Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Job 8-10

Ang Unang Pagsasalita ni Bildad

Pagkatapos ay sumagot si Bildad na Suhita, at sinabi,

“Hanggang kailan mo sasabihin ang mga bagay na ito,
    at ang mga salita ng iyong bibig na gaya ng malakas na hangin?
Binabaluktot ba ng Diyos ang katarungan?
    O nililiko ba ng Makapangyarihan sa lahat ang matuwid?
Kung ang iyong mga anak ay nagkasala laban sa kanya,
    sa kapangyarihan ng kanilang pagsalangsang ay kanyang ibinigay sila.
Kung hahanapin mo ang Diyos,
    at dadaing ka sa Makapangyarihan sa lahat;
kung ikaw ay dalisay at matuwid;
    tiyak na gigising siya dahil sa iyo,
    at ibabalik ka sa iyong matuwid na tirahan.
At bagaman maliit ang iyong pasimula,
    ang iyong huling wakas ay magiging napakadakila.

“Sapagkat magsiyasat ka sa mga nagdaang panahon, hinihiling ko sa iyo,
    at isaalang-alang mo ang natuklasan ng mga ninuno;
sapagkat tayo'y sa kahapon lamang, at walang nalalaman,
    sapagkat ang ating mga araw sa lupa ay isang anino.
10 Hindi ka ba nila tuturuan, at sasabihin sa iyo,
    at bibigkas ng mga salita mula sa kanilang pang-unawa?
11 “Lalago ba ang yantok kung walang latian?
    Tutubo ba ang tambo kung walang tubig?
12 Habang namumukadkad pa at hindi pa pinuputol,
    una silang nalalanta kaysa alinmang halaman.
13 Gayon ang mga landas ng lahat ng lumilimot sa Diyos;
    ang pag-asa ng masamang tao ay maglalaho.
14 Ang kanyang pagtitiwala ay masisira,
    at sapot ng gagamba ang kanyang tiwala.
15 Siya'y sasandal sa kanyang bahay, ngunit ito'y hindi tatayo;
    siya'y hahawak dito, ngunit hindi ito magtatagal.
16 Siya'y nananariwa sa harap ng araw,
    at ang kanyang mga suwi ay sumisibol sa kanyang halamanan.
17 Ang kanyang mga ugat ay kumapit sa palibot ng bunton,
    kanyang minamasdan ang dako ng mga bato.
18 Kung siya'y nawasak sa kanyang kinalalagyan,
    kung magkagayo'y ikakaila siya nito, na sinasabi: ‘Hindi kita kailanman nakita.’
19 Tingnan mo, ito ang kagalakan ng landas niya;
    at mula sa lupa ay sisibol ang iba.

20 “Tingnan mo, hindi itatakuwil ng Diyos ang taong walang kapintasan,
    ni aalalayan man ang kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.
21 Kanya namang pupunuin ng pagtawa ang iyong bibig,
    at ang iyong mga labi ng pagsigaw.
22 Silang napopoot sa iyo ay mabibihisan ng kahihiyan,
    at ang tolda ng masama ay mapaparam.”

Ang Ikatlong Pagsasalita ni Job

Pagkatapos ay sumagot si Job, at sinabi,

“Sa(A) katotohanan ay alam kong gayon nga:
    Ngunit paano magiging matuwid ang isang tao sa harapan ng Diyos?
Kung naisin ng isang tao na sa kanya ay makipagtalo,
    siya'y hindi makakasagot sa kanya ni minsan sa isang libo.
Siya ay pantas sa puso, at malakas sa kapangyarihan:
Sinong nagmatigas laban sa kanya at nagtagumpay?
Na siyang naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nababatid,
    nang kanyang itaob sila sa kanyang pagkagalit;
na siyang umuuga ng lupa mula sa kanyang kinaroroonan,
    at ang mga haligi nito ay nanginginig;
na siyang nag-uutos sa araw at ito'y hindi sumisikat,
    na siyang nagtatakip sa mga bituin;
na nag-iisang nagladlad ng kalangitan,
    at ang mga alon ng dagat ay tinapakan;
na(B) siyang gumawa sa Oso at Orion,
    at sa Pleyades, at sa mga silid ng timog;
10 na gumagawa ng mga dakilang bagay na di maunawaan,
    at mga kamanghamanghang bagay na di mabilang.
11 Siya'y dumaraan sa tabi ko, at hindi ko siya nakikita.
    Siya'y nagpapatuloy ngunit hindi ko siya namamalayan.
12 Siya'y nang-aagaw, sinong makakahadlang sa kanya?
    Sinong magsasabi sa kanya, ‘Anong ginagawa mo?’

13 “Hindi iuurong ng Diyos ang kanyang galit;
    ang mga katulong ng Rahab[a] ay nakayukod sa ilalim niya.
14 Paano ko ngang masasagot siya,
    at mapipili ang aking mga salita laban sa kanya?
15 Bagaman ako'y walang sala, hindi ako makakasagot sa kanya;
    kailangang ako'y magmakaawa sa aking hukom.
16 Kung siya'y ipatawag ko at siya'y sumagot sa akin;
    gayunma'y hindi ako maniniwala na kanyang dininig ang aking tinig.
17 Sapagkat ako'y dinudurog niya sa pamamagitan ng isang bagyo,
    at pinararami ang aking mga sugat nang walang kadahilanan.
18 Hindi niya ako tutulutang makahinga,
    sa halip ay pinupuno niya ako ng kapaitan.
19 Kung ito'y tagisan ng lakas, siya ang malakas!
    At kung tungkol sa katarungan, sino ang magpapatawag sa kanya?
20 Bagaman ako'y walang sala, hahatulan ako ng sarili kong bibig;
    bagaman ako'y walang dungis, patutunayan niya akong masama.
21 Ako'y walang dungis, hindi ko pinapansin ang sarili ko,
    kinasusuklaman ko ang buhay ko.
22 Ang lahat ay iisa; kaya't aking sinasabi,
    kapwa niya pinupuksa ang masama at ang mabuti.
23 Kapag ang sakuna ay nagdadala ng biglang kamatayan,
    tinutuya niya ang kapahamakang dumating sa walang kasalanan.
24 Ang lupa ay ibinigay sa kamay ng masama,
    kanyang tinatakpan ang mga mukha ng mga hukom nito;
    kung hindi siya iyon, kung gayo'y sino?

