Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Job 24-28

Idinaing ni Job ang Ginagawa ng Masama

24 “Bakit hindi tinutupad ng Makapangyarihan sa lahat ang mga kapanahunan?
    At bakit hindi nakikita ng mga nakakakilala sa kanya ang kanyang mga araw?
Inaalis ng mga tao ang mga palatandaang bato,
    hinuhuli nila ang mga kawan, at ipinapastol ang mga ito.
Kanilang itinataboy ang asno ng ulila,
    kinukuha nila ang baka ng babaing balo bilang sangla.
Kanilang itinataboy sa lansangan ang dukha;
    nagkukubling magkakasama ang mga maralita sa lupa.
Gaya ng mababangis na asno sa ilang
    sila'y humahayo patungo sa kanilang gawain,
na naghahanap sa ilang ng mabibiktima
    bilang pagkain para sa mga anak nila.
Sila'y nagsisiani sa bukid na hindi kanila;
    at sila'y namumulot sa ubasan ng masama.
Sila'y hubad na nakahiga buong magdamag na walang kasuotan,
    at sila'y walang saplot laban sa ginaw.
Sila'y basa ng ulan sa mga kabundukan,
    at yumayakap sa bato sa paghahanap ng makakanlungan.

(May mga umaagaw ng ulila mula pa sa suso ng ina,
    at kinukuhang sangla ang sanggol ng dukha.)
10 Sila'y humahayong hubad, walang damit,
    bagaman gutom, dinadala nila ang mga bigkis;
11 mula sa mga hanay ng olibo, sila'y gumagawa ng langis,
    sila'y nagpipisa sa pisaan ng ubas, subalit sa uhaw sila'y nagtitiis.
12 Mula sa lunsod ay dumadaing ang naghihingalo,
    at ang kaluluwa ng sugatan ay humihingi ng saklolo,
    gayunma'y hindi pinapansin ng Diyos ang kanilang pagsamo.

13 “May mga naghihimagsik laban sa liwanag;
    na hindi nakakaalam ng mga daan niyon,
    at hindi nananatili sa mga landas niyon.
14 Ang mamamatay-tao ay bumabangon sa bukang-liwayway
    upang mapatay niya ang dukha at nangangailangan;
    at sa gabi naman ay gaya siya ng magnanakaw.
15 Ang mata ng mangangalunya ay naghihintay rin ng takipsilim,
    na nagsasabing, ‘Walang matang makakakita sa akin;’
    at siya'y nagbabalatkayo ng kanyang mukha.
16 Sa dilim ay naghuhukay sila sa mga bahay;
    sila'y nagkukulong sa sarili kapag araw;
    ang liwanag ay hindi nila nalalaman.
17 Sapagkat ang pusikit na kadiliman ay umaga para sa kanilang lahat,
    sapagkat sila'y kaibigan ng pusikit na kadilimang nakakasindak.

18 “Inyong sinasabi, ‘Sa ibabaw ng tubig sila'y matuling dinadala,
    ang kanilang bahagi ay sinumpa sa lupa;
    walang mamimisa na babalik sa mga ubasan nila.
19 Inaagaw ng tagtuyot at init ang tubig ng niyebe,
    gayundin ang ginagawa ng Sheol sa mga nagkasala.
20 Kalilimutan sila ng sinapupunan,
    para sa bulati'y matamis silang matatagpuan,
hindi na maaalala ang kanilang pangalan,
    kaya't babaliing parang punungkahoy ang kasamaan.’
21 “Ginagawan ng masama ang hindi nanganganak na babae,
    at ang babaing balo ay hindi ginagawan ng mabuti.
22 Ngunit pinahahaba ng Diyos[a] ang buhay ng malakas sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan;
    sila'y bumabangon ngunit walang katiyakan sa buhay.
23 Pinagkakalooban niya sila ng katiwasayan, at sila'y inaalalayan;
    at ang kanyang mga mata ay nasa kanilang mga daanan.
24 Sila'y itinaas nang ilang sandali, at pagkatapos ay wala na.
    At sila'y nalalanta at kumukupas na gaya ng lahat ng mga iba,
    sila'y pinuputol na gaya ng mga uhay.
25 Kung hindi gayon, sinong magpapatunay na ako'y bulaan,
    at magpapakita na ang sinasabi ko'y walang kabuluhan?”

Walang Matuwid sa Paningin ng Diyos

25 Nang magkagayo'y ang Suhitang si Bildad ay sumagot, at sinabi,

“Sa Diyos[b] ang pamamahala at pagkatakot,
    gumagawa siya ng kapayapaan sa kanyang langit na matayog.
Ang kanya bang mga hukbo ay may bilang?
    Ang kanyang liwanag ay kanino hindi sumisilang?
Paano ngang magiging ganap ang tao sa harapan ng Diyos?
    O paanong magiging malinis ang ipinanganak ng isang babae?
Tingnan mo, maging ang buwan ay hindi maningning,
    at hindi dalisay ang mga bituin sa kanyang paningin;
gaano pa nga kaliit ang tao, na isang uod!
    At ang anak ng tao, na isang bulati!”

