong iyong nagawa laban sa kanya?
At kung ang iyong mga pagsuway ay dumarami, anong iyong ginagawa sa kanya?
7 Kung ikaw ay matuwid, anong sa kanya'y iyong ibinibigay;
o ano bang tinatanggap niya mula sa iyong kamay?
8 Ang iyong kasamaan ay nakakapinsala sa ibang gaya mo;
at ang iyong katuwiran, ay sa ibang mga tao.
9 “Dahil sa dami ng mga kaapihan, ang mga tao'y sumisigaw;
sila'y humihingi ng saklolo dahil sa kamay ng makapangyarihan.
10 Ngunit walang nagsasabing, ‘Nasaan ang Diyos na sa akin ay lumalang,
na siyang nagbibigay ng awit sa kinagabihan,
11 na siyang nagtuturo sa atin ng higit kaysa mga hayop sa daigdig,
at ginagawa tayong mas matalino kaysa mga ibon sa himpapawid?’
12 Tumatawag sila roon, ngunit siya'y hindi sumasagot,
dahil sa kapalaluan ng mga taong buktot.
13 Tunay na hindi pinapakinggan ng Diyos ang walang kabuluhang karaingan,
ni pinapahalagahan man ito ng Makapangyarihan sa lahat.
14 Lalo pa nga kung iyong sinasabing hindi mo siya nakikita,
na ang usapin ay nasa harap niya, at iyong hinihintay siya!
15 At ngayon, sapagkat ang galit niya'y hindi nagpaparusa,
at ang kasamaan ay hindi niya sinusunod,
16 ibinubuka ni Job ang kanyang bibig sa walang kabuluhan,
siya'y nagpaparami ng mga salita na walang kaalaman.”
Ipinahayag ni Elihu ang Kadakilaan ng Diyos
36 Si Elihu ay nagpatuloy, at nagsabi,
2 “Pagtiisan mo ako nang kaunti at sa iyo'y aking ipapakita,
sapagkat alang-alang sa Diyos ako'y mayroong masasabi pa.
3 Dadalhin ko mula sa malayo ang aking kaalaman,
at bibigyan ko ng katuwiran ang sa akin ay Maylalang.
4 Sapagkat tunay na hindi kasinungalingan ang mga salita ko;
siyang sakdal sa kaalaman ay kasama mo.
5 “Tunay na ang Diyos ay makapangyarihan at hindi humahamak sa kanino man;
sa lakas ng unawa, siya'y makapangyarihan.
6 Ang masama ay hindi niya pinananatiling buháy,
ngunit sa napipighati ay ibinibigay niya ang kanilang karapatan.
7 Hindi niya inaalis ang kanyang mga mata sa matuwid;
kundi kasama ng mga hari sa trono,
kanyang itinatatag sila magpakailanman, at sila'y pinararangalan.
8 At kung sila'y matanikalaan,
at masilo ng mga tali ng kapighatian;
9 inilalahad nga niya sa kanila ang kanilang gawa
at ang kanilang mga pagsuway, na sila'y nag-uugaling may kayabangan.
10 Binubuksan niya ang kanilang pandinig sa aral,
at iniuutos na sila'y bumalik mula sa kasamaan.
11 Kung sila'y makinig at maglingkod sa kanya,
gugugulin nila ang kanilang mga araw sa kasaganaan,
at ang kanilang mga taon sa kasayahan.
12 Ngunit kung hindi sila makinig, sila'y mamamatay sa tabak,
at sila'y walang kaalamang mapapahamak.
13 “Ang masasama ang puso, galit ay kinukuyom,
kapag kanyang tinatalian sila, hindi sila humihingi ng tulong.
14 Sila'y namamatay sa kabataan,
at ang buhay nila'y natatapos sa piling ng mahalay na lalaki.
15 Inililigtas niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan,
at binubuksan ang kanilang mga pandinig sa kasawian.
16 Inakit ka rin niya mula sa kabalisahan,
patungo sa maluwag na dako na walang pilitan;
at ang nakahain sa iyong hapag ay punô ng katabaan.
17 “Ngunit ikaw ay puspos ng paghatol sa masamang tao;
kahatulan at katarungan ang humahawak sa iyo.
18 Mag-ingat ka baka ikaw ay akitin ng poot upang mangutya,
huwag hayaang sa kalakhan ng pantubos ikaw ay mawala.
19 Mananaig ba ang iyong sigaw upang malayo ka sa kaguluhan,
o ang lahat ng puwersa ng iyong kalakasan?
20 Ang gabi ay huwag mong pakaasahan,
kung kailan ang mga bayan ay inaalis sa kanilang kinalalagyan.
21 Mag-ingat ka, huwag kang bumaling sa kasamaan;
sapagkat ito ang iyong pinili sa halip na kahirapan.
22 Tingnan mo, ang Diyos ay itinataas sa kapangyarihan niya;
sinong tagapagturo ang gaya niya?
23 Sinong nag-utos sa kanya ng kanyang daan?
O sinong makapagsasabi, ‘Ikaw ay gumawa ng kamalian?’
