Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Job 29-31

Sinariwa ni Job ang Maliligaya Niyang Araw

29 At muling ipinagpatuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi:

“O, ako sana'y tulad nang nakaraang mga buwan,
    gaya noong mga araw na ang Diyos ang sa akin ay nagbabantay,
nang sa ibabaw ng aking ulo ay sumisikat ang kanyang ilawan,
    at sa pamamagitan ng kanyang ilaw ay lumalakad ako sa kadiliman;
gaya noong ako'y namumukadkad pa,
    noong ang pakikipagkaibigan ng Diyos ay nasa aking tolda;
nang kasama ko pa ang Makapangyarihan sa lahat,
    nang nasa palibot ko ang aking mga anak;
noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas,
    at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng langis na tumatagas!
Noong ako'y lumabas sa pintuan ng bayan,
    noong ihanda ko ang aking upuan sa liwasan,
nakita ako ng mga kabataang lalaki, at sila'y umalis,
    at ang matatanda ay tumayo;
ang mga pinuno ay nagtimpi sa pagsasalita,
    at inilagay ang kanilang kamay sa bibig nila.
10 Ang tinig ng mga maharlika ay pinatahimik,
    nang sa ngalangala ng kanilang bibig, ang dila nila ay dumikit.
11 Nang marinig ng tainga, tinawag nito akong mapalad,
    at nang makita ito ng mata, iyon ay pumayag.
12 Sapagkat aking iniligtas ang dumaraing na dukha,
    maging sa mga ulila na walang tumutulong.
13 Ang basbas ng malapit nang mamamatay sa akin ay dumating,
    at ang puso ng babaing balo ay pinaawit ko sa kagalakan.
14 Ako'y nagbihis ng katuwiran, at ako'y dinamitan;
    parang isang balabal at isang turbante ang aking katarungan.
15 Sa bulag ako'y naging mga mata,
    at sa pilay ako'y naging mga paa.
16 Sa dukha ako'y naging isang ama,
    at siniyasat ko ang usapin niyaong hindi ko nakikilala.
17 Aking binali ang mga pangil ng masama,
    at ipinalaglag ko ang kanyang biktima sa mga ngipin niya.
18 Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Sa aking pugad ako mamamatay,
    at gaya ng buhangin aking pararamihin ang aking mga araw.
19 Kumalat hanggang sa tubig ang aking mga ugat,
    at may hamog sa aking sanga sa buong magdamag,
20 sariwa sa akin ang aking kaluwalhatian,
    at ang aking busog ay laging bago sa aking kamay!’

21 “Sa akin ay nakikinig at naghihintay ang mga tao,
    at tumatahimik para sa aking payo.
22 Pagkatapos ng aking pagsasalita, ay hindi na sila muling nagsalita,
    at ang aking salita ay bumagsak sa kanila.
23 At kanilang hinihintay ako, na gaya ng paghihintay sa ulan,
    at kanilang ibinuka ang kanilang bibig na gaya sa huling ulan.
24 Kapag sila'y hindi nagtitiwala, ako sa kanila'y ngumingiti,
    at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila pinababa.
25 Pinili ko ang kanilang daan, at umupo bilang puno,
    at namuhay gaya ng hari sa gitna ng kanyang hukbo,
    gaya ng isang umaaliw sa mga nagdadalamhati.

Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan

30 “Ngunit ngayo'y pinagtatawanan nila ako,
    mga kalalakihang mas bata kaysa akin,
na ang mga magulang ay di ko ilalagay
    na kasama ng mga aso ng kawan ko.
Ano ang mapapakinabang ko sa lakas ng kanilang mga kamay?
    Lumipas na ang kanilang lakas.
Dahil sa matinding gutom at kasalatan,
    nginunguya nila pati ang tuyo at lupang tigang.
Kanilang pinupulot ang halaman sa dawagan sa tabi ng mabababang puno,
    at pinaiinit ang sarili sa pamamagitan ng ugat ng enebro.
Sila'y itinataboy papalabas sa lipunan,
    sinisigawan sila ng taong-bayan na gaya ng isang magnanakaw.
Kailangan nilang manirahan sa mga nakakatakot na daluyan,
    sa mga lungga ng lupa at ng mga batuhan.
Sa gitna ng mabababang puno ay nagsisiangal,
    sa ilalim ng mga tinikan ay nagsisiksikan.
Isang lahing walang bait at kapurihan,
    mula sa lupain sila'y ipinagtabuyan.