Walang Matuwid sa Paningin ng Diyos

26 At sumagot si Job, at sinabi,

“Napakalaki ng tulong mo sa kanya na walang kapangyarihan!
    Iniligtas mo ang kamay na walang kalakasan!
Napakabuti ng payo mo sa kanya na walang karunungan,
    at saganang ipinahayag mo ang mabuting kaalaman!
Sa kaninong tulong na ang mga salita'y iyong binigkas?
    At kaninong espiritu ang sa iyo'y lumabas?
Ang mga lilim ay nangangatal,
    at ang nasa ilalim ng tubig, pati ang mga doon ay naninirahan.
Hubad sa harapan ng Diyos ang Sheol,
    walang saplot ang Abadon.
Iniuunat niya ang hilaga sa ibabaw ng walang laman,
    at ibinibitin ang daigdig sa kawalan.
Ibinabalot niya ang tubig sa kanyang makapal na ulap,
    at ang ulap ay hindi nito napupunit.
Kanyang tinatakpan ang mukha ng kabilugan ng buwan,
    at inilaladlad ang kanyang mga ulap sa ibabaw niyon.
10 Siya'y gumuhit ng bilog sa ibabaw ng katubigan,
    sa hangganan ng liwanag at kadiliman.
11 Ang mga haligi ng langit ay nayayanig,
    at natitigilan sa kanyang saway.
12 Pinatahimik niya ang dagat sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
    at sa kanyang kaunawaan ay kanyang ibinuwal ang Rahab.
13 Sa pamamagitan ng kanyang espiritu[c] gumanda ang kalangitan;
    ang tumatakas na ahas ay sinaksak ng kanyang kamay.
14 Narito, ang mga ito ay mga gilid lamang ng kanyang mga daan;
    at napakahinang bulong lamang ang sa kanya'y ating napapakinggan!
    Ngunit sinong makakaunawa sa kulog ng kanyang kapangyarihan?”

Ipinaliwanag ni Job ang Bahagi ng Masama

27 At muling itinuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:

“Habang buháy ang Diyos, na siyang nag-alis ng aking karapatan,
    at ang Makapangyarihan sa lahat, na siyang sa kaluluwa ko'y nagpapanglaw;
habang nasa akin pa ang aking hininga,
    at ang espiritu ng Diyos ay nasa mga butas ng aking ilong;
ang aking mga labi ay hindi magsasalita ng kabulaanan,
    at ang aking dila ay di magsasabi ng kadayaan.
Malayo nawa sa akin na sabihing kayo'y tama;
    hanggang sa ako'y mamatay, hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan.
Ang pagiging matuwid ko ay aking pinanghahawakan at hindi ko bibitiwan,
    hindi ako sinisisi ng aking puso sa alinman sa aking mga araw.

“Maging gaya nawa ng masama ang aking kaaway,
    at ang nag-aalsa laban sa akin ay maging gaya nawa ng makasalanan.
Sapagkat ano ang pag-asa ng masasama, kapag siya'y itiniwalag ng Diyos,
    kapag kinuha ng Diyos ang kanyang buhay?
Diringgin ba ng Diyos ang kanyang pagdaing,
    kapag ang kabagabagan sa kanya ay dumating?
10 Sa Makapangyarihan sa lahat siya kaya'y masisiyahan?
    Tatawag kaya siya sa Diyos sa lahat ng kapanahunan?
11 Ang tungkol sa kamay ng Diyos sa inyo'y aking ituturo;
    kung anong nasa Makapangyarihan sa lahat ay hindi ko itatago.
12 Ito'y mismong nasaksihan ninyong lahat,
    bakit nga kayo ay lubos na nawalan ng kabuluhan?
13 “Ito ang bahagi ng masamang tao sa Diyos,
    at ang manang tinatanggap ng mga nang-aapi mula sa Makapangyarihan sa lahat.
14 Kung dumami ang kanyang mga anak, iyon ay para sa tabak,
    at ang kanyang supling ay hindi magkakaroon ng sapat na pagkain.
15 Ang kanyang mga naiwan ay ililibing ng salot,
    at ang kanyang mga balo ay hindi nananaghoy.
16 Bagaman siya'y magbunton ng pilak na parang alabok,
    at magparami ng damit na parang luwad;
17 mapaparami niya iyon, ngunit ang matuwid ang magsusuot niyon,
    at paghahatian ng walang sala ang pilak na natipon.
18 Gaya ng sapot ng gagamba ang itinatayo niyang bahay,
    gaya ng isang kubol na ginagawa ng isang bantay.
19 Siya'y nahihigang mayaman, ngunit hindi na niya iyon magagawa,
    imumulat niya ang kanyang mga mata, ngunit ang kanyang kayamanan ay nawala.
20 Inaabutan siya ng pagkasindak na gaya ng baha,
    sa gabi'y ipu-ipo ang tumatangay sa kanya.
21 Tinatangay siya ng hanging silangan, at siya'y nawawala,
    pinapalis siya sa kinaroroonan niya.
22 Ito'y humahampas sa kanya nang walang kaawaan;
    at pinagsikapan niyang tumakas mula sa kanyang kapangyarihan.
23 Ipinapalakpak nito ang kanyang mga kamay sa kanya,
    at sinisigawan siya mula sa kinaroroonan nito.

