Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 70-73

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, para sa handog pang-alaala.

70 Malugod ka, O Diyos, na iligtas ako;
    O Panginoon, magmadali kang ako'y tulungan mo!
Mapahiya at malito nawa sila
    na tumutugis sa aking buhay!
Maitaboy nawa sila at mawalan ng karangalan,
    silang nagnanais na ako'y masaktan!
Pangilabutan nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan,
    silang nagsasabi, “Aha, Aha!”

Lahat nawang nagsisihanap sa iyo
    ay magalak at matuwa sa iyo!
Yaon nawang umiibig sa iyong pagliligtas
    ay patuloy na magsabi, “Hayaang dakilain ang Diyos!”
Ngunit ako'y dukha at nangangailangan,
    magmadali ka sa akin, O Diyos!
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
    O Panginoon, huwag kang magtagal!

71 Sa iyo, O Panginoon, nanganganlong ako;
    huwag nawa akong mapahiya kailanman!
Iligtas at sagipin mo ako sa katuwiran mo,
    ikiling mo ang iyong pandinig sa akin, at iligtas mo ako!
Ikaw sa akin ay maging bato ng tahanan
    na lagi kong paroroonan;
sapagkat ikaw ay aking muog at malaking bato.

Sa kamay ng masama, O aking Diyos, sagipin mo ako,
    mula sa sunggab ng di-matuwid at malupit na tao.
Sapagkat ikaw ang aking pag-asa, O Panginoong Diyos,
    ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
Sa iyo ako sumandal mula sa kapanganakan ko,
    ikaw ang kumuha sa akin mula sa tiyan ng aking ina.
Ang pagpupuri ko'y magiging laging sa iyo.

Sa marami ako'y naging kagila-gilalas;
    ngunit ikaw ang matibay kong kanlungan.
Ang bibig ko'y punô ng pagpupuri sa iyo,
    at ng iyong kaluwalhatian buong araw.
Huwag mo akong itakuwil sa panahon ng katandaan;
    huwag mo akong pabayaan kapag nauubos na ang aking kalakasan.
10 Sapagkat nagsasalita laban sa akin ang aking mga kaaway,
    silang nagbabantay sa aking buhay ay nagsasanggunian,
11 at nagsasabi, “Pinabayaan na siya ng Diyos:
    habulin at hulihin siya;
    sapagkat walang magliligtas sa kanya.”

12 O Diyos, huwag kang maging malayo sa akin;
    O Diyos ko, magmadali kang tulungan ako!
13 Ang mga kaaway ng aking kaluluwa nawa'y mapahiya at malipol;
    matabunan nawa ng paghamak at kahihiyan
    ang mga nagnanais na ako'y masaktan.
14 Ngunit ako'y laging aasa,
    at pupurihin kita nang higit at higit pa.
15 Ang bibig ko'y magsasabi ng iyong katuwiran,
    ng iyong mga kaligtasan buong araw;
    sapagkat ang kanilang bilang ay di abot ng aking kaalaman.
16 Ako'y darating na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Diyos,
    aking pupurihin ang iyong katuwiran, ang iyo lamang.

17 O Diyos, iyong tinuruan ako mula sa aking pagkabata;
    at ipinahahayag ko pa ang iyong kagila-gilalas na mga gawa.
18 Kaya't maging sa pagtanda at pagkakaroon ng mga uban,
    O Diyos, huwag mo akong pabayaan;
hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan
    sa lahat ng darating na salinlahi.
Ang iyong kapangyarihan sa bawat isa na darating,
19 at ang iyong katuwiran, O Diyos,
    ay umabot sa mataas na kalangitan.

Ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay,
    O Diyos, sino ang gaya mo?
20 Ikaw na nagpakita sa akin ng maraming matitinding kabagabagan,
    ang sa akin ay muling bubuhay;
mula sa mga kalaliman ng lupa,
ay muli mo akong ibabangon.
21 Kadakilaan ko nama'y iyong paramihin,
    at muli akong aliwin.

22 Pupurihin din kita sa pamamagitan ng salterio,
    dahil sa iyong katapatan, O Diyos ko;
sa iyo'y aawit ako ng mga papuri sa pamamagitan ng alpa,
    O Banal ng Israel.
23 Sisigaw sa kagalakan ang mga labi ko,
    kapag ako'y umaawit ng mga papuri sa iyo;
    gayundin ang kaluluwa ko na iniligtas mo.
24 At ang dila ko ay magsasalita ng iyong katuwiran sa buong maghapon,
sapagkat sila'y napahiya at napahamak,
    sila na nagnanais na ako'y saktan.

Awit ni Solomon.

72 Ibigay mo, O Diyos, sa hari ang iyong mga katarungan,
    at sa anak ng hari, ang iyong katuwiran.
Nawa'y hatulan niya na may katuwiran ang iyong bayan,
    at ang iyong dukha ng may katarungan!
Ang mga bundok nawa'y magtaglay ng kasaganaan para sa bayan,
    at ang mga burol, sa katuwiran!
Kanya nawang ipagtanggol ang dukha ng bayan,
    magbigay ng kaligtasan sa mga nangangailangan,
    at ang mapang-api ay kanyang durugin!

Sila nawa'y matakot sa iyo habang ang araw ay nananatili,
    at kasintagal ng buwan, sa buong panahon ng mga salinlahi!
Siya nawa'y maging gaya ng ulan na bumabagsak sa damong tinabas,
    gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
Sa kanyang mga araw nawa'y lumaganap ang matuwid,
    at ang kapayapaan ay sumagana, hanggang sa mawala ang buwan.