“At ngayon ako ay naging awit nila,
    oo, ako'y kawikaan sa kanila.
10 Ako'y kanilang kinasusuklaman, ako'y kanilang nilalayuan,
    hindi sila nag-aatubiling lumura kapag ako'y namamataan.
11 Sapagkat kinalag ng Diyos ang aking panali, at ginawa akong mababang-loob,
    inalis na nila ang pagpipigil sa harapan ko.
12 Sa aking kanan ay tumatayo ang gulo,
    itinutulak nila ako,
    at sila'y gumagawa ng mga daan para sa ikapapahamak ko.
13 Kanilang sinisira ang aking daraanan,
    ang aking kapahamakan ay kanilang isinusulong,
    at wala namang sa kanila'y tumutulong.
14 Tila pumapasok sila sa isang maluwang na pasukan;
    at gumugulong sila sa gitna ng kasiraan.
15 Ang mga pagkasindak sa akin ay dumadagan,
    hinahabol na gaya ng hangin ang aking karangalan,
    at lumipas na parang ulap ang aking kasaganaan.

16 “At ngayo'y nanlulupaypay ang kaluluwa ko sa aking kalooban,
    pinapanghina ako ng mga araw ng kapighatian.
17 Pinahihirapan ng gabi ang aking mga buto,
    at ang kirot na ngumangatngat sa akin ay hindi humihinto.
18 May dahas nitong inaagaw ang aking kasuotan,
    sa kuwelyo ng aking damit ako'y kanyang sinunggaban.
19 Inihagis ako ng Diyos sa lusak,
    at ako'y naging parang alabok at abo.
20 Ako'y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot;
    ako'y tumatayo, at hindi mo ako pinapakinggan.
21 Sa akin ikaw ay naging malupit,
    sa kapangyarihan ng kamay mo, ako'y iyong inuusig.
22 Itinataas mo ako sa hangin, doon ako'y pinasasakay mo,
    sinisiklot mo ako sa dagundong ng bagyo.
23 Oo, alam ko na dadalhin mo ako sa kamatayan,
    at sa bahay na itinalaga para sa lahat ng nabubuhay.

24 “Gayunma'y di dapat tumalikod laban sa nangangailangan,
    kapag sila'y humihingi ng tulong dahil sa kapahamakan.
25 Hindi ko ba iniyakan yaong nasa kabagabagan?
    Hindi ba ang aking kaluluwa ay tumangis para sa mga dukha?
26 Ngunit nang ako'y humanap ng mabuti, ang dumating ay kasamaan;
    nang ako'y naghintay ng liwanag, ang dumating ay kadiliman.
27 Ang aking puso'y nababagabag at hindi natatahimik,
    ang mga araw ng kapighatian ay dumating upang ako'y salubungin.
28 Ako'y humahayong nangingitim, ngunit hindi sa araw;
    ako'y tumatayo sa kapulungan at humihingi ng pagdamay.
29 Ako'y kapatid ng mga asong-gubat,
    at kasama ng mga avestruz.
30 Ang aking balat ay nangingitim at natutuklap,
    at ang aking mga buto sa init ay nagliliyab.
31 Kaya't ang aking lira ay naging panangis,
    at ang aking plauta ay naging tinig ng umiiyak.

Iginiit ni Job ang Kanyang Katapatan

31 “Ako'y nakipagtipan sa aking mga paningin;
    paano nga akong titingin sa isang birhen?
Ano ang bahagi ko mula sa Diyos sa itaas,
    at ang aking mana mula sa Makapangyarihan sa lahat sa kaitaasan?
Hindi ba dumarating ang kapahamakan sa taong masasama,
    at ang kapahamakan sa mga masasama ang gawa?
Hindi ba niya nakikita ang aking mga lakad,
    at binibilang ang lahat ng aking mga hakbang?

“Kung ako'y lumakad ng may kabulaanan,
    at ang aking paa ay nagmadali sa panlilinlang;
timbangin ako sa matuwid na timbangan,
    at hayaang malaman ng Diyos ang aking katapatan!
Kung ang aking hakbang ay lumiko sa daan,
    at ang aking puso ay lumakad ayon sa aking mga mata,
    at kung ang anumang dungis ay kumapit sa aking mga kamay:
kung gayo'y papaghasikin mo ako, at bayaang iba ang kumain,
    at hayaang mabunot ang tumutubo para sa akin.