24 “Alalahanin mong dakilain ang kanyang gawa,
na inawit ng mga tao.
25 Napagmasdan iyon ng lahat ng mga tao;
natatanaw ito ng tao mula sa malayo.
26 Narito, ang Diyos ay dakila, at hindi natin siya kilala,
hindi masukat ang bilang ng mga taon niya.
27 Sapagkat ang mga patak ng tubig ay kanyang pinapailanglang,
kanyang dinadalisay ang kanyang ambon sa ulan,
28 na ibinubuhos ng kalangitan,
at ipinapatak ng sagana sa sangkatauhan.
29 May makakaunawa ba ng pagkalat ng mga ulap,
ng mga pagkulog sa kanyang tolda?
30 Narito, ang kanyang kidlat sa palibot niya'y kanyang ikinakalat,
at tinatakpan niya ang mga ugat ng dagat.
31 Sapagkat sa pamamagitan ng mga ito'y hinahatulan niya ang mga bayan;
saganang pagkain ay kanyang ibinibigay.
32 Tinatakpan niya ng kidlat ang kanyang mga kamay;
at inuutusan ito na ang tanda'y patamaan.
33 Ang pagsiklab niyon tungkol sa kanya'y nagsasaysay,
na naninibughong may galit laban sa kasamaan.
37 “Dahil din dito'y nanginginig ang aking puso,
at lumulundag sa kinalalagyan nito.
2 Dinggin ninyo ang tunog ng kanyang tinig,
at ang sigaw na lumalabas sa kanyang bibig.
3 Kanyang ipinapadala mula sa silong ng buong langit,
at ang kanyang kidlat sa mga sulok ng daigdig.
4 Kasunod nito'y dumadagundong ang kanyang tinig,
siya'y kumukulog sa pamamagitan ng kanyang marilag na tinig,
hindi niya pinipigil ang pagkulog kapag naririnig ang kanyang tinig.
5 Ang Diyos ay kumukulog na kagila-gilalas sa pamamagitan ng kanyang tinig;
gumagawa siya ng mga dakilang bagay, na hindi natin mauunawaan.
6 Sapagkat sinasabi niya sa niyebe, ‘Sa lupa ikaw ay bumagsak,’
at sa ambon at sa ulan, ‘Kayo ay lumakas.’
7 Ang kamay ng bawat tao ay tinatatakan niya,
upang malaman ng lahat ng mga tao ang kanyang gawa.
8 Kung gayo'y papasok ang mga hayop sa kanilang tirahan,
at namamalagi sa kanilang mga kublihan.
9 Mula sa silid nito ang ipu-ipo'y nanggagaling,
at ang ginaw mula sa nangangalat na mga hangin.
10 Sa pamamagitan ng hininga ng Diyos ay ibinibigay ang yelo;
at ang malawak na tubig ay mabilis na mamumuo.
11 Kanyang nilalagyan ng halumigmig ang makapal na ulap,
pinangangalat ng mga ulap ang kanyang kidlat.
12 Sila'y umiikot sa pamamagitan ng kanyang patnubay,
upang ang lahat na iutos niya sa kanila ay kanilang magampanan,
sa ibabaw ng natatahanang sanlibutan.
13 Maging sa saway, o para sa kanyang lupa,
o dahil sa pag-ibig iyon ay pinangyayari niya.
14 “Dinggin mo ito, O Job;
tumigil ka, at bulayin mo ang kahanga-hangang mga gawa ng Diyos.
15 Alam mo ba kung paano sila inuutusan ng Diyos,
at pinasisikat ang kidlat ng kanyang ulap?
16 Alam mo ba ang mga pagtitimbang sa mga ulap,
ang mga kahanga-hangang gawa niya na sa kaalaman ay ganap?
17 Ikaw na mainit ang kasuotan
kapag tahimik ang lupa dahil sa hangin mula sa timog?
18 Mailalatag mo ba, na gaya niya, ang himpapawid,
na sintigas ng isang hinulmang salamin?
19 Ituro mo sa amin kung anong sa kanya'y aming sasabihin,
dahil sa dilim ay hindi namin maayos ang aming usapin.
20 Sasabihin ba sa kanya na nais kong magsalita?
Ninasa ba ng isang tao na malunok siya?
21 “At ngayo'y hindi makatingin ang mga tao sa liwanag,
kapag maliwanag ang kalangitan,
kapag ang hangin ay nakaraan, at ang mga iyon ay pinaram.
22 Mula sa hilaga ay nagmumula ang ginintuang karilagan,
ang Diyos ay nadaramtan ng kakilakilabot na kadakilaan.
23 Ang Makapangyarihan sa lahat—hindi natin siya matatagpuan;
siya'y dakila sa kapangyarihan at katarungan,
at hindi niya susuwayin ang saganang katuwiran.
24 Kaya't kinatatakutan siya ng mga tao;
hindi niya pinapahalagahan ang sinumang pantas sa sarili nilang kayabangan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001