Magkaroon(A) nawa siya ng kapangyarihan mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat,
    at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa!
Ang mga naninirahan sa ilang nawa sa kanya ay magsiyukod,
    at himuran ng kanyang mga kaaway ang alabok!
10 Ang mga hari nawa ng Tarsis at ng mga pulo
    ay magdala sa kanya ng mga kaloob;
ang mga hari nawa sa Sheba at Seba
    ay magdala ng mga kaloob!
11 Lahat nawa ng mga hari ay magsiyukod sa harap niya,
    lahat ng mga bansa ay maglingkod sa kanya!

12 Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito'y nananawagan,
    ang dukha at ang taong walang kadamay.
13 Siya'y maaawa sa mahina at nangangailangan,
    at ililigtas ang buhay ng mga nangangailangan.
14 Sa panggigipit at karahasan, buhay nila'y kanyang tutubusin;
    at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kanyang paningin.

15 Mabuhay nawa siya nang matagal,
    at ang ginto ng Sheba sa kanya nawa'y ibigay!
Ipanalangin nawa siyang palagian,
    at hingin ang mga pagpapala para sa kanya sa buong araw!
16 Magkaroon nawa ng saganang trigo sa lupa;
    sa mga tuktok ng mga bundok ito nawa'y umalon;
    ang bunga nawa niyon ay wawagayway gaya ng Lebanon;
at silang mga nasa lunsod nawa ay sumagana,
    gaya ng damo sa lupa.
17 Ang kanyang pangalan nawa ay manatili kailanman;
    ang kanyang pangalan nawa ay maging bantog hanggang ang araw ay sumikat!
Ang mga tao nawa ay pagpalain sa pamamagitan niya,
    at tawagin siyang mapalad ng lahat ng mga bansa.
18 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    na siya lamang ang gumagawa ng mga bagay na kahanga-hanga.
19 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan magpakailanman;
    mapuno nawa ang buong lupa ng kanyang kaluwalhatian.
Amen at Amen.

20 Ang mga panalangin ni David, na anak ni Jesse ay dito natapos.

IKATLONG AKLAT

Awit ni Asaf.

73 Tunay na ang Diyos ay mabuti sa Israel,
    sa mga taong ang puso'y malilinis.
Ngunit tungkol sa akin, ang mga paa ko'y halos natisod,
    ang mga hakbang ko'y muntik nang nadulas.
Sapagkat ako'y nainggit sa palalo;
    aking nakita ang kaginhawahan ng masama.

Sapagkat walang mga hapdi ang kanilang kamatayan,
    at ang kanilang katawan ay matataba.
Sila'y wala sa kaguluhan na gaya ng ibang mga tao;
    hindi sila nagdurusa na gaya ng ibang mga tao.
Kaya't ang kanilang kuwintas ay kapalaluan,
    ang karahasan ay tumatakip sa kanila bilang bihisan.
Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan,
    ang kanilang mga puso ay umaapaw sa kahangalan.
Sila'y nanlilibak at nagsasalita na may kasamaan,
    sila'y nagsasalita mula sa kaitaasan.
Kanilang inilagay ang kanilang mga bibig sa mga langit,
    at ang kanilang dila ay nagpapagala-gala sa ibabaw ng lupa.

10 Kaya't bumabalik dito ang kanyang bayan,
    at tubig ng kasaganaan ay iniinom nila.
11 At kanilang sinasabi, “Paanong nalalaman ng Diyos?
    May kaalaman ba sa Kataas-taasan?”
12 Narito, ang mga ito ang masasama;
    laging tiwasay, sa kayamanan ay sumasagana.
13 Sa walang kabuluhan ay pinanatili kong malinis ang aking puso,
    at ang aking mga kamay sa kawalang-sala ay hinuhugasan ko.
14 Sapagkat buong araw ako ay pinahihirapan,
    at tuwing umaga ay napaparusahan.

15 Kung aking sinabi, “Ako'y magsasalita ng ganito;”
    ako'y hindi magiging tapat sa salinlahi ng mga anak mo.
16 Ngunit nang aking isipin kung paano ito uunawain,
    sa akin ay parang napakahirap na gawain,
17 hanggang sa ako'y pumasok sa santuwaryo ng Diyos,
    saka ko naunawaan ang kanilang katapusan.
18 Tunay na sa madudulas na dako sila'y iyong inilalagay,
    iyong ibinabagsak sila sa kapahamakan.
19 Gaya na lamang ang pagkawasak nila sa isang iglap,
    tinatangay na lubusan ng mga sindak!
20 Sila'y gaya ng panaginip kapag nagigising ang isang tao,
    sa pagkagising ang kanilang larawan ay hinahamak mo.

21 Nang ang aking kaluluwa ay nagdamdam,
    nang ang kalooban ko'y nasaktan,
22 ako'y naging hangal at mangmang;
    ako'y naging gaya ng hayop sa harapan mo.
23 Gayunman ako'y kasama mong palagian,
    inaalalayan mo ang aking kanang kamay.
24 Sa iyong payo ako'y iyong pinapatnubayan,
    at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian.
25 Anong mayroon ako sa langit kundi ikaw?
    at liban sa iyo'y wala akong anumang ninanasa sa lupa.
26 Ang aking laman at ang aking puso ay maaaring manghina,
    ngunit ang Diyos ang lakas ng aking puso at bahagi ko magpakailanman.

27 Sapagkat narito, malilipol silang malayo sa iyo;
    ang lahat na hindi tapat sa iyo ay winakasan mo.
28 Ngunit para sa akin, ang pagiging malapit ng Diyos ay aking kabutihan;
    ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Diyos,
    upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001