“Kung natukso sa babae ang puso ko,
    at ako'y nag-abang sa pintuan ng aking kapwa tao;
10 kung magkagayo'y hayaang iba ang ipaggiling ng aking asawa,
    at hayaang iba ang yumuko sa ibabaw niya.
11 Sapagkat isang napakabigat na pagkakasala iyon,
    isang kasamaan na parurusahan ng mga hukom;
12 sapagkat iyo'y isang apoy na tumutupok hanggang sa Abadon,
    at susunugin nito hanggang sa ugat ang lahat ng aking bunga.

13 “Kung tinanggihan ko ang kapakanan ng aking aliping lalaki o babae,
    nang sila'y dumaing laban sa akin,
14 ano nga ang aking gagawin kapag ang Diyos ay bumangon?
    Kapag siya'y nagtatanong, anong sa kanya'y aking itutugon?
15 Hindi ba siya na lumalang sa akin sa bahay-bata ang sa kanya'y lumalang?
    At hindi ba iisa ang humugis sa atin sa sinapupunan?

16 “Kung pinagkaitan ko ng anumang kanilang nasa ang dukha,
    ang mga mata ng babaing balo ay aking pinapanghina,
17 o ang aking pagkain ay kinain kong mag-isa,
    at hindi nakakain niyon ang ulila—
18 dahil, mula sa kanyang pagkabata ay pinalaki ko siya, na gaya ng isang ama,
    at aking pinatnubayan siya mula sa bahay-bata ng kanyang ina;
19 kung ako'y nakakita ng namatay dahil sa kakulangan ng suot,
    o ng taong dukha na walang saplot;
20 kung hindi ako binasbasan ng kanyang mga balakang,
    at kung sa balahibo ng aking mga tupa ay hindi siya nainitan;
21 kung laban sa ulila'y binuhat ko ang aking kamay,
    sapagkat nakakita ako ng tulong sa akin sa pintuan,
22 kung gayo'y malaglag nawa ang buto ng aking balikat mula sa balikat ko,
    at ang aking bisig ay mabali sa pinaglalagyan nito.
23 Sapagkat ang pagkasalanta mula sa Diyos ay aking kinatakutan,
    at hindi ko sana naharap ang kanyang kamahalan.

24 “Kung ako'y sa ginto nagtiwala,
    o tinawag ang dalisay na ginto na aking pag-asa,
25 kung ako'y nagalak sapagkat ang aking kayamanan ay malaki,
    o sapagkat ang aking kamay ay nagtamo ng marami;
26 kung ako'y tumingin sa araw kapag sumisilang,
    o sa buwan na gumagalaw na may karilagan,
27 at lihim na naakit ang aking puso,
    at hinagkan ng aking bibig ang kamay ko,
28 ito man ay kasamaang dapat parusahan ng mga hukom,
    sapagkat ako sana'y naging sinungaling sa Diyos na nasa itaas.

29 “Kung ako'y nagalak sa pagkawasak niyong sa akin ay nasuklam,
    o natuwa nang datnan siya ng kasamaan—
30 hindi ko hinayaang ang bibig ko'y magkasala,
    sa paghingi na may sumpa ng buhay niya—
31 kung ang mga tao sa aking tolda ay hindi nagsabi,
    ‘Sino bang hindi nabusog sa kanyang pagkain?’
32 ang dayuhan ay hindi tumigil sa lansangan;
    binuksan ko ang aking mga pinto sa manlalakbay—
33 kung aking ikinubli sa mga tao ang aking mga paglabag,
    sa pagkukubli ng aking kasamaan sa aking sinapupunan;
34 sapagkat aking kinatakutan ang napakaraming tao,
    at pinangilabot ako ng paghamak ng mga angkan,
    na anupa't ako'y tumahimik, at hindi lumabas sa pintuan—
35 o sana'y may duminig sa akin!
    (Narito ang aking pirma! Sagutin ako ng Makapangyarihan sa lahat!)
    At sana'y nasa akin ang sakdal na isinulat ng aking kaaway!
36 Tiyak na papasanin ko ito sa aking balikat;
    itatali ko sa akin na gaya ng isang korona;
37 aking ipahahayag sa kanya ang lahat kong mga hakbang,
    gaya ng isang pinuno ay lalapitan ko siya.

38 “Kung ang aking lupain ay sumigaw laban sa akin,
    at ang mga bungkal niyon ay umiyak na magkakasama;
39 kung kumain ako ng bunga niyaon na hindi nagbabayad,
    at naging dahilan ng pagkamatay ng mga may-ari niyon;
40 tubuan nawa ng dawag sa halip ng trigo,
    at ng masasamang damo sa halip ng sebada.”

Ang mga salita ni Job ay natapos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001