Papuri sa Karunungan

28 “Tunay na para sa pilak ay may minahan,
    at sa ginto ay may dakong dalisayan.
Ang bakal ay kinukuha sa lupa,
    at sa tinunaw na mahalagang bato, ang tanso ay nagmumula.
Ang tao'y naglalagay ng wakas sa kadiliman,
    at hinahanap hanggang sa pinakamalayong hangganan
    ang mga bato sa kalungkutan at pusikit na kadiliman.
Sila'y nagbubukas ng lagusan sa libis na malayo sa tinatahanan ng mga tao;
    sila'y nalimutan ng mga manlalakbay,
    sila'y nakabitin na malayo sa mga tao, sila'y umuugoy na paroo't parito.
Tungkol sa lupa, ang tinapay ay dito nanggagaling,
    ngunit waring tinutuklap ng apoy sa ilalim.
Ang mga bato nito'y kinaroroonan ng mga zafiro,
    at ito ay may alabok na ginto.

“Yaong landas na walang ibong mandaragit na nakakaalam,
    at hindi pa nakita maging ng mata ng falkon man.
Ang mga palalong hayop dito'y di pa nakakatuntong
    ni nadaanan man ng mabangis na leon.

“Inilalagay ng tao ang kanyang kamay sa batong kiskisan,
    at binabaligtad sa mga ugat ang mga kabundukan.
10 Sa gitna ng mga bato'y gumagawa siya ng daluyan,
    at nakikita ng kanyang mata ang bawat mahalagang bagay.
11 Kanyang tinatalian ang mga batis upang huwag lumagaslas,
    at ang bagay na nakakubli, sa liwanag ay kanyang inilalabas.

12 “Ngunit saan matatagpuan ang karunungan?
    At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
13 Hindi nalalaman ng tao ang daan patungo roon,[d]
    at hindi nasusumpungan sa lupain ng mga buháy.
14 Sinasabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin,’
    at sinasabi ng dagat, ‘Hindi ko kapiling.’
15 Hindi ito mabibili ng ginto,
    ni matitimbangan man ng pilak bilang halaga nito.
16 Hindi mahahalagahan ng ginto ng Ofir,
    ng mahalagang onix, o ng zafiro.
17 Ginto at salamin dito ay hindi maipapantay,
    ni maipagpapalit man sa mga hiyas na gintong dalisay.
18 Hindi babanggitin ang tungkol sa coral o sa cristal;
    higit kaysa mga perlas ang halaga ng karunungan.
19 Ang topacio ng Etiopia doon ay hindi maipapantay,
    ni mahahalagahan man sa gintong lantay.

20 “Saan nanggagaling kung gayon, ang karunungan?
    At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
21 Nakakubli ito sa mga mata ng lahat ng nabubuhay,
    at natatago sa mga ibon sa kalangitan.

22 Ang Abadon at Kamatayan ay nagsasabi,
    ‘Narinig ng aming mga tainga ang bulung-bulungan tungkol doon!’

23 “Nauunawaan ng Diyos ang daan patungo roon,
    at nalalaman niya ang kinaroroonan niyon.
24 Sapagkat tumitingin siya hanggang sa mga dulo ng daigdig,
    at nakikita niya ang lahat ng bagay sa silong ng langit.
25 Nang ibinigay niya sa hangin ang kanyang bigat,
    at ipinamahagi ang tubig ayon sa sukat,
26 nang siya'y gumawa ng utos para sa ulan,
    at para sa kidlat ng kulog ay ang kanyang daan;
27 nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag;
    ito'y kanyang itinatag, at siniyasat.
28 At(A) sa tao ay sinabi niya,
‘Narito, ang takot sa Panginoon ay siyang karunungan;
    at ang paghiwalay sa kasamaan ay kaunawaan.’”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001