25 “Ang mga araw ko ay mas matulin kaysa isang mananakbo,
    sila'y tumatakbong palayo, wala silang nakikitang mabuti.
26 Sila'y dumaraang parang matutuling bangkang tambo,
    parang agilang dumadagit sa biktima.
27 Kung aking sabihin, ‘Kalilimutan ko ang aking daing,
    papawiin ko ang aking malungkot na mukha, at magpapakasaya ako.’
28 Ako'y natatakot sa lahat kong paghihirap,
    sapagkat alam kong hindi mo ako ituturing na walang sala.
29 Ako'y mahahatulan;
    bakit pa ako magpapakapagod nang walang kabuluhan?
30 Kung ako'y maligo sa niyebe,
    at hugasan ko ang aking mga kamay sa lihiya,
31 gayunma'y itutulak mo ako sa hukay,
    at kamumuhian ako ng mga sarili kong kasuotan.
32 Sapagkat siya'y hindi tao, na gaya ko, na masasagot ko siya,
    na kami'y magkasamang haharap sa paglilitis.
33 Walang hukom sa pagitan namin,
    na magpapatong ng kanyang kamay sa aming dalawa.
34 Ilayo nawa niya sa akin ang kanyang tungkod,
    at huwag nawa akong sindakin ng kanyang bagsik.
35 Saka ako magsasalita nang walang takot tungkol sa kanya,
    sapagkat hindi ako gayon sa aking sarili.

Siya ay Tumututol sa Kalabisang Parusa ng Panginoon

10 “Kinasusuklaman ko ang aking buhay;
    malaya kong bibigkasin ang aking karaingan;
    ako'y magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa.
Sasabihin ko sa Diyos, Huwag mo akong hatulan;
    ipaalam mo sa akin kung bakit mo ako kinakalaban.
Mabuti ba sa iyo na ikaw ay magpahirap,
    na iyong hamakin ang gawa ng iyong mga kamay
    at iyong sang-ayunan ang mga pakana ng masama?
Ikaw ba'y may mga matang laman?
    Ikaw ba'y nakakakita tulad ng pagkakita ng tao?
Ang iyo bang mga araw ay gaya ng mga araw ng tao,
    o ang iyong mga taon ay gaya ng mga taon ng tao,
upang ikaw ay maghanap ng kasamaan ko,
    at mag-usisa ng kasalanan ko,
bagaman iyong nalalaman na ako'y hindi nagkasala,
    at walang makapagliligtas mula sa iyong kamay?
Ang iyong mga kamay ang humugis at gumawa sa akin,
    at ngayo'y pumipihit ka at pinupuksa ako.
Iyong alalahanin, na ako'y ginawa mo mula sa luwad,
    at ibabalik mo ba akong muli sa alabok?
10 Hindi mo ba ako ibinuhos na parang gatas,
    at binuo mo akong parang keso?
11 Ako'y dinamitan mo ng balat at laman,
    at ako'y hinabi mo ng mga buto at mga litid.
12 Ako'y pinagkalooban mo ng buhay at tapat na pag-ibig,
    at ang iyong kalinga ang nag-ingat ng aking espiritu.
13 Gayunma'y ang mga bagay na ito ay iyong ikinubli sa iyong puso;
    alam ko na ito ang layunin mo.
14 Kung ako'y magkasala, ako nga'y iyong tinatandaan,
    at hindi mo ako pinawawalang-sala sa aking kasamaan.
15 Kung ako'y masama, kahabag-habag ako!
    Kung ako'y matuwid, hindi ko maitaas ang aking ulo;
sapagkat ako'y puspos ng kahihiyan,
    at tingnan mo ang aking kahirapan.
16 At kung itaas ko ang aking sarili, tinutugis mo akong parang leon;
    at ipinapakita mong muli ang iyong kapangyarihan sa akin.
17 Pinanunumbalik mo ang iyong mga pagsaksi laban sa akin,
    at dinaragdagan mo ang iyong galit sa akin;
    nagdadala ka ng mga bagong hukbo laban sa akin.

18 “Bakit mo pa ako inilabas sa sinapupunan?
    Namatay na sana ako bago pa ako nakita ng alinmang mata.
19 Ako sana'y naging parang hindi nabuhay;
    nadala sana ako mula sa sinapupunan hanggang sa libingan.
20 Hindi ba iilan ang mga araw ng aking buhay? Tapusin mo na nga!
    Bayaan mo na ako, upang ako'y makatagpo ng kaunting kaginhawahan,
21 bago ako magtungo na mula roo'y hindi ako makakabalik,
    sa lupain ng kapanglawan at ng pusikit na kadiliman,
22 sa lupain ng kapanglawan gaya ng kadiliman ng malalim na anino na walang kaayusan,
    na doon ay nagliliwanag na gaya ng kadiliman.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001